Si Joanne ang “only rose among thorns” sa grupo namin sa Lab work ng Chemistry nung nasa kolehiyo pa kami.

Sinadya yata ng propesor na may isang babae sa grupo para magkaron kami ng moderator kung baga. Nasa amin daw kasi ang masasamang tinapay ng klase at baka sakaling tuminu-tino ang hitsura namin kung mapalamanan ng kahit isang babae.

Tinatamad kaming lahat magtrabaho kapag wala siya dahil walang makakapag-utos sa amin kundi siya. Ang palusot namin palagi, hindi pupuwedeng mag-proceed sa labwork kung may maiiwang isang kagrupo. Nasa kalagitnaan na kasi ng term nang sunud-sunod naman na umabsent si Joanne. Doon ko nakita na bigla na lang nahirapan mag-solve o magbilang ng valence electrons si Pol. Napansin ko rin na nakakaantok palang maghalo ng chemicals na siya namang pinagtitripan at sinisinghot na lang ni Jimbo. Ang isa ko namang kagrupo, si Biton ay palagi na lang nagugutom kaya pabalik-balik sa canteen. Kapag wala na talagang magawa nakikinig na lang ako sa paulit-ulit na kuwento ni Jimbo tungkol sa syota niyang sobrang hilig makipag-sex.

Naramdaman ko ang puwang sa bakanteng upuan na katabi ko noon, para akong pinagtaksilan ng sipag ko sa pag-aaral kung wala si Joanne. Naisip ko na ang kung anong mga sakit na puwedeng dumapo sa kanya, lalo na’t medyo maulan-ulan na rin noon. Hindi lang yata sa grupo namin nararamdaman ang pagkawala niya dahil kahit ibang kaklase at estudyante sa kabilang klase namin ay nagtatanong din.

“Nahan na si Ms. Padilla?” tanong ng propesor namin.

“Hindi namin alam, Sir.”

“Baka inaway naman ninyo?”

“Naku hindi, Sir,” ang sabi ni Jimbo na pinag-iinitan ni Prof dahil sa hikaw niya sa kanang tainga.

“Mr. Tamayo! Hanapin mo si Joanne kung nasaan man siya dahil sa susunod na pag-absent niya, I’ll advise her to drop my subject!”

Nagkatinginan kaming apat sa sinabi ni Prof. Pagbalik namin sa lab, nag-usap usap kaming mga boys kung sinong kokontak kay Joanne.

“‘Kaw na Pol! Hindi ka naman mauubusan ng load eh.”

Tumanggi si Pol.

“Ano ba kayo, baka may magselos pa diyan,” sabay kindat sa akin.

“Bakit Henry, may ‘namamagitan’ na ba sa inyong dalawa? Ha?”

Tiningnan kong mabuti si Jimbo. Gusto ko sanang sagutin ng “Oo” kaya lang mahirap panagutan ang kasinungalingang ‘yun, lalo na kung sakaling bumalik si Joanne. Maliban kasi sa pag-aabot ko ng test tube sa kanya, sabay na paghiram ng libro sa library at patapun-tapon na sulyap mula sa salamin at flasks na nagpapalaki ng suso niya ay wala talagang namagitan sa amin. Grabe lang talagang manukso ‘tong mga mokong sa grupo, eh ni hindi nga nila makuha ang number ni Joanne.

Ang sabi ni Prof, dalin namin next meeting si Joanne by hook or by crook. Nagkatinginan ulit kaming apat at nauwi kay Biton ang trabahong hanapin siya. Hindi naman kasi marunong magreklamo si Biton at maamo siya sa aming lahat. Kinakalikot niya ang microscope nang sawayin siya ni Jimbo.

“Hoy, Biton hanapin mo ‘yung prinsesa natin ha! Pati tuloy ‘tong trabaho natin eh naabala dahil sa kanya.”

Tumangu-tango lang si Biton na parang kalabaw.

Mga alas kuwatro na nang lumabas kami sa laboratoryo. Gusto ko sanang manood ng sine o kaya’y kumain sa labas dahil kasusuweldo ko pa lang. Ang iba kong kaklase kung hindi magbibilyar ay sama-samang magpupunta sa kani-kanilang mga tambayan at gigimik.

