Malalaman mong uso ang isang ideya kung ang mga taong dati’y saksakan ng yayabang sa pagsasabing hindi naman sila naniniwala roon ay maririnig mong umaawit ng mga “Hosanna” sa ngalan niyon. Tiyak ding uso ang isang ideya kung dumarami ang nagsasabing sila’y mga alagad nito kahit hindi naman nila ito mabigyan ng matinong depinisyon.

Ganito ang nangyayari ngayon sa kaso ng nasyunalismo. Wala nang higit pang makapagpapatunay na uso ito ngayon sa pangyayaring ang mga kagaya ni Virgilio Almario (na minsa’y nagsabi sa isang porum na “patay na ang nasyunalismo”) at ni Ophelia Dimalanta (na sa kanyang mga klase’y mahilig na magtangkang pabulaanan ang mga ideya ng makabansang si Renato Constantino) ay nagsasabi ngayong sila’y nananalig sa nasyunalismo.

Magandang senyales sa isang banda ang pangyayaring ang mga nagsusulong ng nasyunalismo’y hindi ngayon tinitingnan bilang mga tagapagsulong ng isang “lipas na ideolohiya.”

Datapwat ano nga ba ang nasyunalismo? Kailangan pa ring linawin ang depinisyon nito sapagkat sa panahon ng pagkauso ng mga ideyang tulad nito ay nariyan din ang higit na panganib na ang katuturan nito ay mabalasubas.

Ang terminong nasyunalismo ay nakaugat sa salitang nasyon (bansa), na ang ibig sabihi’y isang pangkat ng mga taong may iisang kasaysayan at kalinangan. Sa kasaysayan, nahasik ang mga binhi ng nasyunalismo sa mga pakikibaka sa kolonyalismo at imperyalismo — mga paglabag sa likas na karapatan ng mga bansa na magtakda ng sarili nilang paraan ng paghubog sa kanilang kapalaran.

Kung gayon, ang nasyunalismo ay ang debosyon sa at pagsusulong ng mga pangangailangan at adhikain ng bansang kinabibilangan, kasama ang karapatang magtamasa ng kasarinlan.

Maiging dumarami ang kumikilala ngayon sa halaga ng nasyunalismo sapagkat sa panahong ito nagiging pinakamatingkad ang pangangailangan dito.

Sa larangan ng ekonomiya, hindi lamang sinusundan ng Pangulong Arroyo ang mga yapak ng kanyang ama: hinigitan pa niya ito sa pagsunod sa mga patakaran ng International Monetary Fund at World Bank (IMF-WB), mga higanteng institusyong multilateral na ang namumunong bansa’y ang Estados Unidos.

Tampok sa mga patakaran ng IMF-WB sa kasalukuyan ang liberalisasyon ng ekonomiya, deregulasyon sa mga industriya, at pribatisasyon ng mahahalagang sektor ng ekonomiya.

Nakabatay sa mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ang pagtatanggal ng mga taripa sa mga angkat na produkto at ang pagbibigay ng insentibong piskal sa mga korporasyong multinasyunal at transnasyunal. Batay sa datos mula sa IBON Foundation, P100 bilyon ang potensiyal na kitang nawawala taun-taon sa pamahalaan sanhi sa pagtatanggal ng mga taripa. Samantala, inamin ni Juanita Amatong, dating kalihim sa pananalapi, na noong 2003 lamang ay nawalan ang gobyerno ng P229.4 bilyon dahil sa kabibigay ng mga insentibong piskal sa mga higanteng korporasyon.

Ang ganito kalaking pagkawala ng salapi sa pagsunod ng Pilipinas sa mga pagtakaran ng IMF-WB, pati ang malaking pagkalagas ng pera mula sa pambansang kabang-yaman taun-taon sanhi sa katiwalian — na ayon sa tantiya ng United Nations Development Programme (UNDP) ay umaabot sa 13 porsiyento ng taunang badyet at umaabot naman sa 20-30 porsiyento ayon sa pananaliksik ng National Tax Research Center (NTRC) — ay humantong noong 2004 sa isang krisis piskal na hindi pa natin naaalpasan.

Samantala, bunga rin ng di-patas na kumpetisyon mula sa mga korporasyong multinasyunal at transnasyunal — na sapagkat lamang sa antas ng teknolohiya at sa dami ng kapital ay nakalilikha at nakapagbibili ng higit na maraming produkto sa higit na mababang halaga — ay maraming empresang local ang nagsasara, bagay na nagbubunga ng pagkawala ng mga trabaho. Batay sa mga estadistika mula sa IBON Foundation, karaniwan nang walong empresa ang nagpipinid araw-araw, at kasabay nito’y may 156 manggagawa sa bawat araw rin ang nawawalan ng hanapbuhay.

Pinatitindi pa ng mga patakaran ng IMF-WB ang ganitong uri ng kumpetisyon sa larangan ng ekonomiya.

Sa larangan ng patakarang panlabas, may ilang dekada nang nakatali ang Pilipinas sa Mutual Defense Treaty (MDT) nito sa Estados Unidos at wala namang mutual defense na nangyayari.

Noong talagang sakop pa ng Estados Unidos ang Pilipinas ay may lumitaw nang aral na dapat sana’y naging gabay nang ihapag sa atin ang MDT. Batay sa mga dokumentong nasaliksik ni Constantino para sa aklat niyang The Philippines: The Continuing Past, noong nagiging maugong ang mga balitang sasalakayin ng Hapon ang Pilipinas ay malinaw na walang balak ang Estados Unidos na ipagtanggol tayo. Sa katunayan, nilisan nga ng kalakhan ng United States Armed Forces in the Far East (USAFFE) sa pangunguna ni Hen. Douglas MacArthur ang Pilipinas, at sila’y bumalik na lamang nang nasukol na ng mga Pilipinong gerilya ang mga opisyal ng Japanese Imperial Army sa bansa.

Gayundin, sa panahon naman ng MDT, nang magkatensiyon sa Spratlys, kung saan may inaangking mga bahagi ang Pilipinas at ilan pang bansang Asyano, noong dekada 1990 dahil sa mga maniobra ng Tsina, nagpahayag ang Estados Unidos na sila’y walang obligasyong tulungan ang bansa sakaling mapalaban. Ito’y kahit umiiral ang MDT.

Ang kawalan ng Pilipinas ng tunay na kasarinlan ay sinasalungguhitan ng kaso ni “Nicole,” na pinaniniwalaang ginahasa ng isang marinong Amerikano sa tulong ng tatlong kasamahan nito sa Subic, Zambales noong Nobyembre 2005. Yaong pangyayaring ang Embahada ng Estados Unidos pa ang nagdidikta sa kalakhan ng mga pamantayan ng paghugot ng hustisya para kay “Nicole” — na nakaugat sa deka-dekada nang “natatanging ugnayan” ng Pilipinas at ng Estados Unidos — ay malinaw na indikasyon ng laki ng kasarinlang natatamasa ng Pilipinas.

Sa ganitong panahon, tunay na higit ang halaga ng nasyunalismo at napakabuting dumarami ang kumikilala rito.

Subalit lalo ring kailangan sa ngayon ang higit na paglilinaw kung ano talaga ang nasyunalismo sapagkat sa ganitong panahon malamang na maganap ang pananalaula sa katuturan nito.

Alexander Martin Remollino

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.