Dinig na dinig
ang kumukulong mantikang
pinagpriprituhan ng isda
ng nakasimangot na nanay.

“Abangan ang susunod na kabanata,”
ang sabi ng boses sa telebisyon
nang buksan ito ng bunsong
walang kamuwang-muwang.

Mahimbing
na humihilik
ang bundat na ama
sa lumang tumba-tumba

Ang kuya’y maingat
sa pagpapatalbog sa kanyang matigas
at bilugang bola.

Mahaba ang buhok
ng ate — maitim at makintab —
habang nakalugay, habang ito’y
sinusuklay-suklay.

Walang kibuan
sa loob ng bahay. Walang sinoman
ang nagtatangkang basagin
ang makapal na pader ng katahimikan,
ng galit,
ng kayabangan
sa sarili.

Sa taong ito, galit-galit ang lahat.
Sa taong ito, ang tahanan ay magiging bahay,
magiging isang kubo kung saan ang mga nakatira ay kwago.
Sa taong ito, ang pangalan ay magiging pangalan lamang.
Sa taong ito, ang kalaputan ng dugo ay tatapatan ng kalabnawan ng tubig.

Sa kabilang dako ng bahay,
milya-milya ang layo sa mga pader na puno ng poot,
lampas sa tunog ng kumukulong mantika ng ina,
sa ingay na dulot ng telebisyon ng bunso,
sa gumagaralgal na hilik ng ama,
sa ingat na ingat na talbog ng bola ng kuya,
sa kalantsing ng suklay ng ate,
may matandang lalake ang nakaratay sa matigas na kama,
dumudungaw-dungaw sa ibayong paraiso ng kanyang naagnas na kaluluwa,
naghihintay ng dalaw,
ng ngiti,
ng kahit isa man lang na kapamilya,
bago man lang siya mabaon sa lupa,
bago man lang magpantay

ang kanyang dalawang nirarayumang mga paa.

Si Oscar ay BA Speech Communication major sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang tanging hangad lang niya ngayon ay maimulat ang kanyang kapwa sa mga nangyayari sa kapaligiran gamit ang kanyang mga akda.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.