Dahil alas kuwatro pa lang naman, dumaan muna ako sa Quiapo at sinilip ang mga bagong palabas sa sinehan. Ang totoo, naroon ako para hanapin ang kaibigan kong sikyu na magpapapasok sa ‘kin nang libre. Kaya lang, parang nagbago ang isip ko pagdating doon. Puro kasi lumang western at bold ang nakadisplay. Puwede na ring pagtiyagaan kaya lang nung sinilip-silip ko pa kung nandun ang kaibigan kong sikyu, karelyebo niyang hindi ko kakilala ang nandun. Di bale na. Hindi ko rin naman ganun kagusto ang ipinapalabas nila.

Hindi ko sinasadyang makasalubong si Biton sa Bowling alley pag-akyat ko para bumili ng softdrinks. Mag-isa siyang nakaupo at nakatingin sa mga nagbibilyar. Nagpapalipas lang siguro ng oras. Sa laki ni Biton, talagang hindi ka na lang tumitingin sa dinadaanan mo kung makasalubong mo siya at hindi mapansin. Kakasuweldo ko lang at gusto kong mag-good time ang sabi ko sa kanya.

“Ano inuman na? Basagan tayo ngayon,” yaya ni Biton.

Pero dehins muna dahil pahinga ang bituka ko ngayong hapon. Mamayang gabi pa ang iskedyul ko ng inom. Ayaw ko namang magbowling dahil bano ako sa sport na ‘yun. Ang totoo nga niyan, bano ako sa kahit anong sport na asintahan ang labanan.

Niyaya ko na lang si Biton na sumama sa akin. Hindi ko muna sinabi kung saan kami pupunta, ang sinabi ko ‘yung gusto kong gawin. Gusto kong mag-good time. Hindi ko alam kung anong klaseng good-time ang hilig ni Biton pero ililibre ko siya sa tipo ng good-time ko. Nakakaawa naman kasi siyang iwan sa bowlingan nang mag-isa.

Sumakay kami ng dyip paluwas ng Quezon Avenue at bumaba kami sa kanto ng Araneta. Sa isang matinong restaurant ko siya dinala. Matinong tingnan sa labas, dahil nagsisilbi naman sila ng mamilog at pansit pero may mga piling customer ang nakakaalam na may makalupang putahe palang sinisilbi sa loob. Dati ko nang napuntahan ‘yun kahit noong hindi pa ako kumikita ng sariling pera. Katulad ni Biton, niyaya lang rin ako ng isang kaibigan. Walang gaanong pinagbago ang modus operandi nila, pati hitsura ganun pa rin. Ang mga ganitong lugar naman yata ay hindi talaga nagbabago. Hinahanap ko ‘yung dating pinili ko noon dahil nangako akong babalikan ko siya pero hindi ko na mahanap. Mga bago at mukhang mas bata pa itong nakikita ko sa menu. Umorder na ako ng mamilog para sa aming dalawa ni Biton. Siyempre numero lang ang ibibigay nila, pagkatapos papasok ka na sa banyo na walang palatandaan kung panlalaki o pambabae. Doon makikita ang isang hagdan na pumapanhik sa isang pasilyo sa taas, kaliwa’t kanan makikita ang mga kuwarto na gawa sa plywood at nakakandado.

Hindi ko na gaanong inintindi si Biton, basta’t ang mahalaga ay mag-enjoy kaming dalawa. Sumenyas ako ng okay at sumenyas din siya ng okay. Ibinilin ko siya sa sikyu ng kabilang building na humihigop din noon ng mami.

“Pa’no, pre uuna na ‘ko. Basta’t pag nabanyo ka eh huwag mong pipigilan.”

Ni hindi ko man lang ginalaw ang mami.

Naghihintay sa itaas ng mamihan ang mga sandosenang babaeng nagtinginan lahat sa akin. Hindi ko agad naipakita ang numerong hawak-hawak dahil napatingin ako sa kisame.

