Para sa amin,
isang salang kasimbigat ng pamamaslang
ang isiping hindi ka na babalik,
hindi ka na uupo kailanman
sa silyang lalaging nakalaan sa iyo
sa tuwing almusal, tanghalian,
minindal at hapunan.
Bagama’t natutuhan na namin
ang tanggaping maaaring naganap na
ang pinakamasaklap sa lahat,
umaasa pa rin kami sa pagsapit ng araw
na muli ka naming makakahuntahan
sa harap ng hapag at mga pagkain —
kahit na ang bawat sandali ng pagtatanong
kung nasaan ka kaya
ay parang pagkaladkad sa amin
sa ibabaw ng mga bato at lupa
papunta sa sasakyang magdadala sa amin
sa impiyernong may apat na dingding,
parang paulit-ulit
na panununtok sa panga’t tadyang
at pag-uumpog ng ulo sa pader.

Lalaging may silyang nakalaan sa iyo,
ilanmang almusal at tanghalian,
minindal at hapunan
ang mairaos —
sapagkat ang ganitong paglalaan
ay pagkakait din ng katahimikan
sa mga gabi’t araw ng mga umagaw sa iyo
at sa marami pang katulad mo.

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.