Jon MagatKamakailan ay naging mainit na laman ng mga balita ang binagong slogan ng Department of Tourism, na mula sa dating “WOW, Philippines!” ay iminungkahing gawing “Pilipinas, Kay Ganda!” Tulad ng inaasahan, marami ang nagpahayag ng magkakasalungat na opinyon ukol dito. Ayon kay Department of Tourism (DOT) Secretary Alberto Lim, ang bagong slogan na ito ay sumasalamin sa positibong pananaw na ipinaparating ng bagong administrasyon sa bansa.

Kung titingnan natin, sa likod ng maraming magkakasalungat na pahayag ukol sa bagong Philippine branding, hindi naman natin mababago ang tunay na pananaw ng tao, tagarito man o dayuhan, ukol sa ating bansa. Marami na akong nabasang lathalain, sa email man o dun sa paborito kong libro, na kinagiliwan ng mga dayuhan ang bansang Pilipinas at hindi sila nagkasyang bumisita na lamang dito–minarapat pa nilang manirahan sa bansa habambuhay. Sa kabila ng lumalabas na negatibong mga bagay ukol sa kabuuan ng lahing Pilipino, mas matimbang pa rin ang kaaya-ayang pakiramdam ng pagiging Pilipino. Mas lumulutang pa rin ang kagandahan ng pamumuhay rito sa Pilipinas kaysa alinmang mas maunlad na bansa.

Higit pa sa naggagandahang mga destinasyon sa bansa, narito ang isang kulturang mayaman sa pagpapahalaga. If you are a foreigner who visits a Filipinos household, you are guaranteed to be treated like a king or queen. Iyan ang isang katangian ng mga Pilipino na hindi na yata mawawala kailanman, saan man–ang Filipino hospitality. Walang kaso kung ang may-ari ng tahanan ay matulog sa lapag basta mabigyan lamang ng maginhawang higaan sa sariling kwarto ang kanilang bisita.

Kung ikaw ay isang mapagmahal na magulang at sa buong panahon ay nagsikap ka para mabigyan ng magandang kinabukasan ang iyong mga anak, huwag kang mag-alala sa pagtanda mo at hindi mo na kayang kumilos. Makatitiyak ka na hindi ka itatapon ng mga anak mo sa bahay-ampunan dahil habang buhay ka nilang lilingapin sa panahon ng iyong katandaan. Kahit dumating ka pa sa second childhood at maging sobrang kulit na.

Dito rin sa bansa ay matatagpuan ng mga mamamayang likas na matulungin lalo na sa panahon ng kalamidad at sakuna. Magkakaiba man tayo ng paniniwala, pinagbubuklod naman tayo ng isang hindi nakikita, subalit nararamdaman, na pagkakakilanlan ng ating kasarinlan–ang pagiging Pilipino.

Sa kabuuan, maituturing na isang tahanan ang Pilipinas kung saan mararamdaman ang payapang pag-iisip habang nakatanaw ka sa magagandang kapaligiran at napapalibutan ng mga taong may likas na pagmamahal sa kapwa. Dahil dito, hindi na natin kailangang “ibenta” pa ang kagandahan ng ating bansa. Subukan mo lamang manirahan, isabuhay ang kultura, at makisalamuha araw-araw sa ating mga kababayan at ikaw mismo sa iyong sarili, mapapatunayan mo at masasabing “Wow, talaga ngang ang Pilipinas, kay ganda!”

Jon Magat

Si Jon Magat ay nagtapos ng kursong AB Mass Communication sa New Era University. Mahilig gumawa ng tula noong kaniyang kabataan, naging kaaliwan para sa kaniya ang pagsusulat....

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.