Kinuha ako ng isang babae sa kinukutuban kong pulso. Siya na siguro si “Lucky” number 7. Naglakad kami sa pasilyo na sinasabitan ng kurtina. Sumisilip ang liwanag ng araw mula sa labas sa isang palyadong exhaust fan. Tiningnan ko iyon nang mabuti habang nagkakamali sa pagbukas ng pintuan ang babae. Lumapit ako sa kanya at tiningnan ang susing isinasaksak sa door knob. Nalaglag niya ang susi. Pinulot ko iyon at ako na mismo ang nagbukas ng pintuan. Gusto kong basagin ang katahimikan sa pagitan naming dalawa kaya ngumiti ako at una ko siyang pinatuloy sa kuwarto. Simple lang ang damit niya. Pipuwede ko siyang mapagkamalang kaklase o ka-opisina. Suot niya ang kaunting make-up at mumurahing pabango na may katulad na halimuyak ng paa ng nazareno sa Quiapo.

Umupo ako sa kama habang hinuhubad niya ang kanyang palda.

“Ano maghuhubad na ba ‘ko?”

Pero naghuhubad na siya.

“Hindi muna,” sabi ko.

Hindi sa nahihiya o kung anuman. Ayaw ko lang kasi na masyadong nagmamadali. Kahit naman puta ‘yun eh kailangan ding ligawan ng kaunti. Umupo ang babae sa likod ko at minasahe niya ako sa balikat. Pinatigil ko siya.

“Gusto mo ba’ng ginagawa mo?” tanong ko sa kanya.

Hindi niya ako kinikibo. Gusto ko lang kasing siguraduhin na kumportable siya o ako sa ginagawa at gagawin namin. Hindi siya tumigil sa pagmamasahe. Sa bagay, kung hindi rin naman namin kasi gagawin ang dapat naming gawin eh mabuti pang umalis na lang ako.

Hinubad niya ang kanyang blusa at nakita ko ang mala-porselanang kuko ng kanyang mga daliri. Napatid ang mga butones at lumitaw ang hubog ng kanyang dibdib. Maging iyon ay binudburan din pala niya ng pabango.

“Ano pangalan mo,” tanong ko sa kanya.

Tiningnan niya ako at hinubad niya ang kanyang palda.

“Gusto mo bang maghubad na rin ako ng panty?” tanong niya.

“Narinig mo bang sinabi ko tungkol sa pangalan mo?” sabi ko.

“Joanne.”

Humiga siya sa kama at humiga rin ako. Gusto kong sabihin sa kanya na may kilala rin akong Joanne din ang pangalan. Pero ano bang malay niya kung meron nga. Ipinatong niya ang kanyang ulo sa braso ko at hinalikhalikan ang aking leeg. Isa-isa naman niyang kinalas ang butones ng polo ko at saka siya naghubad ng bra.

Tinanggal niya ang zipper ng pantalon ko. Hindi ko siya inawat. Tutal ‘yun naman ang pinuntahan ko. Ang ipinagtataka ko lang sa sarili, kung bakit simula nang banggitin niya ang kanyang pangalan ay hindi na ako natigil sa pag-iisip nang hindi malaswa, tulad ng basketbol. Madalas naman puro kalaswaan na lang ang naiisip ko kapag ganitong naghahalo na ang balat sa tinalupan.

Tiningnan kong mabuti ang makinis na mukha ni Joanne at para akong dahan-dahang nalalasing sa pag-iisip. Hindi maiwasang isipin na dito sa mismong kamang kinahihigaan namin nakatikim ng kapirasong langit ang marami sa kanyang mga naging customer. Malayung-malayo sa alkohol at puting tiles ng laboratoryo na pinaghahaluan namin ng kemikal. Ibang-iba ang pakiramdam ko na nakapareha ko si Joanne, parang hindi ako nakikipagtalik sa kanya. Wala iyong pinagkaiba sa paglalaro ko ng basketbol mag-isa tuwing Sabado. Nakatingin ako sa ring.

Ayaw ko na. Tahimik na nagtataas-baba ang katawan niya sa harap ko.

Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay niya para tumigil na kami. Binukaka niya ang mga binti at naupo sa gilid ng kama. Wala siyang sinabi at inayos lang ang magulong buhok. Hindi ko na alam kung anong ginagawa ko’t kasama ko ang babaeng ito sa isang masikip na sulok ng isang putahan. Dapat na yata akong manligaw.

