si juan nasa lansangan
isinisigaw ang daing sa kahirapan
walang katapusang pangangatwiran

kumukulo
kumakalam
sikmura’y walang laman

umaalab
sumisilab
kalooba’y humihilab

nag-aaklas
napupumiglas
salitang sandata’y ibinibigkas

nagniningas
pumapagaspas
mga paa’y kumakaripas

tumatakbo
humahabol
sa kalayaang kanyang nais matamo

umaasa
nakikibaka
para sa karapatan mo’t karapatan niya

itodo mo na
boses mo’y kulang pa
ilang dekada pa ba upang ika’y dinggin nila

JUAN!
bakit ika’y paroo’t parito
hindi alam kung saan patutungo

nasaan na, nariyan pa kaya
kalayaang ipinamana
ng mga ninuno’t mga kasama

si juan nakahandusay sa lansangan
tirik ang mata
hindi na humihinga
tirik ang mata
hindi na humihinga

Join the Conversation

2 Comments

  1. salamat sa tula mo. sana lang wag mangyari na tuluyang malagutan ng hininga ang bayan gaya ng nasasaad sa huling saknong. sobrang pahirap na at naghihingalo na ang bayan sa krisis na nararanasan. sulat lang po.

  2. salamat oliver! nanlaki mata ko nung nakita ko un entry ko…weee!

    marahil hindi napapanahon ang pagbangon ni pilipinas ngayon.. subalit sana, dumating ang oras na kasabay na siya sa pag-ahon ng bukang liwayway..

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.