Hanggang kailan ba dapat magbigay at umintindi ang isang tulad ko? Umintindi sa mga bagay na kailangan at dapat, sa mga taong mahalaga sa akin at mga taong dapat kong pakisamahan? Ayoko na sana–dapat sana tapusin na lang. Ppagod na rin akong umintindi at maghintay, makiusap at lalo pang umiyak. Pero alam ko sa kalagayan ko ngayon, walang ibang dapat umintindi kundi ako. Pero paano ako? Kailangan ko rin ng makakaintindi sa akin, sa nararamdaman ko.

Pangatlong stick na itong hinihithit ko habang hinihintay kita. Alam mo, dati hindi ako naninigarilyo. Pero habang tumatagal at habang dumadalas ang paghihintay ko sa ‘yo, dumadalas din ang hithit ko ng sigarilyo kahit alam kong ikagagalit mo pa ito. Wala na akong pakialam kung magagalit ka pa, dahil ganon ka din naman di ba? Wala namang halaga sa ‘yo kung sasama ang loob ko o ikagagalit ko ang mga bagay na madalas mo ngayong gawin. Gusto ko sanang makita na lang ng dalawa kong mga mata kung talagang may iba kang pinagkakabalahan, at hahayaan ko na lang na ang reaksiyon ko ang magpasya kung masasaktan ako o iiyak.

Basta ang alam ko nasasaktan ako, dahil kahit sabihin mong malinis ang kunsensya mo iba pa rin ang nararamdaman ko. Ganito na lang lagi: maghihintay ako kung kailan ka dadalhin ng mga paa mo pabalik sa akin, pero hanggat wala ka pa hindi ko mapipigilan ang mga luha sa mata ko dala ng mga isipin kung nasaan ka at kung sino ang kasama mo, dahil alam ko habang umiiyak ako nagpapakasaya ka naman kasama nila.

Pero bakit ganoon? Gusto kong isipin na lang na pabayaan ka sa gusto mo, ibigay ang kalayaan na lagi na hinahangad mo, pero hindi ko maturuan ang sarili ko na lumayo na sayo. At iyon ang pinakamahirap at pinakamasakit. Nagtatalo ang utak at ang puso ko para sayo kahit alam kong kailangan ko nang magpasya.

Pero sa ngayon hindi pa ubos ang luha ko kakayanin ko pa ang masaktan basta kasama kita, maghihintay pa rin ako kasabay ng paghithit ko pa rin ng sigarilyo ko.

Si Jo Ann, 27, ay empleyado sa Kagawaran ng Edukasyon. Mahilig siyang magsulat ng sariling saloobin at medyo may kalungkutan ang buhay. Ang tanging nagpapasaya sa kanya ay ang dalawa niyang chikiting.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.