Sa mayagit na pasigan sawi akong naglalakad,
ang nabigong pangarap ko, sa baybayin ng bolebard
Di mawaglit sa gunita, aking kahapong lumipas
Pinupulot isa-isa na kabibeng nangabasag!

Ang buhay kong taglay ngayo’y lumalabong takipsilim,
Ah! Malabo na ring ilaw kaakibat kong mithiin
Bawat pahina ng aklat ko’y malungkot na awitin
na sa bagting ng kudyapi, pati langit ay nanimdim!

Sa nagbuntong waterliling may lunti pang mga dahon,
sinisinag ko ang tuwa ng inagos kong kahapon
Ah! Wala na! Ang palad ko’y nakayukong dapithapon
Ang tiising naging ilog ay umapaw bawat taon!

Sa nilakbay na disyerto’y naroroong lingunin ko,
Kahit huwad na owasis di nakita’t di natamo
Karamihan ay hagupit ng marahas na tornado
ng buhanging dumusta sa pananalig kong nanlumo.

Naglalakad akong sawi sa pasigang nabubulok,
Ang buhay ko at pangarap ay bolebard na nalugmok
Ganoon pa man ang alaalang maiiwan sa iyo irog,
Dadaluyan ng dagitab bawat tulang sa ‘yo’y handog!

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.