napigtas na dahon ang aking buhay
sa nanunudyong hangin ay sasabay-sabay
kakatwang maligaya sa pagkakawalay
sa sanga ng puno na kakaway-kaway

ngayon ngang malayang padparin saan man
sa dalisdis ng burol maging sa kapatagan
narito ako,daigdig! — isang manlalakbay
buksan ang pintuan mo’t sa aki’y magpugay!

sariwa’t may hamog dala ng magdamag
sa halik ng amihan ay biglang napapitlag
lumipad akong muli’t saan man mapadpad
ay may tuklas na ligayang laging tumatambad!

sa init ng araw na lalong tumingkad
kulay kong luntian ay kusang nahubad
humihiyaw sa tuwang naligo sa talon
sumabay sa agos niya’t agos ng panahon

sa tulak ng alon ako ay umahon
aba’t ang balat ko’y kayumanggi na ngayon!
tuyo na’t marupok,kay daling sugatan
katumbas ng laya ko’y aking kasawian

sa hanging umi-ihip ay muling sumabay
doon sa lilim n’ya nais kong humimlay
humalik sa ugat niya’t sarili ay ialay
suwail na nagbalik,nagtalbos sa tangkay!

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.