Marahil maraming Pilipino na ang nag-iisip kaya hindi basta-basta nagdadagsaan ang mga tao sa tuwing ang ilang mga kilalang personalidad ay nagtatawag ng pagkilos. Sa katunayan, kung ating susuriin ang EDSA Dos, hindi kinailangan ang masugid na pagkumbinsi sa mga tao na pumunta sa EDSA Shrine. Kusa silang nagdagsaan dito, at hindi namalayan ng gobyerno. Sapat na ang dami upang makumbinsi si Joseph Estrada na lisanin ang palasyo, at para sa ilang mahahalagang sangay ng pamahalaan na bawiin ang supporta nila sa nakaupong pangulo.

Ang nakaraang paggunita sa anibesaryo ng EDSA 1 ay tila binalak sanang araw ng muling pag-aalsa ng bayan laban sa rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, naging araw ito ng pagdedeklara ni Arroyo ng State of Emergency.

Bakit kaya hindi naging kasing-bilis ang pagdagsa ng mga tao upang manawagan sa pagpapatalsik ng kasalukuyang rehimen?

Marahil hindi na kasi madaling makumbinsi ang karamihan sa ating mga kababayan. Alam na ng mga Pilipino na ang mga taong sumusulong kuno sa pagpapatalsik ng kasalukuyang gobyerno at nangangako ng pagbabago ay mga berdugo rin na walang pinagkaiba sa sinumang trapong pulitiko na pansariling interes lamang ang isinusulong. Pustahan lamang, pagkaraan ng ilang buwan at taon, makikita mo rin sila na nasa posisyon na rin, bumaliktad ng suporta at unti-unti na ring nilalamon ng bulok na sistema ng gobyerno.

Kaya hindi natin masisisi ang mga tao kung kibit-balikat na lang nilang tinatanggap ang kasalukyang sitwasyon. Dahil wala rin naming nangyayari – ang trapo ay nananatiling trapo, at ang karapat-dapat na maglingkod sana sa bansa ay hindi naman nanalo; o di kaya sa kalaunan ay nilalamon din ng sistemang bulok.

Nakakalungkot pagmasdan ang pagkalugmok ng bansa – pinuputakti na nga tayo ng sunud-sunod na trahedya ng stampede, landslide, kabi-kabilaang krimen; di pa rin nagpaawat ang problemang pulitikal.

Hindi ba pwedeng magkaisa at magtulungan na lamang? Hindi ba nahahalata ng mga tao na unti-unti nang nilalamon ang mundo ng galit ni Inang Kalikasan? Hihintayin pa ba nating lamunin na ng tubig ang mundo o tamaan tayo ng higanteng meteor na papatay sa lahat ng nilalang? Hindi pa ba dadalwain ng himala ang mga pulitiko nang mapagtanto nila na kailangan nilang magsilbi ng tama sa sambayanan at tigilan na ang pagiging makasarili?

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.