Binabasa ninyo ngayon ang ika-50–ang huling isyu ng Tinig.com.
Itinatampok natin ngayon ang mga pagtalakay sa mga bagay-bagay na naganap mula nang huling ma-update ang Tinig.com, kaya’t huwag ikagulat ang pagsasama ng mga piyesa hinggil sa Pasko at halalan.
Sa loob ng anim na taon mula noong 2001, sinikap ng Tinig.com na maging boses ng mga nakikisangkot na kabataang Pilipino. Pebrero 2001 namin inilabas ang patikim at paanyaya ng Tinig.com, at pagsapit ng Abril ay narinig ang unang isyu, na upang maging tunog techie ay tinawag naming version 1 o v1.
Sa loob ng anim na taon, samu’t saring usapin ang ating isinalaysay, ibinalita, ikinuwento, tinula, isinalarawan, at minsan-minsa’y isinadula. At kasabay ng unti-unting pagkakakilala sa Tinig.com bilang cybertambayan ng mga progresibong kabataan, unti-unti ring nabuo ang cyberbarkadahan ng mga ka-Tinig. Salamat at paumanhin sa lahat ng mga ka-Tinig na nag-ambag, nagbasa, at naghintay sa kadalasa’y matagal na paglabas ng bagong isyu.
Sa marahil ay sentimental na dahilan, pinilit naming gawing parang tunay na zine ang Tinig.com: ang isang batch ng mga piyesa ay inayos, inipon, at sabay-sabay na inilabas.
Ngunit sa pagpasok natin sa ikapitong taon, nagpasya ang patnugutan ng Tinig.com na sabayan ang pagbabago at paglipas ng panahon. Mula ngayon, ang mga kabataan ay agaran nang makasasagot–sa pamamagitan ng Tinig.com–sa mga balita at usaping dagliang nagaganap sa ating bayan. Mas mabilis na naming mailalathala ang inyong mga ambag.
Pagkatapos ng Tinig.com v50, mas madalas na kaming magpaparinig sa inyo. Sana’y maibigan niyo ang mga pagbabagong ito.
EDERIC P. EDER
Patnugot