Matagal ko nang napuna,
noon pang elementarya,
nasa Senado pa lang si Gloria.
Hindi maitatanggi ng Star Cinema,
ng partidong Lakas ni FVR
at ng magagaling nilang tagapayong pulitikal,
na ang pelikula noon tungkol sa isang mabait na elyen
ay hindi lamang paghahalaw sa bantog na obra ni Spielberg;
kundi isang maagang propaganda na magtataguyod sa imahen
ng kanilang panabong laban kay Estrada —
si Jose de Venecia.

Kung mapapatunayang hindi sinasadya ang pagkakahawig
nina Kokey at de Venecia, magpapaputol ako ng daliri.
Ipagugupit ko ang limantaong buhok kong lampas-puwit.
Susunugin ko ang nagtambak na mga aklat sa aking silid
at idedeklara kong isang kahangalan
ang aking naging buhay.

Hindi sinasadyang magkamukha ang dalawa?
Hindi sinasadya ang mensaheng: wala sa hitsura
ang halaga ng kaluluwa?
Makisig si Erap; si Kokey,
dakila. Makamasa si Erap; si Kokey, makatao
bagaman hindi mukhang tao. Mahusay na taktika.
Nakababato nga naman ang talambuhay sa pelikula.

Nang isalin sa prime time TV si Kokey noong nakaraang taon,
kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa hitsura nito —

ang bilog ng mata, ang hugis ng ilong, ang lapad ng noo —
hindi na niya kamukha ang dating speaker sa Kongreso. Naisip ko:

Oo nga ano, iba na ang pulitikal na sentimiyento ng channel 2

simula nang ikasal sina Jackie at beaver, may mga nagbago.
At lagi namang may nagbabago; sinong mag-aakalang

gagawa pa ng sitcom si Susan Roces sa Dos? Lagi namang
may nagbabago. Bagong simbuyo ng puso. Bagong bagyo.
Bagong sugat. Bagong noon-time show. Bagong konsepto
ng valentine commercial. Bagong kulay ng puso. Bagong
lalake ni Kris Aquino. Bagong lalake sa buhay ni Piolo.
Bagong kapuso. Bagong testigo. Bagong asunto.

At ngayong may bago na ring speaker sa Kongreso,
at may bago nang dugong gumagapang sa mga ugat

ni manong Joe, umaasa ako, umasa rin kayo: magbabalik si Kokey sa telebisyon,
isang matapang na bersyon, isang
napapanahong alusyon. Abangan
ang retro-ebolusyon. Pansinin ang ilong.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.