Bakit kailangang pag-aralan at tutulan ng bawat Pilipino ang nilalaman ng Sensenbrenner bill o HR 4437 na pinag-uusapan ngayon sa Kongreso ng Amerika?

Dahil ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga Pilipino sa ibang bansa ay nasa Estados Unidos. Katunayan, mahigit 60,000 kababayan natin taun-taon ang umaalis ng Pilipinas upang manirahan sa Amerika.

Ang HR 4437, imbes na pangalagaan ang karapatan ng mga migrante, at kilalanin ang kanilang papel sa paghubog ng lipunang Estados Unidos, ay nais ituring na kriminal ang mga ilegal na migrante pati ang mga kumakanlong sa kanila. Bahagi ito ng pag-ayuda sa ‘gera laban sa terorismo’ ni Bush.

Delikado ito dahil nakita na natin ang brutalidad kung paano pakitunguan ng gobyernong Bush ang mga taong pinaghihinalaang terorista.

Hindi nakapagtataka at nagbunsod ng malawakang protesta ang kontrobersiyal na panukala. Sa pangunguna ng Justice 4 Immigrants (J4I) ay nagkaroon ng mga malalaking demonstrasyon sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos, lalo na sa California.

Bitbit ang mga plakard na may mensaheng “we are not criminals,” pati ang mga estudyante ay naging bahagi ng mga kilos protesta.

Noong Marso 27, mahigit 100, 000 mag-aaral ang napabalitang lumiban ng kanilang mga klase sa mahigit 40 eskuwelahan sa California. Sa Los Angeles, mahigit 40,000 estudyante mula sa 26 high school ang nagwalk-out at nagmartsa papunta sa city hall.

Noong Marso 28, kahit malakas ang ulan at tangkang paghaharang ng pulis, ay nagrali ang mga mag-aaral ng Carson at Long Beach High School sa South Bay kasama ang mga Fil-Am. Mahigit tatlumpu ang inaresto.

Pati sa Dallas, Texas ay may 4,000 estudyante ang dumagsa sa kalye.

Naitala ang pinakamamalaking rali sa kasaysayan ng Los Angeles, California na ikinukumpara sa freeway sit-down strike noong Vietnam War.

Dahil sa lawak ng protesta, napilitan ang Senado na kilalanin ang sentimyento ng mga migrante at inalis na ang mga kinamumuhiang probisyon sa Sensenbrenner bill tulad ng kriminalisasyon sa mga hindi dokumentadong migrante at sa mga sumusuporta sa kanila.

Gayunpaman, malayung-malayo pa rin ito sa pinapaborang batas para sa mga migrante na magtitiyak sa legalisasyon ng pananatili sa Amerika, pagtatanggol sa karapatan ng manggagawa at pagsasama muli ng mga pamilyang matagal na nagkahiwalay dahil sa visa backlog.

Nag-iiba na ang komposisyon ng lipunang Amerika. Lalong gumuguhit ang impluwensiya, lakas at dami ng mga Amerikanong hindi puti. Hindi naman ito nakakagulat dahil isinilang, yumabong at umunlad ang Estados Unidos sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga migrante mula sa ibang lupain. Kaya dapat tanggapin na ng mga Konserbatibong puwersa sa Amerika na ang kanilang dominasyon ay may hangganan din at dapat yakapin nila nang buung-buo ang mga migranteng hindi nila kakulay.

Idagdag natin ang ating boses upang biguin ang Sensenbrenner bill. Pinapadalhan nga tayo ng mga dolyares ng ating mga pamilya pero mas malaking yaman ang kanilang naiaambag sa bansang Estados Unidos sa pamamagitan ng kanilang lakas-paggawa, dunong at kasanayan. Hindi mga panukalang tulad ng Sensenbrenner bill ang dapat maging sukli ng gobyernong Amerika sa mga masisipag na migrante.

Ibunyag din natin ang katahimikan ng pamahalaang Gloria Arroyo sa isyung ito. Labing-isang bansa mula sa Latin Amerika ang nagpadala na ng kinatawan sa Washington upang mag-lobby ng mga reporma sa immigration law ng Amerika. Pero itong si Gloria ay sarili lang ang iniintindi kaya Cha-cha ang gustong ibenta sa mga Amerikano imbes na isulong ang interes ng mga Fil-Am.

Dapat matyagan natin ang magiging kahihinatnan ng Sensenbrenner bill dahil kung ito’y makalusot sa Kongreso ng Amerika ay maaaring gayahin ito sa Europa na may negatibong implikasyon sa ating mga kababayan doon.

Ito ang kabayaran ng pagiging pangatlo sa nangungunang bansa na nagluluwas ng tao. Ito ang kapalit ng pagiging paboritong yaya at nurse sa buong mundo. Ito ang kongkretong patunay na dapat pabilisin na natin ang pagbabago sa pamunuan ng bansa at mga pulisiya sa ekonomiya upang wala ng Pilipinong makikipagsapalaran pa sa ibang lupain.

Si Mong ay tagapangulo ng Kabataan Sectoral Party. Pwedeng bisitahin ang kanyang blog sa www.mongpalatino.motime.com

Mong Palatino

Activist, blogger, and political journalist. Visit him at mongpalatino.com or email him at mongpalatino[at]gmail[dot]com.

Join the Conversation

1 Comment

  1. Sana nga lng matauhan n ang mga taong dapat sana ay nag susulong ng pag unlad ng bansa.
    Sana rin mag karoon n tayo ng pinunong tunay at higit n karapatdapat n mamuno sa atin. Ang taong/mga taong merong sariling paninindigan, busilak n puso at tunay n hangaring makapaglingkod sa bayan.
    Higit sa laht sana pahintulutan n ng banal n Ama ng umunlad n ang ating ekonomiya, na hindi n nating kailanganin pa ang tulong ng ibang bansa at ang bansa natin ay maging self sufficient sa lahat ng bagay. Sana.. sana… ^_____^

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.