Bukod sa pagdami ng mga banyagang kapihan sa mga sentrong lungsod ng bansa, kapansin-pansin din ang pagsulpot ng mga klinik na pangpaganda ng mukha’t katawan. Para sa isang mahirap na bansa, nakakagulat ang bilang ng mga Pilipinong nais magpaputi, magparetoke ng ilong, magpakinis ng balat at magkaroon ng buhok na mahaba, makinang at may kulay. Para sa isang bansang dominante ng mga Katoliko, isang palaisipan kung bakit maraming tao ang hindi mapalagay sa mukha’t katawang bigay ng Diyos.

Tila lahat ay nais maging flawless ang kutis. Tila lahat gusto maging ‘Imelda’. Kunsabagay, maganda ang mga lola natin, di ba?

Walang masama sa pagiging banidoso ng mga indibidwal. Karapatan ng mga indibidwal kung hindi na sila naniniwalang ‘brown is beautiful’. Plus factor para sa mga kalalakihan ang pagiging metrosexual, lalo na kung ubersexual. Ayon nga kay Doktora Belo, makapangyarihan ang kagandahan.

Pero ang ganitong mentalidad ay nagagamit din sa administrasyon ng mga siyudad. Kailangan daw maging ‘guwapo’ ang Metro Manila kaya itinataboy ang mga panget sa lansangan. Inaalis ang mga bagay na hindi kaaya-aya sa paningin ng sibilisadong komunidad. Tulad ng pagtanggal ng kulugo, nunal at tigyawat sa mukha ng mga tao, tinatanggal din ang maruruming elemento sa mga kalye.

Tinatarget ang mga indibidwal na hindi kinikilala bilang lehitimong miyembro ng lipunang Pilipino dahil sa kanilang kahirapan, relihiyon, edukasyon, etnisidad at kasarian. Inaalisan ng karapatan ang mga Pilipinong hindi kayang umayon sa rekisito ng kumbensiyunal na lipunan. Dahil sa kanilang pagiging ‘iba’, masama at marumi sa pananaw ng dominanteng uri, pinaiigting ang diskriminasyon laban sa kanilang hanay.

Pinatitindi ang pagwawalis sa mga maralitang komunidad. Ginigiba ang kanilang mga tirahan dahil may itatayong kalsada, tulay, mall, northrail/southrail at commercial center. Wala silang karapatan dahil hindi naman sila tulad ‘natin’. Pinalalayas din ang mga maliliit na mangangalakal (street vendors kung tawagin at kutyain) sa mga bangketa.

Nililipol ang mga ‘kriminal’ sa pagsugod sa kuta ng mga mahihirap. Tinutugis ang mga ‘terorista’ sa pagsuyod sa komunidad ng mga Muslim.

Kahit ang kakarampot at di sustinidong tulong na binibigay sa mga nasa evacuation center dahil sa bagyo, sunog at iba pang sakuna ay maaaring bunsod din ng motibasyong panatilihing nasa evacuation center ang mga mahihirap at pigilan silang magpakalat-kalat sa kalye at dungisan ang paligid. Nariyan ang takot na kung hindi sila mabigyan ng tulong ay baka kumatok sila sa mga pintuan natin at humingi ng limos.*

Pilit itinatago ang kahiya-hiyang mukha ng kahirapan pero hindi naman inuugat ang mga problema ng bansa.

Gustong linisin ang Metro Manila kaya ipinagbawal ang mga lalaking hindi nagsusuot ng damit sa kalye. Binigyan ng libreng pustiso ang mga bungal na parak. Pararusahan ang mga mababahong traffic enforcer.

Magnanakaw raw ng kuryente’t tubig ang mga iskwater. Parang aso kung umihi sa lansangan ang mga lalaki. Nagtatapon ng basura sa ilog ang mga nakatira sa estero. Hindi nagbabayad ng buwis ang mga manggagawa. Panatikong idinidiin ang mga di kanais-nais na praktika’t gawi ng mahihirap pero hindi pinapansin ang korupsiyon ng mga nasa kapangyarihan. Pinapalaki ang pagkakamali ng maliliit na tao pero pinapalampas ang kabulukan ng burgesya.

Dapat daw maging disiplinado, sundin ang mga batas at igalang ang awtoridad. Pero sino ba ang lumalabag sa batas? Sino ba ang nasa likod ng jueteng, smuggling at pangangalakal ng ilegal na droga? Sino ba ang gumagamit ng batas at iniikutan ang batas para sa kanilang personal na kapakinabangan? Sino ba ang may-ari ng mga malalaking pabrika na bumubuga ng maitim na usok at lumalason sa suplay ng ating tubig? Sino ang nagbigay ng prangkisa sa mga kumpanya upang wasakin ang ating kagubatan at angkinin ang ating yamang mineral?

Nararapat lang linisin ang siyudad. Makatuwirang gawing ‘guwapo’ o ‘maganda’ ang Metro Manila. Pero dapat simulan ang krusadang ito sa tuktok ng pamahalaan at boardroom ng mga malalaking kumpanya. Andun ang mga tunay na marurumi, masasama at kasuklam-suklam na elemento ng lipunan.

* Pagsusuri ito ni Slavoj Zizek. Ayon sa kanya: “Compassion is the way to maintain the proper distance towards a neighbor in trouble…the underlying logic is that we must pay so that our neighbor will remain a neighbor, at a proper distance, and will not come to us…the postmodern ethics of compassion with the victim legitimizes the avoidance, the endless postponement, of the act. All ‘humanitarian’ activity of aiding the victims are there to obfuscate the urgency of the act”.

Tagapangulo ng Kabataan Party-list si Mong Palatino. Pwede siyang sulatan sa mongpalatino@gmail.com o bisitahin ang kanyang blog sa www.mongpalatino.motime.com

Mong Palatino

Activist, blogger, and political journalist. Visit him at mongpalatino.com or email him at mongpalatino[at]gmail[dot]com.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.