Marami na nga talaga ang nangyayari sa ating bansa ano po? Marami nang kaguluhan, maraming pagkabigo, at maraming pagkasawi .

Ang ama ko, kapag nakaririnig o nakakikita ng mga balita tungkol sa kaguluhan ng bansa, naku, nagpapaulan ng kung anu-anong komento. Doon na mag-uumpisa ang diskusyon sa aming tahanan. Hindi ko naman sya mapigilan, ika nga, we have the right to express ourselves.

Gusto ko lamang ipaabot ang aking nararamdaman sa ating bansa. Sa totoo lang, naaawa ako sa ating mga Pilipino. Palagi na lang tayong nagpaparaya, palagi tayong naiisahan, palagi tayong naloloko. Naiinis din ako sa ating gobyerno sa kadahilanang madalas silang nagiging makasarili at wala na silang ibang iniisip kundi ang kaginhawaan sa buhay.

Kung iisipin nga, kaya nating maging isang First World Country. Madami tayong resources. Ngunit ang problema naman sa atin, hindi tayo marunong kung paano talaga ito pagyayamanin. Nakakainis. Palagi pa tayong naiisahan. Nariyan ang ibang mga Asyano, na tinuruan natin ng ating mga pamamaraan sa pag aani ng bigas. Ngayon, dahil sa krisis sa bigas, nag-iimport pa tayo sa kanila. Ayos din ano, tayo na nga ang nanakawan, tayo pa ang magbabayad.

Matatalino ang mga Pilipino. Mayroon tayong 97% literacy rate. Ngunit dahil nga sa kakulangan sa pondo, hindi ito masyadong napagyayaman. Ano pa’t ang Amerika, hindi naman masasabing lahat ay nakapag-aral ng maayos, nasusuportahan naman sila ng gobyerno. Tulad din ng Japan, na bibigyan ka ng sustento kung talagang likas na tamad ka lang. LOL.

Ang Singapore na kasing laki lamang ng isang syudad, kitang kita ang asenso. Sa kasalukuyan, nalaman kong sila ang nangunguna sa International Science and Math Competitions sa elementarya at sekondarya. Totoo. Sila ang number one sa listahan. Bakit hindi ang Pilipinas? Bakit hindi tayo? Mas madami pa tayong yaman kaysa sa kanila. Kung matututunan lang sana natin ang disiplina, tiyak ang pag-unlad ng bansa at ng mga mamamayan nito.

Hindi naman sa nagiging maka-dayuhan ang aking pag-iisip, ngunit gusto ko lang ikumpara ang ating bansa sa iba pa. Kaya kasi nating matapatan … o mahigitan pa sila eh. Pero bakit hindi? Sa totoo lang, hindi ako kontento na makikilala lang ang bansa natin bilang bayan ng maririkit na dilag. Hindi ako kuntento na Fil-Ams ang mamamayagpag sa iba’t ibang larangan. At hindi ako kuntento na tatawaging pang katulong lang ang mga Pilipino.

Kung aasenso ang ating bayan, wala nang mangingibang bansa. At mas marami ang ipagmamalaki nating Pilipino. Hindi lang sa mukha tayo kikilalanin kundi pati na rin sa ating intelektwal na kakayahan. Para sa akin kasi, baligtarin mo man ang mundo Am-Fil pa rin ang mga Fil-Ams. Sa Amerika pa rin sila namuhay. Ang tanging dahilan lamang na naging Pilipino sila ay dahil sa kanilang mga magulang o di kaya dito sila ipinanganak. Baligtarin mo man ang mundo, kulturang Amerikano pa rin ang kinagisnan nila.

Isa rin iyan sa ikinaiinis ko. Palagi na lang ba tayong may kahating bayan? Bakit hindi natin kayang tumayo sa sarili nating mga paa?

Siguro sa atin na nakasalalay ang kasagutan dyan. Tayo na ang dapat kumilos. Wag nang mag-isip na bahala na si Batman, dahil si Batman, matagal nang wala.

Ang pagkakaisang mungkahi ng mga mamamayan, nasaan? Hanggang salita na lang ba tayo? Bakit natin sasabihing gusto natin ng katahimikan kung maraming buhay ang nabubuwis para lamang maipaabot ang mensaheng ito? Halos lahat na lang ng bagay ngayon, dinadaan sa dahas at patayan. Hindi tayo nagkakaisa. Hindi tayo nagkakaintindihan. Nasaan ang kapayapaan doon?

Kung tayong Pilipino ay magtutulong- tulong, tiyak kaya nating bumangon mula sa pagkabigo na ating nararanasan. Lahat ng kabiguan ay may kasagutan. May liwanag pang naghihintay sa atin. Kung baga, may kamay na naghihintay sa mga Pilipino, ngunit hindi niya tayo ibabangon hanggat hindi pa kumpleto ang bayan.

Join the Conversation

5 Comments

  1. tignan nga ninyo! isang labingtatlong taong gulang naiinis dahil sa kalokohan ng ating gobyerno….HOY gloria gumising ka!

  2. hindi lang naman gobyerno ang pinangalanan nitong mapag-isip na nagsulat nito. Sumasang-ayon ako nang husto sa sinabi niyang hindi nakakatuwang parati na lang mga pilipinong naninirahan sa ibang bansa ang siyang umaasenso sa mga napili nilang mga larangan. Nararapat kasi sa mga Pilipinong maging mas makabayan at mas ipagmayabang kung ano mang kagalingan ang nakikita sa Pilipinas mismo. Isa rin kasi talaga sa kinaiinisan kong ugali ng mga pilipino ay ang pagkakaroon ng mataas na pagtingin sa ibang bansa at sa gawaing iyon, naibababa ang tingin sa sarili natin. may mga maipagmamalaki rin kaya tayo! at isa pa rin na hindi magandang ugali sa nakararami sa atin ay ang pagsisisi na lang lagi sa gobyerno dahil sa kahirapang dinaranas natin. sabihin na nating si gloria nga ang pangulo natin at siyang may kapangyarihan, hindi naman ibig sabihin noon na siya na ang may kasalanan kung bakit si Juan diyan sa may kanto ay naghihirap diba? Grabe rin kasi tayong mga Pilipinong makaturo sa mga opisyales ng gobyerno. Totoo,karamihan sa kanila nangungurakot pero may magagawa ba ang tahasan nating pagpapakita ng galit sa lahat sa kanila na hindi rin naman natin sigurado kung may nagagawang masama.

    Sa akin lang, ginagawa rin naman siguro ng mga opisyales natin ang makakaya nila upang matulungan ang bansa natin kaya dapat rin naman na suportahan natin sila. Lalong-lalo na rin ang pangulo natin, malaki na ang naging pasan niya simula nang naupo siya, at dahil tao rin lang naman siya hindi naman natin maaasahang bawat hakbang niya ay tiyak na makakatungo sa ikauunlad ng bayan natin, ang masasabi ko lang ay ginagawa niya ang makakaya niya. Dapat tayo ring mga Pilipino, dapat gawin natin ang makakaya natin sa sarili nating pamamaraan at ang panunuro ng ibang tao ay hindi makakatulong doon. Salamat po.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.