(Unang nalathala sa wikang Bicolano sa Kaiba News and Features)

Ipinaputol ng mga namamahala sa baryo Dayangdang ang barkada naming puno ng Acacia sa kanto ng aming kalye: Dons St., Naga City.

Nang umuwi ako noong Semana Santa, putol na ang punong Acacia na saksi sa pagbibinata ng aming barkadahan. Siya ay saksi sa aming inuman, sa aming panliligaw, at sa pambabasted sa akin ng isang natitipuhang dalagita. Barkada namin ang punong iyon. Mapagpasensiya si Acacia
at nilalambing kami kung sumusuka sa tabihan niya kapag napaparami ang ininom na gin. Dinidiligan namin iyon ng nitrogen mula sa aming ihi. Doon nabuo ang aming basketball team. Doon din kami sa tabi niya naglalaro ng chess hanggang kalaliman ng gabi–isa sa amin ay
nakarating sa mga national tournaments.

Pinapayungan niya kami sa tag-init noong hindi pa uso ang mga waiting shed ng mga trapo. Sinisipsip niya ang baha sa tag-ulan kahit ang ibang contractor ay nagpapadulas makakuha lang ng drainage project. Nagbigay ang punong-kahoy na iyon ng direksyon sa aming mga panahuhin. Sasabihin lang namin: “liko ka sa may malaking punong Acacia, sa may Acacia…diretso ka pa…” Kung ang sanaysay na ito ay manipestasyon, parang nagbigay siya ng direksyon sa aking ibang paniniwala sa buhay.

Nang nagboykot kami sa pa-eleksyon ni Marcos nagtatak ang aming barkadahan ng malaking X sa katawan ng Acacia. “Ayaw namin sa gimik mo Marcos!!!” Kasama ang barkadang Acacia naisigaw namin ito sa diktadura.

Katulad ng maraming puno sa ating mga baryo, saksi ang Acacia na iyon noong panahon ng digmaan ng mga kapitalista ng mundo. Saksi siya sa hirap ng mga taga Dayangdang dulot ng digmaang Hapon at Amerikano.

Pulitika, kasaysayan, pagbabarkadahan, pagmamahalan ang nangyari sa tabi ng aming Acacia–katulad sa mga kahoy sa ating baryo. Hindi ba ito nakita ng mga “tree-killer” ng ating lipunan at pamahalaan?

Kung lalagyan nga ng karampatang pera ang halaga nga aming Acacia (para sa mga praktikal daw) at kuwentahin ang pang-sosyo-kultural at sosyo-ekonomiyang aspeto ng kahoy, milyon na ang naibigay sa amin ng aming punong Acacia. At milyon pa ang maibibigay, di lang nakikita
ng ilan mababaw ang kaisipan.

Di ko maintindihan kung bakit ipinaputol ang barkadang Acacia ng mga namamahala sa baryo Dayangdang na sinang ayunan ng siyudad (kung di man sila nagbulag-bulagan), na sinangayunan ng taga Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sila ang nagbigay ng permit para ipaputol ang Acacia namin. Kung galit nga sila sa mga taga Dons St., sana”suntukan na lang!” Huwag na nilang idamay ang walang laban.

Nag-konsulta raw sila at tinanong ang mga 100 na taga-amin. Nanalo raw ang gustong ipaputol ang kahoy. Scientific ba ang pagpili ninyo ng respondents? Ano ang metolohiya ng iyong pagpili ng respondents? Election nga sa pagkapresidente natin dinadaya, `yan pang baka “unscientific” na metolohiya ninyo.

Bakit daw pinutol? Marami raw kasi ang nababangga sa Acacia na iyon. Nang magtanong-tanong ako ito ang ilang impromasyong nakuha. Isa sa nabangga doon ay lasing. Ang pinakahuling nabangga ay student driver na walang kasama–mukhang nag-tetext pa. Ang mga dahilan bang ito ay isinama upang ipaputol ang Acacia? Kahit pa isinama, sabi ko na lang sa aking sarili, “sa aksidente ang dapat may kasalanan ay ang gumagalaw at hindi ang Acacia na 85 taon nang nakahimpil sa iisang lugar lamang.”

