May higit sa isang taon na ang lumalakad
mula nang ang mga paa ng mga
Dale Abenojar, Erwin Emata, Leo Oracion, at Romi Garduce
ay makahalik sa tuktok ng Everest.
Noo’y nagpista ang buong bayan,
at karapat-dapat lang na ipagbunyi hanggang langit
ang kanilang tagumpay.
Sila ang kauna-unahang mga anak ng Pilipinas
na nakarating sa tuktok
ng pinakamataas na bundok sa mundo.
Ngunit huwag sanang angkinin ang kanilang tagumpay
bilang “tagumpay ng ating lahi,
tagumpay ng ating lipi.”
Hindi nila panahon ang ating panahon:
sila’y angat sa ating panahon.
Sapagkat ang ating panahon
ay panahong nagkakasya ang karamihan
sa makalampas lang nang kaunti sa paanan
ng bundok na ni hindi kasintaas ng Everest,
at sapagkat malapit lamang sa paanan
ang hinahangad na marating,
itinuturing nang malaking tagumpay
ang makaapak sa paanan lamang —
sa halip na tuklasin at sikaping igpawan
ang dahilan ng kahinaan ng tuhod.