Naghanap ako ng kumot pero wala akong nakita, tinanggal ko ang punda ng unan pero basa ito ng pawis. Kinuha ko sa pantalon ang kupas na bulaklaking panyo at pinunasan ko ang buo kong katawan at saka ko siya niyakap. Siguro nakaramdam din ako ng kaunting pagkabaliw nang yakapin ko si Joanne dahil natural na dumating sa akin ang isang bagay na hindi ko normal na gagawin lalo na sa mga inuupahan kong babae. Humarap siya sa akin.

Kinuha ko ang folder na bitbit ko kanina at inilabas ang isang periodic table of elements. Ngumiti sa akin si Joanne na tiyak kong naguguluhan o kaya’y nawi-weirdohan.

“Mag-rereview ka ba dito,” biro niya sa ‘kin sabay hagikhik. Tinakpan niya ng unan ang kanyang bibig at pinakawalan pa ang isang hagikhik.

Ngumiti ako sa kanya. Hubo’t hubad pa rin at pawisan sa kuwarto. Kinuha ko sa likod ng periodic table ang envelope ng suweldo ko. Hindi ko inaabot sa babae ang bayad. Ang ginagawa ko, iniiwan ko sa mesa o kaya sa kama. Hindi ako tumitingin sa mata o mukha nila habang may hawak na pera. Ibinalik ko ulit sa folder ang envelope at periodic table. Ibabalik ko na rin sana ang butones ng polo pero hinawakan ito ni Joanne na may mapanuksong ngiti sa kanyang labi.

“Pasensya ka na, bigla akong nawalan ng gana eh,” sabi ko sa kanya.

“Nawalan ka ng gana sa ‘kin?”

“Hindi, may bigla lang akong naisip.”

“Ano?”

Hindi pa rin siya nagbibihis.

“Wala ka nang pakialam dun,” sabi ko.

Ayaw ibigay ni Joanne ang polo ko. Humiga daw muna ako, sabi niya.

Niyaya akong makipag-usap ni Joanne, tutal bayad ko naman daw ang oras niya. Ganun naman daw ang ibang customer niya, lalo na ‘yung matatanda. Naghahanap lang ng kausap. Tinanong niya ‘ko kung naghahanap lang rin ako ng kausap. Umiling-iling ako. Sinabi ko sa kanya na hindi ko siya kayang galawin dahil kapangalan niya ang isa kong kakilala. Tinawanan niya ulit ako. Ang sabi ko sa kanya, hindi ko naman siya kamag-anak o kung anuman. Medyo hinahanap ko siya para sa klase. Parang may pakialam talaga kung magtatanong si Joanne, na katabi ko kaya madaling dumulas ang dila ko sa mga detalye ng sitwasyon namin.

Nilabas ko ang pitaka at binunot ang isang retrato na agad naman niyang kinuha.

“Sino ‘to?”

“‘Yan si Joanne.”

“Hiningi mo o napulot mo?”

Tiningnan ko siyang mabuti.

“Ninakaw ko.”

Napakagat siya ng labi. Namumula ang kanyang pisngi. Ganun din ang kanyang buong katawan na namumurok sa init ng kuwarto.

“San mo nakilala?”

“Kaklase ko sa college.”

“Ang sabi ko, pano mo nakilala hindi saan.”

Sandali akong tumahimik. Inisip kong mabuti kung paano ko nga ba siya nakilala.

“Minsan, sa isang rally. Umpisang-umpisa pa lang ng klase. Nagkakasingilan na ng tuition fee nung nilapitan niya ko sa pila para pumirma sa isang manifesto na tutol sa dagdag matrikula.”

Ginawang unan ni Joanne ang dibdib ko. Parang hindi niya iniindang magkahalo na ang pawis naming dalawa. Hinipu-hipo ko ang braso niya at inamoy ang halimuyak ng mumurahing pabangong suot niya.

Natulala ako sa maliit na bintana sa dingding na katulad ng mga selda ng City Jail. Hindi pa naman ako nakukulong doon pero ‘yun ang imahe na pumasok sa isip ko. May mga sulat sa dingding, mga bandalismo ng kung anu-ano. Marami akong nakitang pangalan na nasa loob ng hugis-puso.