At, dahil matanda na raw ang Acacia, medyo tumataligid patungong lupa, baka raw may matumbahan lalo na kung may malakas na bagyo. Susmaryosep! di ba pinag-aaralan ang pag-alaga ng kahoy sa “tree science?” Ang ibang foresters sa DENR nag-aral pa sa ibang lugar, ang iba may mga masteral at doctoral pa. Ano, pagputol na lang ang alam ninyong solusyon? Wala ng alternatibo? Di niyo man lang na-isip ang speed trap? Kung putol lang naman ang alam natin, di na sana tayo nag-aral kung saan-saan kung wala rin lang naman tayong naiisip na
alternatibo.

Ang tanong nga, sino pa ang mas tatanga sa taong nabanggaan ng pison na gumagalaw? Sagot: ang taong natumbahan ng Acacia na di gumagalaw! Sa batas ng evolution ni Charles Darwin namamatay talaga ang mga tanga. Hindi sila fit mabuhay.

Bali-balita na parang kiti-kiti ang local na pamahalaan ng Naga City, sa panguguna ni Mayo Jess Robredo, na pangalagaan ang kapaligiran. Ok lang yan, libre lang naman ang managinip. Gusto nilang pangalagaan ang ilang bahagi Mt. Isarog at Bicol River? Sorry na lang Mayor Jess, patay na ang kaugat-ugatan mo nananaginip ka pa rin.

Kung hindi nga nakikita ng ating komunidad ang kahalagahan ng isang Acacia sa ating political, socio-kultural at socio-ekonomiya, at kasaysayang aspeto huwag mong asahan na susuportahan ka nila. Hindi rin tayo makapag-isip, creatively, kung papaano isasalba ang isang kahoy, gusto mo pang alagaan ang Naga River at Mt. Isarog!? Baka ang kalalabasan niyan ay puro sa media lamang ang ating pag-aalaga ng kapaligiran.

Para sa lapida ng barkada naming Acacia, ito ang mungkahi ko na dapat ilagay. Dalawang tanong sa tanong lang sa DENR, Jess Robredo, at Gobyerno. “Ano ang karapatan ninyong ipaputol ang isang kahoy na wala pa kayong hininga ay isa ng nilalang na gumagawa na ng inyong hihingahin?” Ano ang karapatan ninyong ipaputol ang isang kahoy na kung hindi ninyo pinaputol ay maaaring buhay pa kahit kayo ay mga abo na at gumagawa pa rin ng hihingahin ng darating na henerasyon?

Sa mga may pananagutan sa pagputol ng kahoy sa Dons St., Naga City isusumbong naming kayo sa lahat ng barkada naming maligno, engkanto, at nilalang na dating nakatira sa Acacia na iyon. Sila na ang bahala sa inyo. Kapag tinubuan kayo ng maraming tigyawat sa buong katawan, alam niyo na ang bisa ng aming mga kaibigang hindi nakikita.

Si Perry, 41, ay patnugot ng Kaiba News and Features at executive director ng Syngenta ng Philippines Foundation, Inc. Dati siyang editor ng UPLB perspective.

Join the Conversation

2 Comments

  1. Ka Perry,

    Sinong makata ang di maluluha sa binalita mo? Napakaraming gung-gong sa ating kapuluan na di ko maintindihan kung bakit gustong gusto nilang mag masaker ng malalaking puno. The echo system is in complete global danger. Sayang kung bakit mga lider gobyerno pa ang may utak biya at gumagahasa sa inang kalikasan. Sa inyo mga taga DENR, ito lang po ang masasabi ko…. HINAYUPAK KAYONG LAHAT..!!

    Ka Rusty

  2. well n touch po me sa storya ng acaCCIA NYO SA TRUE PO DAPAT TALAGA nagpapahalaga sa mga bagay na nanahimik lamang ngunit tumutulong sa lahat ng tao at nilalang sa mundo sana nga ganyan sila kailan kaya sila mag-iisip ng para sa kapakana ng lahat at nakararami di lang po pansariling interest. sana nga po may mga kaibigan din me n kagaya nyo mag-icip at talagang may pagpapahalaga sa nga nakakatulong lalo na sa mga puno. I’M SALUTE TO YOUR BARKADAHAN.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.