Inilapag ni Ding sa kandungan ang diyaryong katatapos lamang basahin. Hinihintay pa niya ang pagdating ng kapeng ipinatimpla sa katulong na naka-unipormeng asul. Katatapos lamang niyang mag-agahan: isa’t kalahating tasa ng sinangag, apat na hiwa ng kuluntoy pero malutong na bacon, piniritong itlog na buo ang pula. Ilang minuto na lamang ang nalalabi bago siya pumasok sa trabaho. Nasisiguro niyang nakahanda na ang kanyang kulay pilak na kotse sa labas ng bahay.

Makapaghihintay ang lahat, bulong ni Ding sa sarili.

Inilibot niya ang tingin at bumuntung-hininga nang malalim: marahan ang pagkakalatag ng liwanag sa matingkad na luntiang dagat ng damo. Sumasalisol sa hangin ang amoy ng lupang nagising. Kumikiliti sa pandinig ang siyap ng mga abuhing ibon na panay ang paglipat-lipat sa mga mayayabong na punong nangagtayo sa paligid. Panaka-naka, may naririnig na kaluskos na sinusundan ng kahol ng asong puting bigla na lamang sumusulpot–tumatakbo–mula sa likod ng nagkalat na mga palumpong ng halaman.

Kumalansing ang puwit ng tasa ng kape nang ilapag ito ng katulong sa ibabaw ng mesang salamin. Umuusok pa, pero inilapit na ito ni Ding sa bibig. Pinakiramdaman niyang maigi ang pagsayad ng init ng mamahaling kape sa labi, dila at lalamunan.

Hindi pa nananahan ang init ng kape sa sikmura nang mapansin ni Ding ang biglang pagtindi ng liwanag. Ibinaba niya ang tasa at tinakpan ang mga mata pero huli na.

Nagsimula siyang maghabol ng hininga dahil sa paninikip ng lalamunan.

Namula muna ang buong paligid bago unti-unting nagdilim.

Tik.

Upod na upod at walang kakulay-kulay ang mga kuko ng babaeng pumindot sa switch ng ilaw na mamula-mula. Nakasuot siya ng puting blusa at pantalon; balot ang kanyang buhok ng munting lambat na itim. Nakangiti siya.

Napangiti rin si Ana habang nakaupo sa isang malaking silyang malambot ang puwitan at halos nakahiga ang sandalan. Nakikiliti siya sa maligamgam na tubig na nagsimulang humalik sa kanyang mga paa. Bahagya siyang natakot na sipunin; masyado kasing malamig ang kuwarto at nakababad siya lampas ng bukung-bukong.

Mula sa pagkakalublob sa maligamgam na tubig, iniangat ng babaeng upod at walang kulay ang mga kuko ang kaliwang paa ni Ana. Sinimulan nitong kikilin ng malambot na patpat na balot ng papel de liha ang kanyang talampakan.

May isa pang babaeng lumapit, nakasuot rin ng puting blusa at pantalon; may bitbit namang plastik na botelya. Umupo ang babae sa gilid ni Ana at matapos maglagay sa palad ng malagkit na likido, sinimulang hilutin ang mga kamay ng nakaupo.

Hindi nagtagal, nagkaroon ng ikatlong babaeng nakaputing blusa at pantalon. Mukha naman ni Ana ang inatupag nito: pinahiran ng malalagkit na krema, itinapat sa tubong umuusok at saka minasa-masahe.

Habang anim na kamay ang humihimas sa kanya–aba, nararamdaman niya ang unti-unting paglambot ng kanyang mga kalyo sa kamay at paa, at ang mga pisngi, tila nasisiksik–inisip ni Ana kung saan nga ba siya pupunta: sa paborito nilang tagpuan ng nobyo, doon sa dulo ng parke o sa mall? Ngayon nga pala ang simula ng pagpapalabas ng pelikula ng kanyang paboritong artista.

Hindi pa rin nasisiguro ni Ana ang kanyang plano para sa araw na iyon nang maramdaman niya ang pagbigat ng kamay ng babaeng nagmamasahe sa kanyang mukha.

Dahan-dahan naman, sasabihin sana niya pero huli na.

Binali ng ikatlong babae ang leeg ni Ana.

Krik.

Kinagat ni Leon pati ang buto ng piniritong manok. Bakit hindi? Sayang naman kung itatapon lang. Meron namang laman sa loob ang buto, yung pula. Masarap din naman.

