Habang nagmamartsa sa iyong likuran
ang mga watawat ng protesta,
iwinawagayway mo nang buong giting ang bandila
ng pagbabagong “mula sa sarili” lamang.
Masdan mo, Mr. Shooli,
ang pagbabagong “mula sa sarili” lamang
sa mga bituing kakulay ng mga unggoy,
amuyin mo
sa mga sampagitang kasimbaho ng asupre.
At saka ipakita mo sa amin
ang mga diktador at mandarambong na napaluhod
nang walang martsa ng mga watawat ng protesta.
Mr. Shooli!
Ikaw na nagmamarunong
tungkol sa pagbabagong isinusulong
ay walang kabait-bait sa sarili
nang magpaniwala sa sabi.
Ikaw na nagtatanong
sa mga nakakahong sagot, pananaw
ng iyong mga kaibigang likaw.
Wala kang alam!
Magbarbikyu ka na lang, Mr. Shooli.
Magtuhog ng mga latak,
mag-asal ng inuuod nang laman
ng walang kasimbulok na kasinungalingan.
At subukan mo uling isawsaw
sa minatamis na laway ng inyong partido
saka mo kainin, namnamin,
lasapin.
Tingnan natin kung masasarapan ka.