Ang wika ay higit pa sa kanyang kahulugan bilang isang kasangkapan sa pagpapahayag ng mga saloobin at pagbabahagi ng karunungan sa kapwa.

Higit pa sa tunog na tumutukoy sa paraan ng pagbigkas ng mga titik na kapag pinagsama-sama sa tamang paghahanay ay nakalilikha ng mga salita.

Higit pa rin ito sa mga napagkaugaliang sagisag na tumutukoy sa nakamulatang paraan ng pagsulat ng mga titik.

Kung gayon, ano ang mas malalim na kahulugan ng wika?

Ang bawat bansa sa buong mundo ay may sariling wika ayon sa kanyang lahing pinagmulan at kasaysayang kinagisnan. Ito ang nagsisilbing pamantayan ng pagkakakilanlan ng mga lahi na sumasalamin sa damdamin at diwa nito. Larawan ito ng uri ng kanilang pamumuhay at pagkatao. Sa pamamagitan ng kanilang pananalita at pagtangkilik ng kanilang sariling wika ay nababanaagan din ang pagmamahal sa sariling bayan.

Sa ganitong kalagayan ay mapalad ang bansang Pilipinas sa pag-aangkin niya ng katangi-tanging wika na mayaman sa kabuluhan na umiikot sa kasaysayan ng kanyang kultura at panitikan sapagkat wika ang puso at isip ng anumang bayan.

Hindi lamang minsang narinig ang indayog ng mga tula na hinuhubog mula sa karanasan ng kalooban at kasabihan ng karunungan. Hindi lamang minsang nakiindak sa himig ng mga awiting tinutugtog ng kaligayahan at kalungkutan. Hindi lamang minsang namasdan sa tanghalan ng buhay ang mga kuwentong hinabi sa katotohanan at kababalaghan. Ang wika’y nakapagpapangiti sa ating mga labi; kumukurot ng damdamin; at naghahatid ng pag-asa sa buhay.

Itinitik ng panahon sa kanyang kasaysayan ang karunungan ng tao. Sa pamamagitan ng wika, ito ay naitala rin sa dahon ng mga aklat na ipinapasa sa bawat salinlahi. Inilalarawan ang kalagayan ng buhay at iginuguhit ang kinabukasan. Natutuklasan ang katawagan sa isang bagay; nalalaman ang kanyang kahulugan; at nauunawaan ang kanyang katuturan.

Sa mahigit pitong libong bilang ng mga hiwa-hiwalay na isla sa ating bansa, hindi nakapagtataka ang pag-usbong ng iba’t ibang wika ng mga kapatid nating katutubo sa mga probinsya. Dinagdagan pa ng Wikang Kastila sa nakalipas na panahon at Wikang Ingles naman sa kasalukuyang panahon.

Ngunit sa ilalim ng masusing pag-aaral ng pamunuan ni Pangulong Manuel L. Quezon ay natuklasan at itinalaga ang Inang Wika ng mga Wikang Pilipino- ang wikang Tagalog. Sa kabuuan ito ngayon ang tinatawag nating Wikang Filipino bilang Pambansang Wika ng ating lahi.

Humarap na sa maraming pagsubok ang ating katutubong wika sa loob ng kasaysayan ng Pilipinas. Minsan nang minaliit ang kanyang kadakilaan nang yumapak dito ang mga Kastila. Bravo ang mga marunong magsalita ng Kastila, Indio naman ang mga katutubo. Sumalakay ang mga tagapagtanggol mula sa Amerika bitbit ang bagong pamantayan ng pagtuturo na hinugot sa wikang Ingles. Dumagsa naman ang kanilang kalabang Hapon at nabigyan ng kalayaan ang paggamit ng katutubong wika dahil nga lamang sa kanilang pagkasuklam sa wika ng katunggali. Naglayag na paalis ang mga Kastila, Amerikano, at Hapon mula sa ating bansa. Subalit naiwan pa rin ang bakas ni Dewey. Nagbalik nga si McArthur ngunit hindi na yata nagpaalam muli.

Tila yata tayo’y napadako na sa pagtatalo. Anong pagtatalo? Wikang Ingles laban sa Wikang Filipino? Paumanhin. Walang dapat pagtalunan. Katotohanan lamang.

Malugod na tinanggap ng malaking bahagi ng mundo ang Ingles bilang pandaigdigang wika. Isa ang Pilipinas sa maraming bansa ang tumatangkilik sa tinatawag na “lingua franca”. Totoo. Mabisa ito sa pakikipagsabayan ng mga Pilipino sa mabilis na takbo ng globalisasyon. Isang matibay na tulay ng mundo upang magkaunawaan at magkaisa ang mga puti, itim, at kayumanggi tungo sa malawakang pag-unlad.

