Ang pluma ay aking dugo:
panulat ng isipan kong malikot, mapaglaro.
sa bawat taludtod na aking nabubuo,
sinong may kakayahang dito ay pumugto?
kay ingat kong hinahanay, ang mga salitang may kibo,
inilalagda sa pangarap ko’ng mga dahong ginto.

Ang takbo ng panulat ko’y, malungkot na daigdig.
tinatahak ng diwa ko’y mga damdaming kay pait,
at ang mga may dusa ay pinakalilirip,
sa loob ng silid kong kaylungkot umawit,
na ang katahimika’y naglalagos at umid,
at ang hapis ng bawat titik na nasulat
ay waring umiimik,
sa papel kong nalamukos na’t
muntik nang magka punit-punit.

Ang bukal ng mga diwang
lagi na lamang nalilihim,
inihahayag ng damdamin ko
na lubhang kay lalim.
Sa aking panulat;
ang mga libinga’y kaylimit kong hanapin,
doon sa mga pangarap kong
buntong-hininga ng hangin.

O! Sa di makabuluhang aking kinakatha,
sa imbi na simuno na aking pinapaksa,
ang baliw kong kaisipang
nagpapakadalubhasa,
sa mga parirala’t pangungusap na may tugma,
unti-unting nilalamon ng masidhi kong gunita,
itong hagdan ng buhay kong istoryang patula.

Ang pluma ay aking dugo,
tigmak ng luha sa bawat yugto.
O! Sa isipan kong malikot, mapaglaro,
lumilimbag parin ang sariling diwa,
sa sariwa kong dugo.

D. Magsalita

Makata

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.