“Tapos,” basag niya sa pagkatulala ko.

Nag-aabang ng karugtong na kuwento si Joanne. Hinihipo ko pa rin ang braso niya. Paulit-ulit kong pinaikot-ikot ang daliri sa kanyang siko. Nakatuon naman ang mata ko sa makitid na espasyo sa pagitan ng lamesa at dingding.

“Hindi ako nagbayad ng tuition fee sa tamang oras. Ang akala ko kasi noon, papatulan ng administration ang reklamo namin pero nagkanda-leche leche lang ang enrollment ko. Basta’t ganun na lang at natagpuan namin ang isa’t isa na sabay na nakikiusap sa mga propesor na tanggapin kami sa klase nila. Kaya sa apat na sabdyek na kinuha ko ngayong semester, tatlo sa mga yun, kaklase ko siya.”

“Ano bang kurso mo?” tanong niya.

“Chemical Engineering.”

“Marami ka na bang naging girlfriends?”

“May ilan na rin.”

“Masarap ka bang magmahal?”

Humagikhik na parang isang batang babae si Joanne at napangiti naman ako.

“Hindi ko alam.”

“Okay lang ba sa ‘yo na aggressive ‘yung babae o gusto mo ‘yung parang dalagang Pilipina?”

“Bakit nawawala ba’ng pagka-Pilipina kung lumalandi ka?”

“Ewan.”

“Okay lang sa ‘kin ‘yung aggresive. Pero hindi ko na masasabi siyempre, kung nandyan na di ba?”

“Masarap ka bang magmahal?” ulit niya.

Ngumiti ako sa kanya. Napayuko siya sa dibdib ko na parang nahihiya sa tanong. Naramdaman ko ang kiliti ng malambot niyang buhok na kumakaskas sa balat ko. Kinuha ko siya sa baba para tumingala sa akin.

“Sa tingin mo?”

“Mukhang masarap nga.”

Natawa kaming pareho sa sinabi niya.

“Ibibigay ko ang mundo sa taong mahal ko. Kahit sa pangako lang.”

“Wow!”

“Oo, mundo.”

Natawa siya sa akin. Nakiliti ang dibdib at kilikili ko sa tawa niya. Naging sariwa ang mukha niya sa paniningkit ng kanyang mga mata.

“Graduating ka na ba?”

“Sa October pa.”

Nakatingin kaming pareho sa maliit na bintana, kung saan tumutuloy ang kakaunting liwanag sa kuwarto. Napansin kong may maliliit na butas ang mga dingding ng kuwarto.

“Medyo, sumama tuloy ang pakiramdam ko.”

“Bakit naman?” tanong ko.

“Hindi naman kasi Joanne ang pangalan ko eh. Ginamit ko lang ‘yun para masagot ang tanong mo.”

“Di bale na. At least, matatawag kita sa isang pangalan. Mahirap makipag-usap sa taong walang pangalan.”

Napabuntong-hininga ako pagkatapos. Siguro hindi niya naintindihan ang sitwasyon ko. Hindi naman ito tungkol sa kung kapangalan niya o hindi ‘yung crush ko sa klase. Walang problema dun. Madaling makipaglokohan, nakakailang nga lang kung hubo’t hubad kang nagsisinungaling. Ang pagisinungaling ay parang damit na ipinantatakip sa katawan. Ang totoo niyan hindi ko siya kayang galawin dahil simula nang banggitin niya sa akin ang pangalang “Joanne” ay panay pag-aalala ang pumasok sa ulo ko at hindi na ako ginanahan.

“Nangumpisal ka na ba sa pari?”

“Noon pa. Kung mangungumpisal ako ngayon, baka masunog na ‘ko hindi pa man ako nakakarating sa impyerno,” ang sabi ko.

Nakatanga naman sa kisame si Joanne. Hawak-hawak niya ang polo na ginawa niyang kumot at ipinantatakip sa kanyang hita at dibdib.

“Madadagdagan lang ang kasinungalingan ko. Masasabi ko ba sa pari ang mga kasalanang ginawa ko sa buhay?”

“Siyempre naman. Pero kung gaya mo ako, baka matupok ka rin sa mga kasalanang ginawa mo.”

