Mutyang Pilipinas ang ating tahanan,
Dumaan sa hapis, pagluha at lumbay;
Sa maraming taon alipin ng panglaw
Pag-asa’y giniba nitong agam-agam.
Ang umid na tinig nitong ating bayan,
Sa nasang pagsigaw ng katotohanan;
Tanging mga luha dahang lumilitaw
Na umindang pilit hapo na at pagal.
Kelan malalagot ang muhi’t hilahil?
Sa sumpang kay pait ng pagka-alipin.
Kalayaa’t dangal handa nang ilibing,
Tayo ba’y luluhod sa alok ng lagim?
Ang mga bayaning huwaran sa tatag,
Na hindi nasupil sa mga bagabag.
Bagkus pa’y lumaban sa sigwang kay alab
Buhay ma’y masawi aariing ganap.