Dumampot siya ng isa pang piraso.

Balat pa lang ang nakakain ni Leon sa dinampot na pitso nang yayain siyang maglaro ng higanteng bubuyog na kulay pula. Kumukurap ang mga mata nito pero napagkit ang bibig sa ngiting hindi nakasara. Malambot ang buong katawan at braso.

Nakakatakot.

Pero dahil alam ni Leon na sa pulang bubuyog galing ang pinapangas niyang manok, naisip niyang hindi naman siguro ito masama. Nakakatakot lang ang itsura pero hindi masama.

Iniabot ni Leon ang mamantikang kamay. Hinawakan naman ito ng pulang bubuyog nang walang pag-aalinlangan.

Pinauna pa siyang tumakbo. Ilang mesa na ang nilampasan ni Leon bago ito humabol.
Sa pagsuot sa mga pagitan at pagikot-ikot sa mga puting mesa at pulang silya, ilang beses nawalan ng balanse si Leon: wala ni isang patak ng sarsa o tulo ng softdrink; napakadulas at kintab ng binaldosang sahig.

Nang hingalin, nilingon ni Leon ang kalaro. Nagtaka siya: wala ang pulang bubuyog.

Kakamutin sana niya ang ulo pero hindi na nagawa dahil biglang sumalpok ang mukha sa baldosa. Pagkuwa’y nakita na lamang niyang pabaligtad ang mundo.

Hawak ng pulang bubuyog ang mga paa ni Leon; bitbit siya nito nang patiwarik. Habang iwinawasiwas ang kanyang katawan sa ere, bahagyang nabawasan ang kirot ng paghampas ng mukha sa sahig. Kumintal pa sa isip niya ang magkakasanib na amoy ng pritong manok, patatas, burger at nilusaw na sabong panlaba sa paghugos ng malamig na hangin.

Ibang klase palang makipaglaro ang pulang bubuyog, isip ni Leon.

Bago pa siya makasigaw ng yehey dahil sa pagkalula, humampas na sa pader ang kanyang mukha.

Krak.

Tila sinasaktan ng konduktor ang sarili. Nakangisi, inilalapit pa nito sa kaliwang tenga ni Leon ang mga daliri at isa-isa, halos baliin ang mga daliring pilit na pinapalagutok.

Matapos ang ginawa sa kanya ng higanteng bubuyog na kulay pula, hindi magawang ibalik ng bata ang ngiti ng nagpapasiklab na konduktor. Hinawakan niya ang braso ng katabi at hinila ang manggas nito.

Nagulat si Ana sa biglang paghila ng manggas ng kanyang blusa. Lumingon siya sa kaliwa at nakita ang nakababatang kapatid na si Leon. Nakabalatay ang takot sa mukha nito. Tinitigan niya ng masama ang konduktor na binabali ang sariling mga daliri at sinenyasang maglubay.

Nakangisi pa ring umalis ang konduktor.

Nang amuyin ni Ana ang ulo ng kapatid na humilig sa kanyang braso, napahawak siya sa leeg: bigla itong kumirot. Dumaplis rin sa isip niya ang imahen ng tatlong babaeng nakaputi.

Naguguluhan, napatingin siya sa labas. At nagsisi.

Dagli niyang idinikit ang mukha sa salamin ng bintana para siguruhing tunay ang nakikita at hindi lamang dinadaya ng mata; pinakasilip-silip niya ang kalsada.

Nang makasiguro sa nakikita (o sa kawalan ng nakikita), tuluyang nanghilakbot si Ana. Tumayo siya at hila-hila ang kapatid, lumapit sa konduktor na nagsisigarilyo sa tabi ng driver.

“Saan tayo pupunta? Bakit ang dilim sa labas?”

Napapitlag sa kinauupuan si Ding nang marinig ang mga hiyaw sa harap ng bus. Pamilyar ang boses. Tahimik siyang nagpasalamat dahil mayroon palang ibang pasahero sa loob ng bus. At mas mahalaga: hindi pa siya nababaliw. Kanina pa siya sumisilip sa bintana; talagang naglalakbay sa kawalan ang sinasakyan nilang bus.

Pinahaba niya ang leeg at sinipat ang tumatarang na babae. May kasama itong batang lalaki, mga pitong taon. Nalalapit sa tangkad ng kanyang kapatid na si Leon. Kapareho rin ng gupit sa kanyang kapatid. (Hindi rin nagpapagupit, nagawa pa niyang biruin ang sarili.)

