Karaniwang petsa lamang sa ating kalendaryo
ang di-karaniwang petsang Abril 28.
Markahan natin ang petsang ito,
markahan at huwag burahin ang tanda
sa kalendaryo ng ating mga isipan.

Abril 28, 2004 — araw na dumanak ang dugo ni Isaias Manano sa Calapan, Oriental Mindoro.

Abril 28, 2006 — araw na dinukot ng mga diyablong unipormado sa Tagaytay sina Axel Pinpin, Riel Custodio, Aristides Sarmiento, Enrico Ybañez, at Michael Masayes.

Abril 28, 2007 — araw na sinaklot ng kawalan si Jonas Burgos sa isang restawran sa Quezon City.

Markahan natin ang petsang ito,
markahan at huwag burahin ang tanda
sa kalendaryo ng ating mga isipan
nang hindi maging karaniwang petsa lamang
ang isang di-karaniwang petsa —

at nang di maging “karaniwang krimen” lamang
ang mga kasalarinang ginawa sa araw na ito.

28 Abril 2009

*Hinalaw ang ilang bahagi ng tula sa isang maikling mensaheng ipinaskil ni Kiri Dalena sa kanyang Facebook page.

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.