(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

Nagsama-sama sa isang okasyon kamakailan si Manny Pacquiao, ang pambansang kamao; sina Leo Oracion at Pastor Emata, dalawa sa mga Pinoy na nakarating sa tuktok ng mundo; ang mga kababayan nating umani ng medalya sa 2005 Southeast Asian Games; at ang kasalukuyang Miss Tourism Queen International 2006, si Justine Gabionza. Lahat sila’y iprinisinta sa State of the Nation Address (SONA) ni Gloria Macapagal-Arroyo noong Hulyo 24. Kaya naman sa halip na maging ulat sa bayan, naging isang magarbong palabas ang nakalipas na SONA.

Pero para sa ilang grupo ng kabataang naglunsad ng magkahiwalay na protesta, malungkot na sonata pa rin ang SONA ni Arroyo.

Tinuligsa ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) ang pagpaparada ni Arroyo ng “People’s Champions.” Isang gimik na naman daw ito para pagandahin ang kanyang imahe. “Wala pa sa kalingkingan si Arroyo ng pagiging “people’s champion,” wika ni Dion Carlo Cerrafon ng SCMP. Sa halip, si Arroyo raw ay “kampeon ng diktadura.” Kasama si Cerrafon sa mga kabataang nagprotesta sa lansangan noong araw ng SONA.

Ang itinuturing na kampyeon ng mga aktibista ay ang mahigit 700 kapanalig nilang pinaslang mula nang umupo si Arroyo. Kabilang sa mga pinatay ang ilang kabataang tulad nina Benjaline Hernandez ng College Editors’ Guild of the Philippines; si Cris Hugo, national council member ng League of Filipino Students (LFS) na pinaslang noong Marso sa harap ng Bicol University kung saan siya magtatapos na sana ng kolehiyo; at si Sorsi Reimond Guran, mas kilala sa palayaw na Ambo, ang unang kabataang biktima ng pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo matapos ang SONA.

Sa kanyang SONA, pinuri ni Arroyo si Jovito Palparan, ang heneral na laging itinuturo ng mga aktibista na may kaugnayan sa mga pagpatay sa mga lugar na nakadestino siya. Kasunod ng papuri kay Palparan, idineklara ni Arroyo: “In the harshest possible terms I condemn political killings.”

Pero noong katapusan ng Hulyo, pinatay nga si Guran halos kasabay ng pananambang sa isa pang lider ng Bayan muna sa Kalinga na ikinamatay ng kanyang asawa. Isang araw bago ito, isa ring kasapi ng Bayan Muna ang pinatay sa Nueva Ecija.

Maliban sa pagpapatumba ng mga aktibista, tinuligsa rin ng mga kabataan ang umano’y pagpapabaya ng rehimen sa edukasyon. Ayon kay Mong Palatino ng Kabataan Party, nakaririmarim na habang ilang talata ang ginugol ni Arroyo para pasalamatan ang kanyang mga kakampi, pinasadahan lang niya ang kalagayan ng edukasyon sa panahong ang sektor na ito ay nasa matinding krisis. Ang lakas daw ng loob niyang mangarap ng malalaking proyekto ganoong ni hindi niya mapunuan ang kakulangan sa mga silid-aralan.

Ayon sa statistics ng Freedom from Debt Coalition (FDC), nasa Pilipinas daw ang isa sa pinakamasisikip na silid-aralan sa Asya: 55 hanggang 56 students ang pinagkakasya sa bawat silid, at sa kabila ng sinasabi ni Arroyo na wala nang classroom shortage, 44,000 silid-aralan pa ang kailangan natin.

Sinampolan naman ni Eleanor de Guzman ng Anakbayan ang pagbabago ng gobyerno sa kahulugan ng ilang economic indicators, gaya ng unemployment, upang mapalabas lamang na maganda ang kalagayan ng ekononomiya. Sabi naman ni Vencer Crisostomo ng LFS, lagi raw bigo ang mga pangako ni Arroyo dahil political survival ang laging pangunahing layunin ni Arroyo.

