Halos tatlumpung taon ka na ring nagpapasada ng dyip. Tatlumpung taong sinusunog ang tumbong sa mainit na upuan dala ng mainit na panahon, tatlumpung taong nabibingi sa busina ng ibang sasakyan sa kalsada, 30 taong kumakain ng alikabok ng lansangan at humihigop ng usok at tatlumpung taon mo na ring tinuring na pangalawang tahanan ang lansangan. Sa loob ng mga taong ito, nasaulo mo na halos bawat shortcuts, interchanges, traffic reports at taripa ng pamamasada. Sa loob ng mga taong ito, walang nangyari sa buhay mo. Iniisip mo na rin ang magretiro, ang isampay ang tuwalyang Good Morning at itapon ang mga placard na nagsasabi ng iyong ruta, pero hindi mo rin magawa. Ito lang ang kinamulatan mong trabaho.

Naiisip mo tuwing umaga ang mga mangyayari kung napatapos mo ang iyong mga anak dahil sa iyong pamamasada. Malaki ang pangarap mo sa kanila sa puntong rilyebong-kalabaw ang ginawa mo. Bago pa lang sumikat ang araw, nagsimula nang rumampa ang dyip mo hanggang sa abutan ka ng mga away sa kanto dahil lasing na naman ang mga batugan mong kapitbahay. Natatawa ka sa kanila kung may pangarap sila ng gaya sa ‘yo -– ang makalipat sa isang village, magkaroon ng sariling telebisyon, at makapanood ng PBA sa Araneta’t Cuneta. Siyempre hindi mawawala ang mapatapos ang mga anak. Kaligayahan ng isang magulang ang makita ang anak nitong umaakyat sa entablado at inaabot ang diploma. Labis na kaligayahan din sa tuwing umaga nakikita mo ang mga litrato nilang nakasabit sa dingding at nakangiting nagsasabing, “Salamat Itay at pinatapos niyo kami”. Ngayon hanggang pangarap na lang na ang anak mong si Marites ay maging isang nars sa abroad, si Julius isang inhenyero sa Saudi gaya ng pinsan mong si Doro, si Marla isang accountant sa Makati at ang bunso mong si Jesus marahil sa Ortigas nagtratrabaho. Ang pinapangarap na mga larawan ay pinalitan na lang ng mga poster ng mga bold star na kung hindi ka pa binibigyan ng kaibigan mong si Tito ay wala kang panakip sa mga butas na nabubuhay sa iyong maliit na tirahan.

Ngayong umaga, kakaiba ang ihip ng hangin, mas dama mo ang problemang kailangang suungin. Kagabi lumipat ang pamilya ni Julius sa inyo. Walang trabaho dahil hindi nakapagtapos at maagang nag-asawa gaya ng mga kapatid niya, kaya pinalayas sa kanilang tinutuluyan. Ang kanyang asawa’y nagtitiis mamasukan bilang packer sa isang export company sa Mandaluyong at ang kita’y tama lang na ipamasahe at kaunting Skyflakes para magkalaman ang tiyan. May apat siyang anak na pawang maliit pa, ang panganay na si Yoyong ay limang taong gulang at ang bunsong si Tetet ay walong buwan pa lang. Dahil sa anak mo, pinatuloy mo siya sa bahay ninyo. Dagdag anim na bibig ang pakakainin mo maliban pa sa sarili.

Habang humihigop ng kape, naisip mong buksan ang radyo. Tinodo mo ang pagpihit hangang umalingawngaw ang boses ng announcer. Nakasanayan mo nang gawin ‘to sa umaga–ang lakasan ang volume ng radyo, makinig, at uminom ng kape. Wala kang pakialam sa mga kapitbahay na humihilik pa ang puwet dahil sa magdamag na pagsusugal at pag-iinom. Mainam na rin ‘to para hindi mo rin marinig ang itinatalak ng misis mong si Melba. Ninanais mo na ring iwan ang babaeng ‘to pero mas malakas pa rin ang hatak ng pag-ibig. Ngayong umaga, wala ang pagbubunganga ng iyong misis. Halos isang linggo na rin nang umalis siya at sinabing magpapamanicure lang siya kay Didith Bakla. May mga pagkakataong narinig mo nang tsinitsismis ang kabiyak na nahuhumaling sa kapatid ni Didith na si Danny. Si Danny na mas bata, matipuno ang katawan, at tambay sa parlor ng kapatid. Nang umalis si Melba, nawalang parang bula si Danny. Nawala na ang mahilig umutang sa tindahan ni Sally, ang pasimuno ng cara-cruz sa kanto, ang sinasabing kalaguyo ng kabiyak. Itinatanong ng mga kapitbahay mo kung iniwan ka nga ni Melba at ang tanging sagot mo’y pagkibit ng balikat.

