Tiyak ako, napanood mo sa isang teleserye
sa Channel 2 ang pagtalon ni Jodie Santamaria
mula sa ikawalo o ikasampung palapag (hindi
ko na matandaan) ng ospital. At bagaman hindi
ipinakita ang paglagapak at pagsabog ng bungo
ng magandang aktres, tumanim sa isip mong
hindi mali ang mamatay; ang mali ay ang mabuhay
nang walang katiyakan at walang karangalan.

Ayaw kitang sisihin. Sadyang maraming maling aral
ang media, kahit pa nga ang mga balita at ang mga tula.
Maraming isinusubo ang kahirapan, maraming iginugupo
ang kapalaran. Napanood mo rin malamang sa Saksi
ang batang pumanhik sa tore ng Meralco at ang mamang
naglambitin sa billboard ni Dennis Trillo, para lamang ipahayag
ang kanilang pagtutol na magpatuloy pa sa buhay
na tigib ng lungkot. Palibhasa’y hindi mo pa abot
ang tuktok ng bundok, o ang billboard, sabihin na nating
ang sariling bubong, kaya sa lamesita ka na lang tumuntong
upang isinampay ang sarili sa lubid. Mas maganda sanang
pagmasdan ang mga medalya kaysa lubid sa iyong leeg.

Mapalad ka pa nga at mayroon kang mga mata,
nga kamay, mga paa. Napanood mo ba ang istorya
ng batang palaka na pahimbak-himbak sa bundok
maihatid lang ang sarili sa iskuwela? Napakaraming
mga batang nakikipagsagupa sa bangis ng kahirapan.

Ang mga batang pusit na idinokumento ni Kara David
halimbawa, na patuloy lang sa pagsisid sa mga biyaya
at kabuluhan ng buhay. Kung katulad nila’y nakipaglaban ka,
balang araw ay maisusulat mo rin sana sa iyong munting
talaarawan ang mga aanihing pagtatagumpay.

Sabi nila, dakila kang bata ka. Kinalampag mo
ang sambayanan. Isinakdal mo ang mga magnanakaw.
Sabi nila, kahawig ng maiksi mong buhay ang kay Anne Frank.

Pero hindi ikaw ang dapat na naduwag.
Hindi ikaw ang dapat na nabuwag.

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.