sa mga sentido nila
nagmula ang delubyo ng panahon
sila ang nasa likod ng lasong-usok
mula sa mga pabrikang itinindig
magkamal lamang ng salapi
at hindi na alintana
ang daing ng libong isip at bisig at kaluluwa
na siyang ugat at buhay ng kanyang uhaw na pagkatao
sa kanila nagmumula ang burak ng ilog
na ‘sing -itim ng kanilang budhi
walang kaluluwa ang sa kanila’y namamahay
pagkat sa ugat nila’y nananalaytay
ang kasakiman at ‘di maubus-ubos na ligaya
ang gutom ay burado sa kanilang talasalitaan
at ang hirap ay sumpang kanilang tinatawanan
nariyan sila
nagkakalat sa t. v., nag-iingay sa radyo, kumakaway sa lansangan
at ang mga ngiti nila’y nagtataglay ng manhid na damdamin
isang mapagkunwaring salamin ng nabubulok nilang pagkatao
at sila’y naroroon
sa ibabaw ng trayanggulo
na pinagsusumikapang baliktarin
ng mga nauuhaw, at nagugutom
at ng mga nagngangalit na kamao
sa mga sentido nila
nagmula ang delubyo ng panahon…
na sama-sama nating uusigin, buburahin
sa pagtiim ng kamao at ngipin
at isang kalabit ng gatilyo