Minsan ang pagsubok kapag dumarating,
Sadyang sunud-sunod, kayhirap kayanin,
Ang bigat ng mundo, kapag nasa atin,
Pagpatak ng luha, di kayang pigilin.

Ang sabi ng iba, gulong daw ang buhay,
Minsan nasa taas, sa baba kadalasan,
Kahit anong gawin, tadhana na laan,
Hindi mababago pagkat kapalaran.

Ako’y maralitang pangarap umunlad,
Kung kaya lumayo, Korea napadpad,
Bakit ba ganito, gulong ng aking palad?
Kayhirap abutin ng mga pangarap.

Kahit anong sikap, ako’y makaahon,
Laging nalulugmok, hindi makabangon,
Pa’no malilimot madilim na kahapon,
Kung gulong ng palad pangit hanggang ngayon.

Lahat ng alam kong tama ay ginagawa,
Hirap ma’y lumalaban sa hagupit ng tadhana,
Dusa at pasakit di ko alintana,
Matupad lang pangarap, malayo sa dalita.

Kahit anong pilit, bakit di makamit?
Mga bagay na tuwina aking ninanais,
Anong dapat gawin nang mawala ang pasakit?
Ang dulot sa puso pangamba’t ligalig?

Gulong nitong palad ngayon ma’y magulo,
Patuloy na lalaban nang ito ay mabago,
Sa takot at pangamba, hindi patatalo,
Upang lumiwanag gulong ng palad ko!

mike

Si Michael ay isang OFW sa South Korea. Kasalukuyan siyang head servant ng Baran Emmaus Filipino Community at regular na contributor sa mga newsletter sa Korea. Nagwagi siya ng unang gantimpala sa 2008...

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.