Wala na ring halos ipinagbago ang mga balita sa umaga-–mababang halaga ng piso, maruming pulitika, mababang ekonomiya at ang laging kinaiinisan ninyong mga tsuper, ang lagiang pagtaas ng gasolina. Ngayong araw na ‘to, nagkaisa ang mga samahan ng mga tsuper na magsagawa ng malakihang transport strike. Kinausap ka kahapon ng mga kasamahan mo na huwag pumasada bilang pagtututol sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo at paghingi ng karagdagang pasahe. Sabi sa radyo, matagumpay raw ang isinagawang strike. Maraming na-stranded sa kalsada-–bata, matanda, empleyado’t estudyante. Natapos mo na ang kape at nagsimula nang umiyak si Tetet. Tumayo na si Julius at naghanda ng gatas para sa sanggol na anak. Ngumiti siya sa ‘yo at nagtanong kung papasada ka; sinagot mo siya ng tango. Nahihiya man, bakas pa rin sa mukha ng anak ang paghingi ng pera. Malakas naman ang kikitain mo ngayon, at ang tangi mong gagawi’y iwasan ang mga piket ng mga tsuper para makarami ng pasahero, kaya inabutan mo siya ng isandaang panggastos para sa araw na ‘to.

Ini-start mo na ang dyip. Ginising ng motor nito ang lugar ninyo. Nakita mong isa-isang naglalabasan ang mga kapitbahay mo’t tinanong kung my biyahe ka. Dahil hindi mo kinahiligan ang magsalita, sinagot mo sila ng tango. Hindi ka pa nakakaalis sa eskinita ninyo, napuno na kaagad ang dyip mo. Ipinaliwanag mo sa kanila kung saan ang ruta mo–-iiwasan ninyo ang España, daraan kayo sa may Dapitan at tatagos hangang Mayon paiwas ng Welcome Rotonda. Lahat sila’y sumang-ayon sa sinabi mo. Sa pagpapasada ng dyip, ikaw ang boss, ikaw ang manager, ikaw ang presidente. Sa mga kamay mo nakasalalay ang mga buhay nila, at sa mga mata mo nakasandal ang kinabukasan nila.

Bago apakan ang clutch at magkambyo, umusal ka muna ng panalangin. Humingi ka ng gabay at proteksyon sa Kanya. Sa loob halos ng tatlumpung taon ng pagpapasada hindi mo man lang naranasan ang maholdap, pero mangilan-ngilang beses ka na rin nakabangga o nabangga. Nitong nakaraang buwan lang, sa panulukan ng P. Noval at España, nabangga ng dyip mo ang isang owner. Green light na para sa iyo nang biglang sumulpot ang stainless na sasakyan. Tanggal ang bumper nito’t basag ang headlight, samantalang gasgas at kunting yupi lang ang inabot ng dyip. Naging mainitan ang pagtatalo niyo hangang sa umakyat ang dugo sa ulo’t naisipan mong tubuhin ang ungas. Nakita mo ang kanyang mga anak na pawang estudyante. Naisip mong kung tutubuhin mo ‘to, makukulong ka’t matitigil sa pag-aaral ang mga anak niya. Kung ipagdididiinan mo na siya ang may kasalanan, karapatan mong humihingi ng danyos perwisyo; mababawasan ang pang-tuition ng mga anak niya’t matitigil sa pag-aaral. Kaya noong nakaraang buwan nagpakumbaba ka alang-alang sa mga anak ni Ungas. Pero ungas talaga si Ungas. Binaliktad niya ang sitwasyon at kailangan mong magbayad. Dahil sa nagpakumbaba ka na, hinayaan mo na ring magpakumbaba ulit-–pumayag ka sa kagustuhan niya.

