Walang kakupas-kupas sa pagiging balasubas
Itong mga ahas na mambabatas.
Habang binabagtas ng buwan ang landas ng bukas
Kanila itong tinambangan at inutas.
Inialay ang bangkay sa nunal ni Hudas.

Ang paggahasa sa saligang batas
Ay may pandong ni Satanas.
Di baleng bituka ng Bayan ay magkanda-butas-butas,
Di baleng katawan nito’y lamunin ng manas,
Ang mahalaga sa pwesto sila’y di nalalagas.

Walang kadala-dala itong huklubang mga ahas
Sa pagsubok sa lakas ng Bayang matikas.
Maaaring ito ngayo’y tahimik, sa pagdurusang dinaranas,
Maaaring ito ngayo’y nagtitimpi, sa pagyurak na walang wakas,
O di kaya’y nagtitiis sa sakit ng dangal na tinatabas.

Ngunit, di lahat ng oras ang katahimikan ay pag-atras,
O ang pagtitimpi’t pagtitiis ay laging batas ang lunas.
Sasapit din ang takdang oras na ang buwan ay magniningas.
Ang ningas nito’y gagabay sa Hukbo ng Mananabas
Upang ihanda ang Bayan sa huling pag-aaklas.

*Con-Ass ni Gloria, Tutulan!

25 Hunyo 2009

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.