Ayon sa Konstitusyon ng Pilipinas, sisikapin ng estadong panatilihing malinis at tapat ang serbisyo pampubliko. Alinsulod dito, gagawa ang estado ng mga hakbang para mapigilan ang pangungurakot sa kaban ng bayan at iba pang maanumalyang gawain ng mga opisyal nito. Tila ang mga nakasaad sa konstitusyon ay nanatiling mga pangarap para sa karamihan ng mga mamamayan. Kakatwang isipin, dahil malimit na sabihin ng ating mga mambabatas na ang konstitusyon ang basehan ng kanilang mga ginagawa. Totoo, marami silang batas na naipapasa, subalit paano kaya kung tatanungin ang isang taong hiningan ng lagay sa pagkuha ng lisensya, titulo o isang lumabag siya sa batas trapiko? Mabuti siguro kung iisiping itong mga nabanggit ay ilang mumunting halimbawa lamang ng dumi at kawalang-katapatan ng estado sa kanyang mga mamayan.

Ang kaso, hindi lang ang mga ito ang mga halimbawa.

Kamakailan lamang, inabswelto ng Ombudsman ang mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at iba pang pribadong indibidwal sa kanilang maanumalyang Mega Pacific automation contract. Animo’y bumaliktad ang langit at lupa nang maabsuwelto sila. Sa gitna ng napakaraming ebidensyang nagsasasabing sila’y nagkasala, nakalusot pa rin sila. Tila nagpapasalamat ang administrasyon sa Comelec sa kanyang mga ginawang “magaganda” para rito. Kahit sino pa ang iyong tanungin, tila may kakaiba na namang nangyayari sa ating gubyerno. Samantalang dali-daling isinuspinde ang ibang opisyal na hindi pa napapatunayang may ginawa talagang kabalastugan. Something is highly irregular, ika nga.

Itinatag ang Ombudsman para imbestigahan nang matino ang lahat ng maanumalyang mga transaksyon sa larangan ng serbisyong pampubliko. Nagkaroon ng Ombudsman para masigurong walang nasasayang sa kaban ng bayan. May Ombudsman para panatilihin ang katapatan ng estado sa mamamayan. Pero sa ginagawa nito ngayon, ipinapakita lamang niya kung nakanino talaga ang kanyang katapatan. At magaling itong opisinang ito ngayon. Marunong na itong mamili ng kanyang mga kakalabanin. Ang nakalulungkot, nalilimutan na ng Ombudsman na hindi dapat ang administrasyon kundi ang mga mamamayan ng bansang ito.

Nakapanlulumong isipin na ang ika-27 seksyon ng konstitusyon ay patuloy na ipinagsasawalang-bahala ng mga nakaupo sa puwesto. Ang pananatili sa pwesto ang animo’y pinakamahalagang bahagi ng pagiging “public servant”. Tila isang nakalimutang larangan na ang tunay na paglilingkod sa bayan. Karamihan sa mga nakaupo sa puwesto, sariling interes lamang ang pinagkakaabalahan. At para sa mga tulad kong simpleng nagmamasid sa mga ibinabalita ng diyaryo at telebisyon, isang malaking panlilinlang sa bayan ang patuloy na ginagawa ng administrasyon. Walang ipinagkaiba ang mga ginagawa nila sa isang dula o sine, kunwa-kunwarian lamang lahat. Ang masakit, kapag natapos ang palabas; balik ang manonood sa tunay na buhay. Pagkatapos ng pagpapakitang-gilas ng administrasyon sa harap ng mga kamera ng media, balik sa hirap ang mamamayan. Para kanino nga ba talaga ang lahat ng ito?

Si Tish,20, ay nag-aaral sa Ateneo de Manila University. Kasapi rin siya ng Migrante Youth Philippines.

Tish Martinez

Atenista. Kwentista. Makata. Manunulat. Aktibista.

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.