Isa sa prinsipyo mo ang hindi pag-utang kay Mitch Bumbay. Marami na sa mga kapitbahay mo ang halos isinangla na ang kaluluwa sa utang, pero ika’y hindi. Pinagmamatigasan mo na kailanma’y hindi ka uutang, pero noong nakaraang buwan ay kinain mo ang prinsipyo. Diyes mil ang hiniram mo. Noong nakaraang linggo dapat babayaran mo si Bumbay ng onse mil pero tinangay ni Melba ang naipon mong siete mil. Kaya halos bumalik sa India ang galit ni Mitch nang hindi mo siya nabayaran. Minura ka niya nang minura hanggang ang galit sa asawa at uyam sa kamalasan ay umakyat sa ulo mo. Pinaghahampas mo ng walis tambo hanggang sa matanggal ang turban ni Bumbay. Humarurot ang scooter niya paalis habang pinagmumura ka niya sa sariling salita. Simula noon wala nang halos kumakausap sa’yo, bulung-bulungag isinumpa ka ni Bumbay at ang lumapit sa ‘yo makakahati mo sa sumpa. Ngayon ka lang nila kinausap, ngayong wala silang masakyan. Sila ang minalas at ikaw ang sinuwerte.

Sa pagpapasada ng dyip hindi mawawala ang tunay mong kaibigan-–ang musika. Kaya milakasan mo rin ang volume ng radyo habang bumibirit ang isang babae. Kahit kantang pambabae, sinasabayan mo ‘to. Medyo naiilang ka lang bumirit baka bigla kang mapapiyok at mapahiya sa katabi. Isa-isang inaabot ang pamasahe. Nakasanayan mo na rin ‘to. Sanay ka na sa pangungulit sa sukli, sanay ka nang tumingin sa salamin kung sinong nagbayad na at kung sinong nagbabalak mangwantutri. Kaya lang sa edad mo, halos kaaway mo na ang pananakit ng katawan. Minsang may sumakay na PT sa harapan, napansin niya ang hindi pagkapantay ng balikat. Mas mahaba raw ang kanang bahagi, senyales na napupuwersa na ang mga kalamnan sa bahaging ito ng katawan. Kinuwenta mo ang gastusin kung magpapa-therapy. Ilang gabi mo ring iniisip kung magpapa-change oil o kung magpapa-theraphy. Kung change oil hahaba ang buhay ng makina mo, kung therapy maayos ang postura ng balikat. Nakagawa ka ng desisyon, wala kang ikakabuhay kung mawawala ang makina ng dyip mo, at ang sagot mo sa therapy, nagpahilot ka kay Manang Saning.

Ngayong araw ikaw ang hari ng kalsada. Walang ibang sasakyan ang makakapantay sa makukulay mong palamuti. Ang mga banderitas kahit medyo kupas na ay siyang kapa, ang mga nakapintang larawan sa katawan ng dyip ay siyang magarang baro, at ang karatulang “God Bless Our Way” ay siyang korona. Sa kalsada, ikaw ang panginoon. Naghahabulan ang mga na-stranded na sumabit sa estribo, mabahagian man lang ng kunting grasyang dulot mo.
Natatawa ka. Nasisiyahan. Ngayon mo lang naranasan na importante ka.

Sapul! Sigaw ng utak mo matapos bumanat ng korning joke ang tambalang Bisaya at Bata. “Bakit kaya nakasabit sila?” tanong ni Bisaya. “Siguro kasi, walang pambayad,” banat ni Bata. Sabay tapik sa balikat sa katabing pasahero.

Siya si Leonard, ang batang hinahangaan mo sa lugar ninyo. Matalino’t mabait, pag-asa ng magulang. Simula pa noong bata siya, mataas na ang tingin mo sa kanya. Siya nga ang ginagawa mong ehemplo sa mga anak mo. Tingnan ninyo si Leonard, imbes na teks, pahina ng libro ang tsinatsa at tsinutsob. Imbes na nagdadampa kayo, subukan ninyong tumuwad at kuskusin ang sahig gaya ni Leonard. Nang magbinata, hindi mo kailanman nakitang may hawak ng bote at sigarilyo si Leonard, imbes libro’t lapis. Kaya hindi ka nagtataka kung bakit natanggap na iskolar sa UP ang bata. Balita mo nagtutuloy sa pag-aabogasya at nalalapit nang ihango ang pamilya sa kahirapan. Konting tiis na lang, pahayag ng paulit-ulit na tapik mo sa kanya. Kaya lang may problema sa pagmumukha ni Leonard. Kirat ang kaliwang mata, payat din at halos kumapit na ang bungo sa mala-kalsadang butas-butas na mukha kaya noong kabataa’y tampulan ng tukso.

