Nakatatak na sa kasaysayan
ang mga salitang binitiwan
ng isang babaeng makapangyarihan
na walang mintis sa kasikatan.

Palad niya’y bakal,
kamao niya’y apoy;
hindi kailanma’y magpapahangal
sa tinig ng mga taong lubog sa kumunoy.

Asido ang kanyang polisiya
na tumutunaw sa nararapat na sistema.
Amo niya ang mga mayayamang banyaga,
ipinagtatabuyan ang kababayang maralita.

Kung ang mga salita ay mananatiling salita,
buhusan mo na lang kami ng kumukulong tubig,
lapnusin mo ang aming mga kalyadong balat,
hanggang sa galitin kami ng aming pagkamanhid.

Kung ang sistema ay ganap nang magpapatuta,
gilitan
saksakin ng bolo,
tagain mo na lang ng itak
ang aming mga nangangawit na leeg,
hanggang sa mapaso ka ng aming sumisidhing kalamnan.

Kung bakit noong taong 2007, Hulyo Bente-tres
ay nabigyan pa ng panahon ng bayan ang tinig ng makapangyarihan.
Alam naman nating lahat na ang salita ay salita lamang,
ang polisya’y patuloy paring aamagin sa kadiliman.

Pasuin mo na lang ang aming mga balat
kung sapilitan mo kaming paniniwalaing ang
salita ng makapangyarihan ay katangap-tangap.
Patayin mo na lang kami…

Oscar T. Serquiña Jr

Si Oscar ay BA Speech Communication major sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang tanging hangad lang niya ngayon ay maimulat ang kanyang kapwa sa mga nangyayari sa kapaligiran gamit ang kanyang mga akda.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.