Susi sa globalisasyon, oo, ngunit hindi kailanman ng kolonyalismo. Sa diwa ng nasyonalismo, ito ay suliraning kinakaharap ng mga Pilipino ngayon.

Masyadong ipinipilit ng ibang mga Pilipino ang kanilang sarili sa paraan ng pag-iisip, pananalita, at paggawa ng Amerikano. Unti-unting nilalamon ng kultura ng mga Puti ang likas na kaasalan ng mga Kayumanggi sa Pilipinas lalung-lao na sa labis na pagtangkilik sa wikang dayuhan. Marahil kabilang ka sa mga tunay na Pilipinong ikinahihiya ang kanyang katutubong wika.

Nagkukunwaring hindi matatas sa pananagalog na tila nabubulol at napipilipit ang dila. Nagkukubli kapag nagbabasa ng mga aklat na Pilipino ngunit lantaran naman kapag sikat na dayuhan ang may-akda. Madulas ang kamay sa pagsusulat ng Ingles ngunit pinapasma kapag Pilipino ang gamit na halos mapilay at maputol ang mga daliri. Pumapalakpak ang tainga sa pakikinig ng mga awiting Kano ngunit nabibingi kapag Pinoy ang mang-aawit. Lumilingap-lingap kapag nanonood ng mga Pilipinong palabas at pelikula dahil sa kahihiyan ngunit buong tutok na nakatunganga sa produksyon ng ibang lupain. Mas mataas ang tingin sa sarili kapag nakikipagtalastasan sa Wikang Ingles ngunit ang Filipino ay para lamang sa panghahamak ng mga katulong at alila.

Ang katawang nilisan ng kanyang kaluluwa ay nagiging isang malamig na bangkay. Anupa’t ang wika ay kaluluwa ng bayan. Sinumang tumatakwil sa kanyang sariling wika ay hinahanap ang kamatayan ng kanyang bayan. Tandaan natin, mainam ang pag-aaral natin ng Wikang Ingles tulad nga ng nabanggit ngunit nagiging kalabisan kapag tayong mga Pilipino ay nagpapaalipin sa kolonyalismo.

Habang pinagtatawanan ng Pilipino ang mga makata ay nagtatawa sa kanyang sarili. Habang nilalapastangan niya ang kanyang katutubong wika ay hinahamak ang kanyang katauhan. Habang hinahagkan niya ang banyagang wika nang higit pa sa wikang kinagisnan ay higit pa sa taksil.

Isipin natin na sa iyong tahanan ay pinatuloy mo ang iyong mga panauhin, kapit-bahay man o kaya’y taong nagmula pa sa ibang bansa. Lahat ng masarap at maginhawa ay ibinibigay mo sa kanya palibhasa ay bahagi ng kultura ng Pilipino ang labis na pag-aasikaso sa kanyang panauhin. Subalit anuman ang mangyari ikaw pa rin ang nagmamay-ari ng iyong tahanan at ang iyong panauhin ay panauhin pa rin. Hindi ba’t mauubos din ang iyong pisi sakaling maghari-harian ang iyong panauhin? Alalahanin mong ikaw ang nagmamay-ari ng iyong bansa. Ang Pilipino ay para sa Pilipinas. Panauhin lamang ang Wikang Ingles.

(Disyembre 22-23, 2004)

Herwin Cabasal

Join the Conversation

8 Comments

  1. Maraming salamat Kirby.

    Hindi masamang gamitin ang wikang Ingles bilang medium of instruction.

    I also know how to write and speak in English.

    Ang ibig ko lamang sabihin ay igalang at ipagmalaki natin ang ating sariling wika gaya ng ating paggalang at pagmamalaki sa wikang Ingles.

    Ang nangyayari kasi, marami sa atin ang ikinahihiya ito lalo na kapag natuto kung paano magsalita ng wikang banyaga. Akala mo kung sinong umasta, madalas mali naman ang pagsasalita nito.

    Mahal ko ang wikang atin. Pinagmamalaki ko rin namang sanay ang mga Pilipino sa wikang Ingles, isang paraan upang magkaroon ng tulay sa ibang mga lahi, para sa diwa ng globalisasyon.

    Ngunit hindi kailanman para sa kolonyalismo.

    Maraming salamat aming kaTinig. Patuloy mo sanang tangkilikin ang Tinig.com.

  2. Hey, can quote some of the lines from this article? i’ll put the credits in your name:) i’m doing a short film with globalization as the main theme:)

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.