Ang administrasyong Arroyo ay may pera raw sa giyera pero sa eskuwela ay wala, wika naman ni Marco delos Reyes ng National Union of Students of the Philippines (NUSP). Ganito rin ang hinagpis maging ng mga kabataang aktibistang nasa paksyong karibal ng blokeng kinabibilangan ng Anakbayan-LFS-NUSP-CEGP.

Ayon kay Chester Amparo ng Youth for Nationalism and Democracy, isa sa mga lider kabataang kaalyado ng FDC at Laban ng Masa na sumama sa protestang tinawag na “State of the Youth Address” (SOYA) sa Plaza Salamanca sa Maynila, handa raw gumastos ang rehimen sa anti-insurgency projects, pero tinitipid naman ang edukasyon.

Base pa rin sa statistics na ihinanay ng FDC, isa sa 10 Pilipino ang ni hindi nakapag-aral; 4.1 milyon ang hindi nakakabasa at nakakapagsulat; 11.6 milyon ang out-of-school youth. Sa 100 mag-aaral na papasok sa Grade 1, may 13 lamang na makakapagtapos ng kolehiyo, at kulang tayo ng 25 milyon textbooks at 50,000 pampublikong guro.

Ayon kay Bianca Lapus ng Student Council Alliance of the Philippines, sa limang taon sa ilalim ni Arroyo, ang mga Pilipinong kabataan at mag-aaral ay lalong nagiging walang edukasyon, lubog sa utang, at gutom.

Ang mga ito marahil, at hindi ang ipinipinta sa magarbong palabas sa harap ng Kongreso, ang tunay na kalagayan ng kabataang Pilipino.

Ederic Penaflor Eder

Si Ederic, 40, ay founding editor ng Tinig.com. Ipinanganak sa Batangas at lumaki sa Marinduque, nagtapos siya ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong 1999. Mababasa rin ang kanyang mga...

Join the Conversation

2 Comments

  1. oo nga ano ang labo talaga ng gobyerno, yung pangit na pilit pang pinapaganda at yung dapat gawin ayaw gawin, yung nangangailangan talaga ayaw bigyan. masyadong miserableng bansa na tayo hindi dahil sa tanga tayong pare pareho kundi sa ngayon masyado lang talaga siyang mautak, magulang at malakas. pero huwag tayong mainip babagsak din ang mga punyetang na yan na walang ginawa sa bayan kundi ang mang-abuso. Tuloy lang natin ang kilos may araw din ang mga hinayupak na katulad ni GMA. Diyos ko liit nya na yun, sigurado hindi rin sya tatagal.

  2. (ngaun ko lang napansin to. shet. bat ngaun lang.)

    pasawai talaga. pero tama sa liit ni gloria, anlakas niyang hamakin mga dapat pinaglilingkuran niya.
    hindi ko alam kung ito ang talagang totoo, pero nakita ko ang sona bilang isa na namang pautot ni gloria para sa maaaring sumuporta sa kanya sa mga pasulpot-sulpot niyang mga pakana. isang bagay na magaling kay gloria, hindi siya madaling hulaan. sa liit niyang iyon, oo. sakit siya ng ulo ng malaking populasyon ng bansa ngaun.

    haaay grabe.

    sa dami ng sinabi ni gloria na pangarap niya para sa “bansa”. aishet. nakalimutan niya talaga yung sitwasyon ng kabataang (dapat sana) pag-asa ng bayan. marami ngang paaralan sa pilipinas pero hindi naman nake-cater lahat ng dapat mabigyan ng edukasyon.

    siksikan sa maliit ng espasyo.
    kulang sa libro.
    gutom.

    shet. kung pakikinggan lang ang kalam ng sikmura ng lahat ng nagugutom at nakikipagsiksikan sa eskuwela. pati na rin iyong mga di talaga pinalad na makapasok (iyong mga nagpepray na sana sila ren naghihirap sa assignment nila sa math., ) saka iyong tunog ng kulang sa impormasyon at tamang edukasyong kukote.. mas overwhelming ang effect kesa sa palakpak ng mga binayaran at pinagbabati ni GMA nung sona niya.

    tsk tsk. (papakabait na ko, baka ako na isunod niya.)

  3. Pingback: Anonymous
Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.