Lahat ba ng tao sa Pilipinas artista? Lahat ba ng kuwento sa lipunan ay tungkol na lang sa mga pagdurusa, reklamo sa buhay, at kaartehan ng mga artista? Wala na bang ibang sector at uri ng pamumuhay na puwedeng pag-usapan?

Aba! Halos magtatatlong linggo ng pinaguusapan ang buhay ni Kris Aquino at Hope Centeno sa prime time television. Wala na bang Iba? Parang ginagatungan pa ito ng ABS-CBN at GMA para sa kanilang network rating.

Noong nakaraang mga araw lumabas din ang larawan ni Joma Sison at Ara Mina sa mga pahayagan, front page! Hindi na napagusapan ang reklamo ni Joma laban sa globalisasyon at extra-judicial killing. ‘Ni hindi nga naungkat ang debate kung siya nga ba ay rebolusyonaryo o isang terorista. Basta lang natampok sa pagawaan ng tsismis ni “General” ang kasamang cleavage na kasayaw ng founding head ng Communist Party of the Philippines (CPP). Na-front page dahil artista, wala na bang ibang may cleavage sa ibang sector sa lipunang Pilipino?

Dito naman sa rumaragasang eleksyon, Tito Sotto at Cesar Montano na ang pinatakbo ni Gloria na para bagang kulang pa ang mga artista sa Senado. Oo, wala namang masamang kumandidato at iboto ang mga artista pero ano ba ang malaking nagawa at ipinaglaban na people’s issue ng dalawang ito? Wala na bang ibang taong maaaring bumandila ng isyu ng ibang sector?

Si Kiko Pangilinan kinakapital talaga ng todo ang asawang si Sharon Cuneta sa mga political ad. Ipinagtutulakan ang asawang artista para malimutan ang “Mr. Noted” image ni sir. Si Ralph Recto pinagsisiksikan pa si Vilma Santos para maging kandidato sa pagka-gobernardor sa Batangas. “Ralph, mukhang ayaw na nga, Huwag ng pilitin si Ate Vi at nakakaaway mo na ang iyong kuya Ricky, e.” Tama ba ang proklamasyon mong, “Only Vilma Santos can speak for Vilma Santos?” Yah, right.

At, mukhang tumataas sa survey si Noynoy Aquino dahil sa kalungkutan ng kapatid na si Kris. Diyos ko po! mas maganda sana kung tataas siya sa survey dahil sa people’s isyu at platapormang dinadala at hindi dahil sa karamdaman ni Kris. Unles! una niyang ihahaing batas sa senado ay: “bawal na muling umibig ang Kris para hindi na nate-tense ang sambayanang adik sa “deal or no deal” at “game ka na ba?” show ng Kristeta.”

Ang mga mukha at mga kuwento na lang ba ng mga artistang ito ang ipapalamon ng dominanteng mala-kanluraning kultura sa ating mga isip? Mukhang sinasadya ng mga dominanteng uri na may kontrol sa pulitika, ekonomiya, at media na artista na lang ang pagusapan at kalimutan natin ang kahirapan. Mukhang inaaliw ang sambayanan upang makalimutan ang inhustisya sa lipunan.

Sa gitna ng pang-aaliw, baka tuluyan na nating makalimutan na mayroon ding mina ng mga makukulay na kuwento ang ibang Pilipino. Kuwento ng pag-ibig, reklamo sa buhay, ka-artehan na labas ng buhay artista. Nandiyan ang pag-ibig ng mga pamilyang hiniwalay ng mga extra-judicial killings at migration. O, kuwento ng isang OFW na sa paguwi ay dinatnan ang matalik na kaibigan na nakikipag yugyugan sa kanyang asawa sa kanyang sariling kama. Sa media at manunulat, baka gusto ninyong tutukan ang kuwento ng pakikibaka ng mga mag-asawang pinagkakasya ang mala-pulubing kita upang buhayin ang isang pamilya na may dignidad.

Hindi lang artista ang tao sa Pilipinas. Hindi lang artista ang nagdurusa at nais magsilbi sa bayan. Hindi lang artista ang nagugutom at marunong umiyak. Hindi lang artista, mayroon pang ibang sector ang lipunang Pilipino na umaarte sa tunay na sine, telebisyon, at entablado ng buhay. (Kaiba News and Features)

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.