Darating ang panahon na ang SONA 2006 ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay di na pag-uusapan at, gaya ng iba pa niyang nasabi (at mga nagawa sa panahon ng kanyang panunungkulan), ay mababaon na lamang sa paglimot at kasaysayan. Ang blogtasang ito ay magtatangkang kalampagin ang mga Pilipino na pansamantalang huminto at suriing mabuti ang mga salita at gawa ng mga namumuno sa ating bansa. Kung nais natin ng mas maganda at maunlad na pamayanan, hindi natin maaaring ipagsawalang-bahala ang mga mahahalagang isyu sa ating Inang Bayan.

PAKSA NG BLOGTASAN:

SONA 2006

TANONG:

May kabuluhan ba
ang SONA 2006 ni Pangulong
Gloria Macapagal-Arroyo
sa mas nakararaming
ordinaryong mamamayan?

Panig ng ‘May kabuluhan’
MASIGASIG MAGTANGGOL (Unang Tindig)

Ang SONA ay pag-uulat na taunang ginagawa
Ng Pangulo sa Kongreso at sa bayang minumutya
Sa layuning ipabatid ang lagay ng ating bansa
At kung anong mabubuting binabalak isagawa
Ng gobyernong kapakanan ng tao ang ninanasa
Sa ilalim ng kaniyang pamumuno’t pag-aruga.

Simula ng isang libong milya raw na paglalakbay
Ay wala sa isang hakbang, kundi nasa unang hakbang
Sa tulong ng Kongresistang kaalyado’t kaibigan,
Naibatas ang repormang kritikal sa kaunlaran
Kaya ngayon may pondo na ang kaban ng pamahala’n
Gugugulin sa proyektong bayan ang may pakinabang.

Hindi lamang sa interes at utang may pambayad na,
May pondo rin, edukasyon, mga tulay, at kalsada,
Kalingang pangkalusugan, reporma sa ekonomya,
Panlaban sa kahirapan at kontra sa terorista.
May pondo sa pagbabagong politikal na sistema
Palitan ang Konstitusyon at isulong na ang Cha-Cha!

“Medium Term Public Investment Program” pwede nang pondohan
“Super Regions” ilulunsad; paghahari ng Imperyal
Na Maynilang sa proseso’y pampabagal, wawakasan
Ang poder ay ibabalik sa probinsya’t kabayanan
Layon nito’y pabilisin ang pag-unlad ng lipunan
Ang panalo? Ang maraming ordinayong mamamayan!

Paramihin ang pagkain sa halagang abut-kaya
At ang presyo ng kuryente, babaan at gawing mura
Itaas ang kaalaman, gamitin ang teknoloh’ya
Bawasan ang sobrang “red tape” ng ahensya’t byurukrasya
Ito’y pawang inihayag ni GMA nang mag-SONA
At dito’y ang mamamayan ang panalo at syang bida!

Lakandiwa
SOLOMON JURADO

Masigasig ngang magtanggol ang makatang nagpauna
Tinumbok ang pakinabang ng SONA para sa masa.
Susunod na magtatangkang pakita ng ibubuga
Ay ang kanyang katunggaling sa Mindanao nanggaling pa.
Anya, para sa maraming tao SONA’y walang kwenta,
Dinapoco Macatiis – Palakpakan natin siya!

Panig ng ‘Walang kabuluhan’
DINAPOCO MACATIIS (Unang Tindig)

Ang SONA nga’y pag-uulat at di isang pagyayabang
Ito’y tapat na pag-amin sa totoong kalagayan
O sa tunay na estado ng nasyon sa taumbayan
Kilalanin ang nagawa, akuin ang pagkukulang
Ngunit ito, sa SONA nya, tila kusang iniwasan
At sinadyang isantabi ng puno ng Malakanyang.

Sa halip na isiwalat at harapin ang sitwasyon,
Ang SONA ay nagmistulang talumpating pang-eleksyon
Na nilunod sa palakpak ng meyor, ng gobernador,
Ng kongresman at iba pang tuta ng administrasyon
Samantalang naglalaway ang may balak mangumisyon
Ang kawawang taumbayan, patuloy na nagugutom.

Kaya nga kung tutuusin, hindi SONA kundi SINO
SINO nga bang mapapalad ang kikita ng porsyento?
Pihong hindi ang maraming nagdurusang Pilipino
Na di SONA ang pag-asang umasenso kundi lotto
At ang laging dasal, SANA, ay jackpot ang maging premyo
Kahit SONA…Kahit SINO…SANA nga ay magmilagro!

Ano nga ba’ng kabuluhan ng SONA sa mahihirap
Na mababaw lang ang tuwa, simple lamang ang pangarap?
Yang “Cyber Corridor,” “Cha-Cha,” “Super Regions,” pagbubukas
Ng Jollibee sa Basilan, at iba pang patalastas,
Tugon na nga kaya ito sa gutom na dinaranas
Ng naro’n sa tabing-riles, sa estero, sa Payatas?

Kung ang SONA ng pangulo ay mayron ngang kabuluhan
Sa obrero, magsasaka, guro, pari, mag-aaral,
Bakit hindi dinidinig ang daing ng karamihan?
Bakit bingi sa hinaing ng ralyista sa lansangan?
Bakit hindi makalapit ang marami sa Batasan?
Gwardyado ng libu-libong sikyu, pulis, mga kawal!

Para sa kumpletong teksto ng Blogtasan, mangyari pong bumisita sa
http://blogtasan.blogspot.com/2006/08/paksa-ng-blogtasan-sona-2006.html o kaya ay sa http://blogtasan.blogspot.com

Si Rafael ay isang OFW na nagsusulat rin ng mga tulang nagpapahayag ng hinggil sa mga karanasan, damdamin at kaisipan ng mga Pilipinong nandadayuhan para maghanapbuhay sa ibang bansa. Matatagpuan ang mga tulang ito sa