Nakatanghod sa kawalan ang matang bitbit ang bagbag,
Waring pigil sa pagtangis ang luhang may dugo’t sugat.
Ang kalayaang nakamit sinisikil at nilalansag!
Ng mga berdugong hayok sa salapi’t mapagpanggap.
Hanggang kailan tataghoy ang bulong mula sa hukay?
Api’t lupig sa lipunan animo’y kawawang bangkay,
Ang nagpupuyos na tinig may dalang pighati’t sigaw;
Diwa’y ibig maghimagsik sa elitistang halimaw.
Kung laging pangamba’t hibik; hatid ng sigwang pandinig–
Na sumusugat sa dibdib ng dukha at malilit.
O, hindi kaya umapaw itong panibugho’t galit?
Kung labis na ang pahirap sa malupit na daigdig.
Dinggin mo ang iyong bayan may daing ang bawat bulong!
Unti unting nilulugmok ; ang pag-asa’y nilalamon.
Kaluluwa’y nakasalang sa mabagsik na kumunoy,
Ang matatag na bandila’y nilalamay sa ataol.