Sandali, ang babae: ang blusang kupas na rosas. Parang nakikilala niya. Ang nakalobong manggas at ang yayat na braso; ang buhok na humahabol sa balikat…

“Anong wala kayong relo? Anong oras na? Anong biyahe ba ito?”

Si Ana! Ang batang kasama niya–walang duda–si Leon!

Kung umasta ang konduktor ng bus, parang walang babaeng halos mawala sa sarili sa kanyang harapan. Kalmado at kalkulado ang paghitit-buga niya sa sigarilyong nakasalpak sa bibig.

Sa likod ng manipis na ulap na nalikha ng sigarilyo, buong pasensiyang sinagot ng konduktor nang paulit-ulit ang mga paulit-ulit ring tanong ni Ana: “Wala akong pambili ng relo. Hindi ko alam kung anong oras na. Hindi ko alam kung anong biyahe ito. Hindi ko alam kung bakit madilim sa labas.”

Nagpapapadyak na si Ana at nag-uumpisa nang matakot si Leon sa kapatid nang lumapit si Ding.

Hinawakan niya sa magkabilang balikat ang babaeng kapatid at yinugyog. “Hoy, Ana! Okey ka lang?”

Natauhan ang yinugyog; napalis ang takot sa mukha ng bata. Halos sabay pa silang nagwika: “Kuya Ding!” Nagyakapan silang tatlo.

“Bumalik na po tayo sa dulo. Maupo na po tayo. Wala pong sasakay sa amin kapag nakita ng mga nag-aabang na may mga nakatayo,” anang konduktor habang kinakaskas ng suwelas ang sigarilyong itinapon sa sahig.

“Anong pasahero ang sinasabi mo? Kami nga lang ang nakasakay at ni wala ngang makita sa labas,” reklamo ni Ding, bagaman tumalima sa sinabi.

Nang makaupo silang tatlo, nagtanong na si Leon: “Saan ba talaga tayo pupunta? Bakit kayo nandito?”

Nagtama ang paningin ng dalawang nakatatanda.

Tulad ng konduktor, hindi rin nila alam.

Nag-imbento si Ding. “Pupunta tayo sa bagong bahay.”

“Kaninong bahay?”

“Tange. E di sa atin,” susog ni Ana. Natunugan niya ang pagsisinungaling ng kapatid at nagdesisyong sumakay na lang.

“Wow! Mayaman na tayo?”

“Dati pa! Sinisikreto lang nila Nanay para hindi ka maging tamad,” ani Ding.

At nagpatuloy ang usapan ng magkakapatid.

Sa haba ng biyahe, nagkadugtong-dugtong, nagkapatung-patong hanggang sa nagkasala-salabid ang mga detalye: nariyang sabihin ni Ding na bakal ang mga higanteng tarangkahan ng bahay para lamang biglang kontrahin ni Ana. Anang babae, maliit lamang ang tarangkahan ng bahay at hindi ito gawa sa bakal kundi sa pantay-pantay na tinabas na kahoy–yung nahahawig sa popsicle na ibinebenta nina Aling Nora sa kabilang kanto. Nariyang idagdag pa ni Anang wala silang kotse kundi mga bisikleta lamang dahil malapit ang bagong bahay nila sa lahat: sa palengke, sa paaralan, sa tindahan nina Aling Nora. Aniya, hindi na kailangan ng kotse dahil wala namang marunong magmaneho. Na siyempre pa ay agad namang sinalungat ni Ding na nagmamalaking mahusay siyang magmaneho dahil tinuruan siya ng kabarkada niyang si Rene; ilang beses na niyang naikot ang lugar nila gamit ang jeep na hinihiram nila kay Mang Ato.

Sa pagtatalo ng dalawa, nanatiling nakatutok lamang si Leon. Hindi nagrereklamo kahit hindi makasabad sa pagdadaigan ng ate at kuya sa paglalarawan sa bago nilang bahay at sa isangkatutak pala nilang ari-arian.

Dahil ang totoo, hindi niya alam kung ano itsura ng tarangkahang binabanggit nila o kung gaano kakapal ang gulong ng mamahaling bisikleta o kung gaano kabilis tumakbo ang kotseng gawa ng Hapon.

Nagbuka lang siya ng bibig nang mapansin ang pagbilis ng takbo ng bus.

