Naaalala ko pa noong ako’y pumasok sa paaralan sa kauna-unahang pagkakataon. Limang taong gulang pa lamang ako noon nang inihatid ako ng nanay ko sa isang Day Care Center sa aming baranggay. Bakas sa aking mukha ang pagkasabik na tawaging isang estudyante. Nag-aaral. Nakikinig sa guro. Nakikipaglaro. Natututo.

Sa aking murang isipan ay itinanim ko na sa aking puso’t diwa na ako ay magsisikap sa aking pag-aaral hanggang sa makatapos. Ipinangako ko na sa aking sarili na darating ang panahon na ang isang hamak na batang katulad ko ay aabutin ang kanyang mga pangarap.

“Anak, tanging edukasyon lamang ang kayamanang maipamamana namin sa inyong magkakapatid kaya’t pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral,” paalala ng aking nanay at tatay na kung bibilangin ay isang libong beses na yatang sinabi sa aming limang magkakapatid. “Hindi naman ito para sa amin, para ito sa kinabukasan ninyo.”

Mahirap lamang kami. Walang sapat na kita ang aking mga magulang upang itaguyod kaming lahat sa pag-aaral. Kung minsan nga mantika at toyo lamang ay sapat na upang maiulam naming buong pamilya. Mapalad na kapag makakabili ng isang latang sardinas na pagsasalu-saluhan ng lahat sa hapag.

Dumarating din ang araw noong ako ay nasa elementarya at hayskul na halos wala nang maipabaon ang aking mga magulang sa akin ngunit gagawa pa rin sila ng paraan para lamang ako ay makapasok. Sayang daw kasi ang isang araw kung liliban ako sa klase.

Sa ganitong mga pagkakataon sa aming buhay ay lalong tumitindi ang aking pagnanasang makatapos sa aking pag-aaral. Sabi kasi ni tatay, kapag nakatapos kami sa kolehiyo ay mas malaki ang oportunidad sa buhay. Iba na raw ang may pinag-aralan lalo na sa panahong ito. Naniniwala ako sa aking mga magulang. Kaya mula noon ay sinisikap kong mag-aral nang mabuti. Kahit na minsa’y walang laman ang tiyan ay tinitiis ko basta’t nakakapag-aral ako. Kahit kailan yata sa aking pag-aaral ay hindi ako lumiban sa klase maliban na lamang kung ipanlalaban ako ng aming paaralan sa ibang lugar para sa iba’t ibang kumpetisyon.

Walang pagsidlan ng tuwa ng aking nanay at tatay nang nagtapos ako sa elementarya. Mas lalong umapaw ang kanilang kaligayahan nang ibalita ko sa kanilang sasabitan ako ng medalya sa graduation bilang first honors sa aming klase. Bakas sa kanilang mukha ang malaking pag-asa. Hindi nila alam na napakasaya ko rin kapag napapasaya ko sila dahil parang nagbubunga ang kanilang mga sakripisyo.

Hanggang sa tumuntong ako sa sekondarya at habang tumatagal ay lalong nag-aalab ang aking pagnanasang maabot ang aking mga pangarap. Sa kabila ng mga hirap na pinagdaanan ko bilang isang estudyante at ng aking mga magulang sa aming kabuhayan ay nakatapos pa rin ako sa hayskul. Sa pagkakataong ito ay muli akong nakapaghandog ng medalya sa aking nanay at tatay bilang first honorable mention.

Sa bilis ng panahon ay parang bumibilis ang tibok ng aking puso. Para akong kinakabahan sa mga susunod na yugto ng aking buhay. Hindi ko akalaing makakapasok ako sa kolehiyo. Salamat na lamang at ako ay isang iskolar sa isang kilalang pamantasan dito sa Malolos kaya’t nagkaroon ako ng napakagandang pagkakataon upang maipagpatuloy ang aking pag-aaral.

