Kung tayo’y magkakapit-bisig,
dapat silang mangilabot.
Ang iisang liyab ng ating mga sulo
ang wawasak sa karimlang pinagsadlakan sa atin
ng mga nagnanasang sarilihin ang liwanag.
Ang iisang awit ng ating mga tinig
ay kulog na pupunit
sa katahimikan ng libingan,
katahimikang inilambong nila sa atin
nang hindi nila marinig ang mga daing
ng kanilang ninakawan.
Ang iisa nating lakas
ay lindol na gugupo
sa kawalang-pag-asang itinakda para sa atin
ng mga kumamkam sa ating kinabukasan.
Sa ikalimang anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita, at sa alaala nina Jesus Laza, Jhaivie Basilio, Juancho Sanchez, Jessie Valdez, Jun David, Jaime Pastidio at Adriano Caballero
Sa gunita rin nina Ricardo Ramos, Tirso Cruz, Abelardo Ladera, Marcelino Beltran, Ben Concepcion, Florante Collantes, at Padre William Tadena