mainit pa ang iyong kamao
may mga hiyaw ng pagbati
at pagpupugay
sa kasaysayang iyong iginuguhit
may mga galos at maga
at marahil
alog ang utak at baga
sa malalakas na bayo at suntok
ng kalabang iginupo
matatamis ang iyong ngiti
may mga luha pang sumilip
dama ng lahat ang iyong tagumpay
nakamasid sa bawat mong hakbang
mag-iingat ka sa mga bangaw at buwitre
na aali-aligid sa iyo
sa mga puting-uwak na isinasabak ang muli mong laro
sa mga tukong hindi na makaalis sa iyong anino
talos ng lahat ang iyong galing
ngunit ika’y tulad lamang
ng isang mahusay na manok ng sabungan
lahat ng kalaban ay iyong tinatari
ngunit sa huli’y mapapagod ka rin
ang mga sigawan at paghanga ay maglalaho
alaga ka nila
mula ulo hanggang paa
hanggat may hininga at suntok pang maibubuga
sa paglipas ng lakas at kasikatang waring
hindi na aalpas
kung ikaw ay tuyong dahon nang nalalanta
marahil isa-isang maglalaho
ang nakapaligid na multo at demonyo
gamitin mo ang iyong sintido
hawakan mo ang iyong tagumpay
simsimin ang tamis panahon
huwag pauuto sa bulong ng palasyo!