Subalit mas matindi pala ang kabang nadarama ng aking mga magulang. Gabi-gabi na lamang ay iniisip nila kung kakayanin pa ba nilang ako ay pag-aralin. Lahat ng aking mga batang kapatid ay nag-aaral din kaya’t lalong mahirap para sa kanila. Kahit na ako ay isang iskolar ay mahirap pa rin sa aking mga magulang na itaguyod ako sa kolehiyo dahil batid nila na mas malaki ang mga gastusin lalo na sa mga proyekto na kailangan sa napili kong kurso.

Nakatingin sa alapaap habang nababalot ng dilim ang buong paligid na tanging kislap ng mga bituin at sinag ng buwan lamang ang tanging liwanag, malayo na ang nililipad ng aking pangangarap. “Konting tiis na lamang at malapit na malapit na,” bulong ko sa aking sarili. Alam ng Diyos ang aking bawat panalangin na sana’y bigyan niya ako ng sapat na lakas upang huwag sumuko sa buhay.

Mahirap ang buhay-estudyante. Para sa akin, ang pag-aaral ay hindi biro. Nariyan ang kaliwa’t kanang mga proyekto at responsibilidad. Araw-araw, kailangang mag-review para sa mga quizzes at examinations. Idagdag pa ang magkakalapit na deadline para sa aming mga gawain sa lahat ng subjects. Ibang-iba ang buhay sa kolehiyo. Malayung-malayo sa buhay ng hayskul at elementarya. Dito kailangan sanay kang tumayo sa sarili mong mga paa. Wala kang ibang aasahan kundi ang sarili mo. Kailangan marunong ka ring makisama sa mga kamag-aaral mo. Iba’t ibang lugar na kasi ang kanilang pinanggalingan. Hindi katulad noong hayskul na halos lahat kayo sa klase ay magkakapit-bahay lamang. Sa kolehiyo makikilala mo ang iba’t ibang uri ng tao. Malalaman mong lahat pala kayo ay may kanya-kanyang pananaw sa buhay, kanya-kanyang diskarte, at kanya-kanyang istorya.

Subalit kung mayroon mang pagkakapareho sa aking mga kamag-aaral sa kolehiyo, marahil ay halos lahat sila ay talagang nakakaangat sa buhay. Halata sa kanilang mga pananamit, pagkain, kagamitan, at pagkilos na talagang mapalad sila dahil may magandang kabuhayan ang kanilang mga magulang. Hindi na nila inaalala kung may ipambabayad ba sila sa kanilang tuition. At lalong hindi problema kung may kakainin ba sila sa tanghalian. Ngunit isa man sa mga bagay na iyon ay hindi naging dahilan upang maging maliit ang tingin ko sa aking sarili. Salat man ako sa mga materyal na bagay, sinisigurado ko na mayaman ako sa disiplina na bata pa lang ako’y itinuro na sa akin ng aking mga magulang.

Kahit kailan ay hindi ko inisip na sumuko sa labang ito ng buhay. Minsan, mapagbiro ang tadhana ngunit natutunan ko na kung paano makisabay sa agos ng panahon. Sipag at tiyaga. Iyan ang prinsipyong noon pa man ay kakambal na ng aking pagsusumikap. Kaya naman kahit mahirap para sa akin ay sinubukan kong maging working student noong nasa second year college ako. Napansin ko kasi na nahihirapan na sila nanay at tatay kung saan kukunin ang pang-araw-araw na gastusin namin. Pumasok ako bilang crew sa isang fast food chain. Sa araw nag-aaral ako maghapon, at pagsapit naman ng gabi ay nagtatrabaho ako na madalas ay inaabot pa ng madaling araw. Sa tuwing matatapos ang trabaho halos bumigay na ang katawan ko sa sobrang hirap at pagod. Pag-uwi ko sa bahay matutulog ako nang tatlo o dalawang oras at pagkatapos ay gigising nang napakaaga para maghanda naman sa klase. Ganito ang sitwasyon ko noong panahong iyon. Mahirap para sa akin dahil halos hindi ko na maidilat ang mga mata ko sa labis na pagkahapo. Minsan nga ay literal na hindi na ako matutulog dahil kailangan kong mag-review para sa exam sa araw na iyon. Masuwerte na kapag nakatulog ako sa sinasakyan kong jeep papasok sa klase.

