Alexander Martin Remollino

Siyam na araw mula ngayon ay magwawakas na rin sa wakas ang napakahaba nang pag-okupa ni Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacañang, at manunumpa na ang nahalal na Pangulong si Benigno “Noynoy” Aquino III.

Ngayon pa lamang ay sinasabi na ni Aquino na hindi siya kumbinasyon nina Superman at Albert Einstein, na hindi niya hawak sa simula’t simula ang kalutasan sa lahat ng suliranin ng bansa. Dahil dito, aniya, dapat ay maging “makatotohanan” ang mga hinihiling at hinihingi sa kanya.

Karapatan naman ni Aquino ang liwanagin sa lahat na hindi siya ang pinapagsamang Superman at Einstein.

Datapwat dapat din niyang unawaing pagkatapos ng lahat ng pangako niya noong panahon ng kampanya na siya ang magiging kabaligtaran ng isa sa pinakakasuklam-suklam na mga rehimen sa kasaysayan ng Pilipinas, may karapatan din ang mga mamamayan — kabilang ang mga hindi bumoto sa kanya — na umasang makagagawa siya ng malalaking bagay.

Ito ang kabayarang katumbas ng kanyang pagtuntong sa mga alaala ng mga magulang niyang sina Benigno Aquino Jr. at Corazon C. Aquino, at ng kanyang paulit-ulit na pagsasabing tatahakin ng kanyang pamunuan ang “daang matuwid.” Tumuntong siya “sa mga balikat ng mga higante,” sa wika nga ng siyentistang si Isaac Newton, at halos ay nangako ng langit, kaya’t talagang mataas ang aasahan sa kanya.

Hindi hinihiling o hinihingi ng mga mamamayan na maging sina Superman at Einstein siya. Ang inaasam nila ay magkaroon ng totohanang pagbabago sa kanilang buhay at sa kalagayan ng bansa, at sa kanya nakita ng nakararami sa kanila ang pag-asa para rito. Ang ninanasa nila ay mapamunuan niya ang pagsasagawa ng mga pagbabagong kailangan ng bansa. At hindi kailangang maging sina Superman at Einstein siya upang magawa ito.

Kung magagawa niya sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon, kagaya ng kanyang sinabi, ang lahat ng ipinangako niya noong siya’y nangangampanya, mabuti. Kung gagawa siya ng iba pang bagay na bagama’t hindi kabilang sa kanyang mga ipinangako ay makabubuti sa bansa, lalong mabuti.

Sa dakong huli, huwag sana niyang piliing hindi na lamang tuparin ang alinman sa kanyang mga ipinangako at gamiting palusot ang pahayag na hindi siya sina Superman at Einstein.

Alexander Martin Remollino

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Join the Conversation

1 Comment

  1. I think na pinapababa ni PNoy ang expectation ng mga tao sa kanya kasi sobrang pressure din ang nasa kanya as the son of heroes tapos ngayon presidente pa rin siya. Feeling ko kasi ang mga tao me hero-worship na tinatransfer ke PNoy na alam niya hindi niya kayang i-meet. Ang problema sa maraming Pilipino we either complain or wait for things to happen. This is not what he wants to represent kasi. Gusto siguro niya is kumilos mismo ang mga Pilipino para sa sarili nila. Tama siya the president can only do so much. He is capable to great things pero the common Filipino, the common man is capable of much more. Because the Filipinos can survive wherever you put him. We are all smart enough, foolishly brave enough to make our country great.

    All I expect from him is not the programs that he can do, not the infrastructure that he can build, nor the jobs that he can make happen, it is a cleaner, better, more transparent government. I know that three years, six years won’t, an entire lifetime won’t be enough to stamp out corruption, political arrogance and graft. But I hope that he can keep his promise that he would lead by example. That is all I want him to give us all. The jobs, the great economy and all that he has promised would just be a bonus. Real public service is all that I need. No more red tape, lesser if he can’t stamp it out. And a work ethic that would put shams of politicians and their clout to shame.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.