Sa isang babaeng nakaupo sa may hagdanan sa harapan ng SM North

Sa anyo mong minsa’y tigil
Minsa’y gumagalaw, kumikibot
ang mga labi’t minsa’y maalwan
ang ngiting banayad, mahinhin

Paanong pakiramdam ko’y
may kabit-kabit na nakaraan
may bumubulwak na apoy
sa loob ng kaitsurahang yan

Mga maliliit na galaw ng kamay
Sa paghawak ng yosing
Kanina mo pang hinihithit
Di ka mapakali, nag-aalwas

Ng emosyon ang mga daliri
Ang mga tuhod, sa sala-salabit
Na pisi ng pag-unawang
Tigalgal, aandi-diyan,
labu-labo

Magulo,
magulo
diyan sa loob,
Bagama’t
pinipilit ng kaitsurahang
Ikubli
ang ingay,
itago
ang kumunoy
Na humihila
sa iyo,
pa-blangko,
pawala

Nagwawari ka,
“Saan kaya kukunin ang lakas?”
para makabangon
sa pagkasalampak
mula sa mabigat na pagkakaupo

Walang tugon. Walang maapuhap
Na sagot. At patuloy at patuloy ka
Sa ganyang pagkakaupo
Tahimik, ngumingiti’t
may gumuguhit na kirot

Si Noahlyn Maranan ay isang estudyante sa gradwadong-antas sa Unibersidad ng Pilipinas.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.