“Nahihiya ako,” ang sabi niya.

Pinagmasdan ko ang magandang mukha ni Joanne. Ang kanyang makinis na balat at maiksing buhok. Ang maliit na butas ng kanyang ilong na bahagyang patulis at labing hugis ng isang biniyak na mansanas.

Hindi naman daw ako pangit at medyo may hitsura pa nga daw. Galante din akong magbayad, kung pera lang naman ang usapan. Hindi naman siguro ako bobolahin ni Joanne. Walang taong makapagsisinungaling nang hubo’t hubad sa kama.

“Naging nobya mo ba?”

Mukhang interesado sa tanong niya ni Joanne, o kung ano man ang totoo niyang pangalan na hindi ko na itinanong sa kanya.

“Si Joanne? Hindi. Hindi ko nga niligawan ‘yun eh.”

Tumahimik bigla, sapat na para marinig namin ang yugyugan sa kabilang kuwarto.

“‘Yun ang problema mo.”

“Mukha nga. Bakit, may boypren ka ba?”

“Wala rin. Alam mo naman ang trabaho namin.”

“Sabagay.”

Ilang minuto pa kaming tumanga sa kuwarto. Hinihimashimas ko ang buhok niya na basa ng pawis. Naglakbay ang kamay ko sa kanyang dibdib, hita, mukha at braso.

Ibinalik ni Joanne ang polo ko. Tumayo siya at kinuha ang pares ng kanyang sapatos. Ang pagtama ng ilaw sa isang bahagi ng kanyang katawan ay nagpaalala sa akin ng mga nude sketches ni Jose Joya. Lumingon siya sa akin at ngumiti.

“Pano? baka sa susunod na lang. May iba pa bang naghihintay sa ‘yo?”

“Hindi, sapat na siguro ‘tong binigay mo. Medyo masakit na rin kasi’ng pekpek ko.”

Ganoon siya nagpaalam sa kin.

“San ka na pupunta?”

“Sa baba, sa mga kasama ko.”

“Aalis ka na?” sabi ko.

“Wala nang nangyayari dito, Bakit may gagawin pa ba tayo? Meron pa ba?”

“Ewan, wala na siguro.”

“Wala na? Salamat ha.”

“Para san?”

“Masaya kang kausap.”

Natawa ako sa sinabi niya.

“Puwede mo rin naman akong tawaging Joanne, kung gusto mo,” bilin niya.

Ngumiti ulit siya bago isara ang pinto. Lalong lumalala ang katahimikan ngayong mag-isa na lang ako. Yumuyugyog pa rin ang pader sa kabilang kuwarto.

Hinintay ko si Biton sa mamihan.

Nagmamadali akong umalis noong una akong pumunta dito. Natatakot ako na baka abutan ng raid. Nagtataka ako noon kung bakit bukas ito, bente-kuwatro oras, kahit Linggo o Pasko ang mamihan. Nung tanungin ko ang isang serbidora madali kong nakilala kung sino ang regular na pumupunta dito. Madalas mga lalaking edad medya na, may nakikita raw siyang katulad kong estudyante, pero bihira ‘yung bumabalik katulad ko. May shifting din ang mga puta dito ang kuwento niya pa sa kin. Ibang babae ang makakapareha ko kung sa gabi kami nagpunta ni Biton. Balita niya mga kolehiyala daw ang mga karaniwang kumakayod sa gabi. Naisip ko na ring dayuhin sa gabi ang mamihan pero lagi akong night shift sa pinapasukang trabaho.

Nakiupo ako sa bangko ng guwardiya ng katabing building. Matagal-tagal pa siguro si Biton dahil tatlong hinga kada kalahiting hagod ‘yun eh. Nagsindi ako ng sigarilyo.

Naisip ko tuloy iwan si Biton dun pero naawa ako sa kanya, baka maligaw pa sa kung saan at isa pa, gusto ko ring may makasama sa “one for the road” na madalas nagiging two or three for the road bago ako tumuloy sa trabaho.

‘Yun ang self-medication ko sa atake ng manic depression. Ayaw kong magwala sa trabaho. Kapag nakainom nang kaunti, kahit paaano depressed ako buong gabi. Hindi na masama, tutal madalas makinilya naman ang kaharap ko at mas madali ngang nakapagsusulat kung ganun.

