Nakakainggit
Ikaw lamang ay mumunting patak ng tubig
Na ibinagsak ng kalangitan
Marahil ay upang basain
Ang tuyong katauhan
O dili kaya’y buhayin
Ang tigang na sambayanan 
Matama kang hinhintay
ng isang makatang
Kapangyariha’y nasa kamay
At sa bawat indayog
Ng mumunting daliri
Ay kasayaw mo ang bawat patak ng ulan
Hanggang ang bawat pagbagsak nito
Ay ang pagbuhos ng tinta
Sa isang blankong papel
Hangad ay paglaya
Mula sa kawalan ng isipan
At ang mabini mong ingay
Sa paghaplos mo sa mga bubong ng bahay
Sa paghilamos sa nanlilimahid na kalsada
Sa pagbibigay lamig
Sa impiyernong likha ng mga imperyalista ay tila musikana ang liriko
ay naisasatitik
kahit ang kaulayaw lamang
ay ang karagatan ng pait 
ilang kaisipan na ba ang iyong ibinunga?
Mga letra ng kuwento
Sa kadalisayan mo ba’y nakikita?
At ang kapiling mong hangin
Siya ba ang bumubulong?
Sa dulot mo bang sigwa
Ay isinisilang ang bagong diwa? 
Nakakainggit
Ngunit sa iyong tanawin
Ang tula ay di lamang tula
Kundi isang adhikain
Isang layuning kinalinga
Ng nagtutunggaliang init ng impiyerno
At lamig na dulot mo 
Hanggang sa muli mong pagpatak! 

Johnelyn Kim

si Kim Garcia ay isang manunulat na hindi nakakapagsulat kapag hindi umuulan.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.