Labag man sa kalooban ng aking mga magulang na magtrabaho ako sa mga panahong iyon dahil alam nilang mahihirapan ako ay sinubukan ko pa rin dahil alam kong makakatulong ito sa kanila sa pagpapaaral sa akin. Kahit kaunti ay natugunan ko ang iba kong pangangailangan sa eskwelahan.

Habang tumatagal ay lalong pahirap nang pahirap ang buhay bilang isang estudyante sa kolehiyo. Mas lalo kang susubukin kung kakayanin mo pa bang panindigan ang piniling propesyon na iyong pinag-aaralan. Katakut-takot na paperworks at research ang kailangang gawin sa halos araw-araw. Sabay-sabay na projects at mga nakadudugong examination. At halos sa library na ako nakatira dahil hilig ko na talaga noon pa ang magbasa ng maraming aklat. Kasabay pa nito ang mga responsibilidad na ibinigay sa akin bilang Pangulo ng isang organisasyon sa aming pamantasan. Lahat ng iyan ay naging bahagi ng aking makulay na buhay sa kolehiyo. Kung minsan nga, aaminin ko na, hindi ko namamalayang pumapatak na pala ang luha sa aking mga mata, hindi dahil sa sumusuko na ako, kundi dahil sa tuwa na nakakayanan ko ang lahat ng ito bilang isang hamak na estudyante.

Salamat sa Diyos at sa apat na taong pag-aaral ko sa kolehiyo ay napanatili ko ang aking scholarship. Iniisip ko nga kung paano na lamang kung hindi ako iskolar — siguro ay triple itong paghihirap ng aking mga magulang sa akin. Ngayon pa nga lamang ay halos mas matanda na sila sa kanilang mga tunay na edad. Minsan pinagmamasdan ko sila sa kanilang pagtulog habang bumubulong ako sa aking sarili na napakapalad ko sapagkat nagkaroon ako ng mga magulang na katulad nila na kahit kailan ay hindi ako pinabayaan. Sa lahat ng panahon ay sinamahan nila ako sa bawat hakbang ko patungo sa aking pag-abot sa mga pangarap na dati ay halos kasing layo ng mga bituwin sa langit na tinatanaw ko gabi-gabi, ngunit ngayon ay halos abot-kamay ko na.

Ngayon, ilang araw na lamang at muli akong magmamartsa paakyat sa entablado. Nakasuot ng itim na toga. Tatanggapin ang diplomang nagpapatunay na ako ay nagtapos sa kursong Bachelor of Arts in Mass Communication Major in Broadcasting sa Centro Escolar University-Malolos. Makikipagkamay sa aking mga propesor at dekana na naging malaking bahagi ng aking buhay dahil sila ang aking mga gurong nagbukas ng pinto para sa akin upang matuto nang husto. Yuyukod sa harap ng daan-daang estudyanteng magsisipagtapos na katulad ko at mga magulang na katulad ng aking nanay at tatay ay labis-labis din ang kagalakang nadarama para sa kanilang mga anak. Sa gitna ng entablado, muli akong sasamahan ng aking mga magulang upang isabit ang gintong medalya sa akin bilang cum laude.

Katulad ng isang butong itinanim sa bakuran, kapag inalagaan nang husto ito’y tutubo, yayabong, at sa paglipas ng panahon — pagkatapos maging matatag laban sa mga bagyo’t unos — ay mamumunga rin nang matamis at masarap. Ito ang aking pangarap. Katulad ng buto ay itinanim ko sa aking puso. Inalagaan nang husto. Pinatatag sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan hanggang sa yumabong nang yumabong at namunga ng napakatamis na tagumpay.