Matapos ang kulang-kulang isang oras na paghihintay, lumabas din si Biton. Hindi iyon ang mukhang inaasahan kong makita sa kanya.

“Ano pare, kumusta?”

“Okay lang.”

“Anong okay lang? Dinig ko sa sikyu kanina, primera klase daw ‘yung binigay sa ‘yo ah.”

“Bakit sa ‘yo?” tanong niya.

“Wala, bulalo.”

“May gusto nga sana akong sabihin sa ‘yo eh.”

“Ano?”

“Kaya lang, sikretong malupit to ha.”

“Oo naman.”

“Ikukuwento ko sa ‘yo ‘to dahil ‘kaw naman ang may kasalanan kung bakit ako napadpad dito eh.”

Nainip ako sa intro ni Biton. Nakasakay na kami’t nakarating sa beerhouse, panay pa rin ang paalala niyang sikretong malupit ang sasabihin niya at walang dapat makalabas.

“Bakit, ano ba ‘yun?”

Nilaklak ni Biton ang beer hanggang sa mangalahati.

“Umorder ka muna ng pulutan,” sabi niya.

Umorder ako ng pulutan.

“Papasok ka pa ba mamaya,” tanong niya.

“Yayain sana kita sa bahay eh. Dun ka muna matulog. Tulungan mo ako sa lessons natin.”

“Seryoso ka ba?”

“Oo naman.”

“Hindi ako puwedeng umabsent sa trabaho…teka, teka! Kasama ba ‘to sa gusto mong sabihin o ito na ‘yung gusto mong sabihin?”

“Hindi.”

Umiling-iling si Biton.

“Pare, sagot ko na ‘tong inom natin ha, sinagot mo na kanina ‘yung good time eh.”

“Huwag na. Ako na.”

“Hindi pare, maglalasing tayo ngayon kaya ako na ang sasagot,” sabi niya.

Naubos niya ang tatlong bote. Nasa kalahati pa lang ako ng akin.

“Pare, oorder pa ‘ko ng beer ha, Sasamahan mo ako!”

Hindi ko na lang inisip na male-late na ako sa trabaho. Mukhang matindi ang sasabihin ni Biton. Mahina ako
sa mga kaibigan dahil hindi ko sila basta-bastang naiiwan.

“Bakit ano ba ‘yun pare? Bakit gusto mong maglasing?”

“Pare, bobo ba ‘ko, ha?” natatawang sabi ni Biton.

“Bakit naman pare?”

“Huwag mo nang tanungin kung bakit, sabihin mo na kung bobo ako o hindi.”

“Huwag ganyan pare, hindi naman kita kakaibiganin kung bobo ka eh.”

Lumagok pa ng beer si Biton.

“Huwag mo na akong bolahin pare, pareho naman tayong may bayag dito eh! Ano pare ha, bobo ba ‘ko?”

“Alam mo ‘tol, kung masyado mong iniisip ‘yung mga sinasabi sa ‘yo ni Jimbo, talagang mapapaisip ka ng mga ganyan.”

“Eh si Pol ‘tol, tingin mo? May bayag ba ‘yun, ha?”

“Ewan ko, babakla-bakla rin ‘yung tarantadong ‘yun eh.”

Natawa kaming pareho. Masarap palang malasing ‘tong si Biton, inuunahan ka pa.

“Eh, ikaw pare, may bayag ka ba, ha?”

“Bakit, may sasabihin ka pa ba?”

Malamig ang tingin ni Biton sa mga mata ko.

“May bayag ka ba, pare?”

Parang nakakagago na ‘tong si Biton.

“Oo naman, bakit?”

“Nakausap ko na si Joanne. Hindi na raw muna siya papasok ngayong semestre.”

“Pano mo nakausap?”

“Kanina, sa mamihan. Siya ‘yung nakapareha ko sa taas.”

“Eh siya rin ‘yung nakapareha ko kanina eh. Si Joanne di ba?”

“Si Joanne Padilla natin. Siya ‘yung nakapareha ko.”

“Ulitin mo nga?”

“Si Joanne Padilla, ‘yung maganda nating kaklase. Dun sa mamihan kanina, siya ‘yung nakapareha ko.”

