Contributed by xsthought
‘Wag kang humingi ng ’sorry’. Hindi mo alam kung ano iyon. Dahil kapag nandahas ka at kumalabit ng gatilyo, buhay ang kapalit nu’n. Buhay.
Kaya bang pagdugtungin ng kinakalawang mo nang linya ang mga hiningang pinigil ng bala? Hindi. Hindi nito kayang mag-anak ng isa pang buhay. Lalo na ng mga libu-libong pinaslang mo.
Ang kapal ng mukha mo. Lalapit ka ngayon at sasabihin mong may paraan pa upang isalba ang naghihingalong kanlungan? Nasaan ang mga batang dating naglalaro ng patintero? Nasaan ang mga ina at ama? Ang mga kapatid at kaibigan? Hindi ba’t sama-sama mo silang pinaslang? Wala nang kanlungan. Sinira mo na. Ikaw. Kayo. Kayong akala ay pag-aari ninyo ang aming kinabukasan. Kayong ang tingin sa amin ay simpleng mga estadistika upang isama sa listahan ng walang makain at walang bahay. Hindi kami mga patay na numero. Kami ay buhay. Kami ay pwersa — na unti-unti mong kinikitil.
Ngunit hindi mo kami magagapi gaano man karami ang balang tatagos sa aming katawan. Dahil sa bawat patak ng dugo, isisilang namin ang mga bagong salinlahi upang wakasan ka. Ikaw. Kayo. Kayong inari ang lahat pati ang aming mga buhay.
At sisiguraduhin kung sa araw na maniningil ako — kami, kaming inaabuso, kaming inulila — ay luluhod ka. Iiyak ka. Kasabay ng mga katulad mo. Kayong mga ganid. Kayong ang akala’y likha n’yo ang aming kapalaran.
Humanda ka dahil sa pagbagsak mo — ninyo — maaagnas kang walang magtitirik ng kandila. At lalong walang iiyak upang humingi ng patawad.
xsthought, 21, still dreams of being a writer, though reality has been dragging her into a sad life.