Ang isang hamak na estudyanteng katulad ko na dati-rati’y nangangarap lamang sa ibabaw ng aming bubungan na balang-araw ay makapagtapos ng pag-aaral, ngayon ay isa nang ganap na propesyunal. Una at higit sa lahat, inihahandog ko ang lahat ng parangal at papuri sa ating Amang Diyos na siyang sandigan ko sa habang panahon. Iniaalay ko rin ito sa aking mga magulang at buong pamilya na mga inspirasyon ko sa bawat pakikipaglaban sa bawat hamon ng buhay. At sa aking mga guro mula noong ako’y unang pumasok sa paaralan hanggang sa aking pagtatapos ngayon sa kolehiyo ay taus-puso kong pinasasalamatan dahil sa kanilang kadakilaan bilang gabay, ilaw, at pangalawang mga magulang. Hindi ko rin malilimot ang aking mga kamag-aaral at mga kaibigan na sa hirap at ginhawa ay nakasama ko sa maraming taon. Gayundin ang lahat ng mga tao na sa pagdaan ng panahon ay nakilala ko upang magbahagi sa akin ng kanilang mga karunungan at kakayahan.

Hindi pa rito nagtatapos ang lahat. Sa buhay na ito dapat kong isipin na nagsisimula pa lamang ako. Marahil ay napagtagumpayan ko ang unang hakbang ngunit alam kong dapat kong paghandaan ang pagharap sa mas malaking mundo.

Ano ang naghihintay sa akin sa mga darating pang bukas pagkatapos nito? Natuklasan ko na ang buhay ng tao ay isang walang katapusang pangarap. Walang katiyakan kung maabot ito o mababasag lamang. Ngunit isa lamang ang sigurado, sa taong may determinasyon, sipag at tiyaga, tamang pananaw sa buhay, malinis na pag-uugali, at takot sa Diyos, ang kanyang mga pangarap ay magiging isang ganap na katotohanan. Ito ang mga mabisang sangkap upang ang butong itinanim sa puso ay magbunga nang masagana.

Join the Conversation

24 Comments

  1. Napakaswerte ni Herwin. Meron siyang mga magulang na nagpapahalaga ng pag-aaral, edukasyon. Dito sa amin kasi, maraming batang hindi matapos ang isang taon, hihinto na ng pag-aaral dahil sabi ng “nanay o tatay”…Hindi ko na alam paano sila tutulungan. Hindi ko naman sila mabigyan ng scholarship dahil ako ay isang hamak na guro lamang na hangad din ay makatapos ang mga anak. Ewan ko…..paano…..Sa hirap ng buhay, sikmura kasi ang inuuna. Ayaw na nila dahil nagalit sila sa kanilang guro. Ewan ko ba kung sino ang totoo? . . . . . .

  2. ` GRABE.. SUPER BiLiB ACO SAYO HERWiN .. :) GALiNG GALiNG MO.. SANA MATULAD DiN ACO SAYO .. :) GODLESS ..!

  3. wow.. as in wow… nakabasa na ako ng mga kagaya nito, pro ngaun lang ako naluha.. nasa opisina pa ako sa mga oras na to pero itinigil ko ang pagtatrabaho para lamang tapusin ang pagbabasa.. sobrang nakakabilib ka… nalala ko tuloy ung hirap ko nung kolehiyo na pumapasok ako sa school nang naka-Hang ang pakiramdam dahil walang tulog… ang hirap talaga sa simula pero pagdating ng araw, ang sarap sa pakiramdam…

    bilib ako sa mga kagaya mo.. t0toong hindi hadlang ang kahirapan para makapagtapos ng pagaaral at maabot ang mga pangarap.. mabuhay ka…

  4. hellow…”,grabe nasiyahan ako sa kwento mo…believe ako sa’yo nagawa mo yon. nakakaiyak ang kwento mo sana ganun din ako katulad mo kasi naghahangad din ako na makatapos ng pag-aaral at masuklian ang lahat ng paghihirap ng mga magulang ko.pero sa sarili ko hindi ko pa alam kung paano.Siguro kulang pa nga ako sa pagsisikap para magawa ang ninanais ko. but everyday feeling ko lagi akong empty,para bang nawawalan ako ng silbi pero siyempre hindi parin ako sumusuko iniisip ko nlang yung mga positive na ways. hindi ako matalino katulad mo na nakayang pagsabayin ang studies at work.. ang magaral hirap na ko magtrabaho pa kaya mas lalo akong magiging pabigat sa parents ko. ewan ko ba! ganunpaman, thanks nagbigay inspirasyon ang kwento mo… hehehe ang drama ko na tuloy haha…. tnx again… :)

