Si Danifel M. Campilan, katrabaho, Kapuso, kasama.

Kahit di kami laging nagkakausap sa opisina, dati’y kinukulit-kulit ko si Dan–pati ang iba pang mga reporter–na magpasa na ng kanyang profile para sa website ng kumpanyang aming pinagtatrabahuhan. Hinikayat ko rin siyang sumagot sa mga mensahe ng kanyang mga tagahanga sa Kapuso forums, na masigla naman niyang ginawa.

Isang linggo pa lamang ang nakalilipas ay kausap ko siya at ang isa pa naming katrabaho. Iyon ang mga oras na relaxed na ang karamihan sa amin matapos ang isang araw ng pangangalap at paghahatid ng balita–yung panahong patapos na ang aming evening newscast. Ang paksa ng maikling umpukan namin ni Dan: ang katigasan ng ulo ng aming mga buhok na mahirap mapasunod. “Mas malala” raw ‘yung sa akin, ‘ika niya.

Sinong mag-aakalang ilang araw matapos ang usapang iyong tungkol sa munting kababawan ng buhay ay biglang mamamaalam si Dan, na isang mapagkalingang anak at kapatid at masayang kaibigan para sa kanyang mga mahal sa buhay?

Minsang pinag-uusapan namin ni Mhay ang mga kasamahan naming reporter, sabi ko’y isa si Dan sa mga gugustuhin kong makitang magtagumpay. Tulad ko, laking bukid din si Dan. Lagi kong sinasabi na kung di ako nakapasa sa entrance exam sa Unibersidad, siguro’y nagbubunot ako ng damo o kaya’y nagpapakain ng kalabaw sa maliit na lupa ng lolo at lola ko. Samantala, ang sagot ni Dan sa tanong na kung wala sa media, ano kaya ang magiging career niya:

“Siguro nasa field ako ng information technology kasi yun ang kurso ko. Siguro din magsasaka ako kasi yun ang pangarap ko noon para tulungan ang aking mga lolo’t lola sa pagtatanim ng mais sa probinsya. hahaha. Ang babaw lang ng mga pangarap ko. Kahit ngayon I still want to become a farmer pero siguro pag nag-retire na kasi kailangan ko kumita. hehehe,” ang isinulat ni Dan.

Si Dan ang sumusuporta sa kanyang mga magulang at nagpapaaral sa kanyang limang mga kapatid. Nakapagpundar na nga siya ng isang munting tindahan para sa kanyang nanay at tatay. Tungkol sa pagiging breadwinner niya, sabi ni Dan: “Masaya naman at isang fulfillment sa buhay kasi nakikita mo mga kapatid mo na nakapagtapos sa pag-aaral.”

Kinailangan nga ni Dan na kumita para sa kanyang pamilya. Ngunit batid nating lahat na sa kabila ng kadalasa’y glamorosong estadong ikinakabit sa pagiging reporter sa telebisyon, hindi ito ang pinakamabisang paraan para kumita nang malaki, lalo na sa para sa mga bata at nagsisimula pa lamang na tulad ni Dan.

Naniniwala akong hindi binitiwan ni Dan ang simulaing makapaglingkod na nasimulan niya bilang aktibista at mamamahayag pangkampus sa Cebu Institute of Technology, kung saan siya naging DOST scholar. Sa kanyang mga ulat, binigyang-tinig ni Dan ang mga pangkaraniwang tao gaya ni Juliet Chavez. Wika nga ng isang kasapi ng Kapuso Forum sa kanyang mensahe kay Dan, “Thank you for the sacrifices that you made just to tell the rest of the Filipino people what is actually happening around us and [for] putting your life on the line to do public service. I believe that you wouldn’t be a reporter if you didn’t have love [for] our country and its people.”

“We will surely miss Dan Campilan. His untimely death is a great loss for the broadcast industry as well as the people’s movement he belonged to and covered with great interest,” pahayag naman ng Bagong Alyansang Makabayan.

Sang-ayon ako sa sinabi ni Ma’am Jessica Soho: sa paglisan ni Dan, isang mabuting halimbawa ang kanyang iniwan: pagsisikap sa kabila ng kahirapan, pagtataguyod sa pamilya, at paglilingkod sa bayan.

Ederic Penaflor Eder

Si Ederic, 40, ay founding editor ng Tinig.com. Ipinanganak sa Batangas at lumaki sa Marinduque, nagtapos siya ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong 1999. Mababasa rin ang kanyang mga...

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.