“Nagmamadali lang tayo kasi gabi na,” sabi ni Ding.

“Mabuti na rin para makarating tayo agad sa bagong bahay,” dagdag ni Ana.”Mabalik tayo sa mga kuwarto. Sabi ko nga, yung sa akin ang pinakamalaki—”

Lalong bumilis ang takbo ng bus at sabay-sabay silang humampas sa sandalan ng mga upuan.

Natigilan si Ana.

Napapikit si Ding.

Umunan si Leon sa kandungan ng kapatid na babae.

Bigla ang pagdalaw sa alaala ng paslit ng minsang paglalaro sa sementeryo: matapos salisihan ang sepulturero, pumasok siya sa loob ng kabaong na walang laman. Masyadong nagmadali kaya hindi nakalangan ang takip. Nakulong siya sa loob ng kabaong. Halos isang oras ang lumipas bago narinig ng nagkape palang sepulturero ang mga nguyngoy at pagkatok niya mula sa loob ng munting bahay ng patay.

Sinaklot ng takot si Leon dahil nakamukha ng loob ng bus ang loob ng kabaong.

Sasabihin sana niya ito sa mga kapatid pero huli na.

Bam.

Bumagsak ang dingding ng bahay: nalantad ang buong kabahayan sa iba pang nakalantad nang kabahayan.

Panay ang tapik ni Aling Thelma sa mukha ng tatlong anak.

Sinabi na nga ba at tama ang narinig niya sa huntahan nina Choleng: ngayong Linggo sisimulan ang demolisyon. Mabuti na lang at kanina pa siya natapos sa pag-eempake ng mga gamit.

Kung gamit mang matatawag ang mga kupas nilang mga damit, tunog-latang transistor at isang bungkos ng napulot na plastik na kubyertos.

Diyos ko, saan na naman kami mapapadpad? tanong niya sa sarili.

Sa gitna ng mga nakabibinging palahaw, nakayayanig na tunog ng nayuyuping yero at nadudurog na kahoy, hindi maawat ni Aling Thelma ang pagsungaw ng mga luha sa mata habang pinapanood ang mga anak–sina Ding, Ana at Leon–pupungas-pungas pa rin mula sa malalim na pagkahimbing, gamit ang iisang unan.

Si Chuck ay isang Toriphile.

Join the Conversation

9 Comments

  1. Isang napakagandang salaysay.. :D maari po bang maitanong saan nyo nakuha ang pamagat?..

    nakatira po kasi aq sa isang lugar sa caloocan na ang tawag ay sangandaan

  2. mr. pascual. nagustuhan ko ang iyong maikling kwento, ang maliliit na detalye katulad ng mga naka unipormeng katulong, bubuyog na pula (malamang si jollibee lang yun) at ang pangalang Choleng ay isa lamang sa magagandang aspeto ng iyong komposisyon. ngunit, hindi ko maalis sa akin habang binabasa ko ito ang mga gawa ni Genoveva Endroza Matute. Merong mga pagkakatulad gaya ng tungkol ito sa familya (lalung lalo na ang hinagpis at pag aalala ng isang ina) at angpag gamit ng mahahabang deskription sa bawat malilit na detalye.

    gusto ko din ang iyong teknik na ginamit, parang pelikulang Crash at Babel.

  3. Mr. pascual, maganda ang iyong kwento. hihiramin ko lang sana sandali…. hindi ko aangking, lailangan lang talaga… Maraming Salamalt…. Sana ipagpatuloy nyo pa ang paggawa…

  4. ang ganda po ng pagsasalaysay.
    naghahanap po kasi ako ng mga maiikling kwento kasi ang aming asignatura na filipino 10 ay pinapagawa kami ng isang dula-dulaan. hindi ko naman po hihiramin ang kwento ninyo. sa katunayan po ay mayroon na po kaming kwento. ang nais ko lang po sana ay hiramin yung ibang mga pangungusap na nagpapahayag ng napakaintense na emosyon. salamat po…un lamang po. at sana ipagpatuloy po ninyo ang napakagandang gawain tulad nito.

  5. ewan ko d ko nmn binasa weh… n22wa lng ako sa mga komento nila…hahaha nkk2wa tong ganto..peram lng huh pra s prj. ko lng.

  6. Mr. Pascual……
    Pahiram sandali ng iyong magandang istorya….
    may pinapagawa kasing book report sa amin …

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.