  5. Isang napakagandang mensahe para sa lahat ng mga kabataan upang mamulat sila kung gaano ba kahalaga ang edukasyon sa ating buhay! Ako ay lubos na humahanga sa iyong mga pinagdaanan, at ako rin ay naniniwala na Katulad ng isang butong itinanim sa bakuran, kapag inalagaan nang husto ito’y tutubo, yayabong, at sa paglipas ng panahon–pagkatapos maging matatag laban sa mga bagyo’t unos–ay mamumunga rin nang matamis at masarap. Ito ang aking pangarap. Katulad ng buto ay itinanim ko sa aking puso. Inalagaan nang husto. Pinatatag sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan hanggang sa yumabong nang yumabong at namunga ng napakatamis na tagumpay. kaya sayo Herwin, Congratulation! God Bless!

  6. wow!!ang ganda ng kwento ..parang na inspire po ako..
    salamat po sa kwento na ini-share mo..bilang estudyante dAPAt nating malaman na ang edukasyon ay isang sangkap tungo sa kaunlaran,.

  7. sana po makagawa pa kayo ng maraming magagandang talumpati na tulad :) nito……….. keep up the good work………

  8. Mga kaTinig, maraming salamat sa inyong pagtangkilik. Patuloy nyo sanang basahin ang mga artikulo dito. At maging mabuting halimbawa para sa kapwa.

    Please support BINHI, ang pinakabagong kolum dito sa TINIG.com.

    Godbless.

  9. what a very nice story .. ang ganda ng storya ng buhay nung character and nakaka-insspire para sa mga taong mdaling nawawalan ng pag-asa .. sana ganito ang maging pananaw ng lahat ng tao sa kanilang buhay !!!
    :)

    i love this story !!!

  10. ANG GANDA NG KWENTO NI2 SANA MANGYARI SAKIN ANG NAKAPAGTAPOS NA PAGAARAL SANA TOTOOHANIN NILA I2

  11. Wow! Just wow. Napakapalad mo kuya at binigyan ka ni lord ng ganyang buhay.
    Masarap po talaga sa pakiramdan ang bunga ng mga pinagdaanang paghihirap. Kaya, magpasalamat tayo kung dinadagsa man tayo ng pagsubok. Amen to your story Sir.

    Keep on inspiring people. Godbless!

  12. Hanga ako sa istoryang ibinahagi mo sa amin tungkol sa iyong buhay.Mas lalo akong nagkaroon ng DETERMINASYON na pagbutihin at makapagtapos ng pag aaral.Marami mang pagsubok ang darating sa atng buhay,makakaya nating harapin at lutasin ang mga iyon dahil nga sa kasabihang “In every problem,there is a solution”. . . . :)

  13. Thank you po…
    Malaking ambag po sa akin bilang isang mag-aaral, ang kwento niyo pong into.
    God Bless po!

  14. Napaka ganda po ng kwentong ito nakaka inspire po sana lahat po ng tao ganyan po mag-isip katulad nyo, na kahit anong hirap ng buhay basta’t may pangarap ka lahat yon ay malalagpasan mo. Natuwa po talaga ako sa kwento mo sa ngayon po nagaaral ako ng Education 3rd year college na ako working student din po ako may time na gusto k0 ng sumuko dahil sa hirap ng buhay pero nung mabasa ko to naisip ko na konting tiis na lang makakatapos din ako at magiging ganap din ako na isang guro .. Maraming salamat sa nakaka inspire mong kwento

  15. I’m just a 12 year old girl but I’m so inspired because of this article..

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.