Nagtaas ng kaunti ang boses ni Biton.

Hindi bumibitaw ng tingin si Biton. Hindi rin siya sumabay sa tawa ko.

Hindi na ako nagsalita pa ng kahit ano. Uminom ako ng beer at sinubukang ubusin ang laman ng isang bote.

Tinawag ko ang waitress at umorder ako ng isang bote ng Brandy. Hindi na dapat pinapatagal pa ang ganitong klaseng usapan.

“Pano ka ba umiinom?”

“Eh di umiinom.”

Hindi kami natawa sa biro ko.

“Anak ng tupa. Kaya pala hindi na nagpapakita sa klase ‘yun eh.”

“Anak ng tupa talaga.”

“Seryoso ka ba?”

Nanginig ako sa pagtaas ng kilay ni Biton. Hindi siya puwedeng magsinungaling sa ‘kin. Ang mga tipo niya ang hindi marunong magsinungaling. Nilaklak ko nang diretso ang isang bote ng brandy hanggang sa mapaso ang lalamunan ko.

Sinunog ko na siguro ang baga sa dami ng nainom ko.

May mga sinasabi pa siya sa akin pero humahalo na ang boses niya sa usapan ng iba pang tao sa paligid at sa tugtog ng karaoke.

“Teka, pare banyo muna ‘ko.”

Iniwan ko si Biton na tumatagay ng alak. Hindi ako naiihi, gusto kong isuka ang alak na ininom. Binuksan ko ang pintuan ng beerhouse. May isang maliit na lababong uuga-uga akong nakita. Kumapit ako sa tubo at sumuka nang sumuka doon. Humihigpit ang tiyan ko at hindi ako makahinga. Tinitingnan ako ng isang mamang umiihi. Tiningnan ko ang mukha sa salamin, namumugto ang aking mga mata at lumalabas ang dugo sa bibig at ilong ko.

Pumatak ang dugo sa isinuka kong alak at pagkain. Nararamdaman ko ang espasyong kanilang iniwan sa aking bituka. Nandiri ako sa aking nakita at binuksan ko ang gripo. Naghilamos ako nang naghilamos hanggang sa malinis ang mukha ko. Mahapdi pa rin ang ilong ko at parang may nasusunog pa rin sa aking lalamunan. Kinuha ko ang bulaklaking panyo sa bulsa ng polo ko. Nanuot sa kabila ng pagdudugo ng ilong ko ang halimuyak ng mumurahing pabango ni Joanne. Tumingin ako sa salamin at tinakpan ko ang aking mga mata.

29 ng Mayo 2006
Quezon City

Geronimo F. Cristobal, Jr. (December 5, 1986 – ) is a Filipino short story writer and poet. He is currently finishing his studies at the University of the Philippines.

Join the Conversation

7 Comments

  1. i
    lyk
    d
    stoy
    so
    much
    grabe

    0
    00
    000
    0000
    00000
    000000
    0000000
    000000
    00000
    0000
    000
    00
    0

  2. i lyk the story….but pde po bang pakibuod ng story?????//plzzzzzzz…kailangan lng tlga…haba kc tlga…tnx po

  3. hays, bakit kaya may mga tanong imbis na magpasalamat eh________pa…aherm…anyway, i admire u as a writer, galing^^ may future ka bata^^ peo wag mo i-tolerate ung mga___alam mo na, they should be thankful na may nahahanap pa silang ganyan sa ginawa mo, 2 think na its free, grabe, super bait mo n tlga^^ u deserve my respect and admiration^^ God bless you^^

  4. ang pangit cu nman!!!
    hindi cu ma intindihan ang story………..
    ahahahahahaha

    thankz??? i think mlayo ang mararating mo….

    keep up the good work

    …..hmmf :lol2: :p

  5. pre, ayos ah….buti hindi sumakit puson mo..hirap pa naman pag hindi nailalabas…anyway, pre, ganun siguro ang normal na reaksyion ng isang tao kapag may naalala sa gitna na kaalindugan…tska sarap ng alak pagkatapos ng isang unusual na karanasan…

    bottom line: sakto yung kuwento…inom naten yan…

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.