Ang kahapon ay pag-asang halos napawi
Ng tadhanang sa takip-silim lang bumabati
At sa buhay kong napuno ng hapdi
Sa pag-ibig mo lang nais umuwi

Ikaw ang diwa, ang puso, ang isip
Ng damdaming kailanma’y hindi iidlip
At ‘pag hagupit ng unos muling sumapit
Pagpatak ng luha ko’y aking ipipinid

Ang natanaw kong bukas, laging hinihintay
Dangan ang pag-asang hindi mamamatay
At kung sa libingan ako’y dagling maratay
Sa daigdig ng pag-ibig mo ako ihihimlay

Ang pangako ko’y iyong pagmasdan
At manatiling wagas sa ‘yong isipan
Ika’y iniibig at ‘di ka iiwan
Pagkat ako’y iyo kailan pa man.

-gerald
14 May 2008

Gerald dela Cruz

tumutula tula... kapag lumulungkot lungkot... at umuulan ulan.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.