Napansin mo ang dala niyang libro, Calculus. Ang pagkakaalam mo sa Calculus ay mahirap na subject, sa sobrang hirap, nag-drop ang idolo mong Presidente at pinili na lang mag-artista. Ano nga naman ang silbi ng mathematics sa pag-arte, wala namang “Best Mathematician Actor” sa mga awards. Kaya naisip mo, ano ang silbi ng Calculus sa pag-aabogasya. Makati ang dila mo ngayon, kaya naitanong mo kay Leonard.

Hindi na rin iba ang turing sa ‘yo ng binata. Halos tuwing umaga nakareserba na ang unahang upuan sa tabi mo para sa kanya. Sa biyahe marami kang natutunan sa kanya–isyung pulitikal, pangpalakasan, kahit panitika’y nagagawang ikwento sa ‘yo ni Leonard. Kaya magalang niyang sinagot ang tanong mo. Para sa kanyang may kapangitan ang itsura, importanteng ipakita niya kung anong wala sa mga hunk at guwapong madalas mapansin ng mga kababaihan, ito ang talino. Dinemo niya kung papaano. Ikinalong niya ang libro, at ang pabalat dapat nakaharap sa target. Siguradong may makakapansin sa hawak mo. Iisipin nilang matalino ka dahil sa hawak mong aklat ng isang mahirap na subject. Ngayon nakalantad na ang iyong pag-aari, ang iyong kakayahan at hindi ka nila huhusgahan sa kung anong meron kang itsura. Pareho kayong natawa sa sinabi niya.

Nakalimutan mong subaybayan ang kaganapan sa nagaganap na transport strike. Hindi mo nalaman na nagsimulang magmartsa ang ibang tsuper. Paniwala nila, oras na para baguhin ang tinatahak na daan. Minsan na raw naghirap ang Pilipinas sa kamay ng España, bakit kailangan pa raw nila balikan ang nakaraan, ang muling tahakin ang kalsadang ipinangalan sa bansa ng mga mananakop. Marahil may kabuluhan at katotohanan ang simbolismo. Napili nilang daanan, Dapitan.

Malayo pa lang natanaw mo na ang mga banner ng mga rallyist. May mga banderang kulay pula at meron ding kulay berde. Malayang lumilipad ang mga salitang nakapaskil sa mga banner nila. Mga letra ng hamon at sumpa para sa mga naglalakihang korporasyon ng langis at ilang pagbabatikos sa gobyerno, na malutong pa kaysa pantalon na bagong almirol. Kung anong ingay meron sa loob ng dyip, mas malakas ang ingay na nagagawa ng mga nagmamartsa. Kalampag ng mga bakal, sigaw ng mga kalalakihan habang nakataas ang mga kamao, at matatalim na pagbabatikos sa kasalukuyang pamahalaan mula sa lider na nasa megaphone. Sinubukan mong umaatras, pero huli na ang lahat. Nakita nila ang iyong korona. Sa Dapitan piniit si Rizal, sa Dapitan Street mahuhuli ang iyong dyip, ang kasalukuyang bayani, hari, panginoon ng mga nastranded. Sabay-sabay nilang tinuro ang salarin, at taksil ng Samahang ng mga Nagpipiket na Driver at Operator. Napamura si Leonard, dinig mo sa mga salita niya ang nasaisip ng mga nasa
rally. Wala ka nang magagawa kundi pababain ang mga pasahero. Basa mo na sa kanilang mata ang galit, sunud-sunod na mura ang inaabot mo sa kanila. Ang mga murang binabato sa ‘yo’y napalitan ng mga bato. Basag ang windshield mo. Hawak mo na ‘yung tubo na lagi mong bitbit. Pero si Leonard.

Nabasa mo sa kanyang mukha na may legal na aksyon siyang magagawa. Siya na siguro ang makakasagip sa ‘yo. Unang dumating sa mga tsuper na nagmamartsa’y si Danny. Gusto mo na siyang hambalusin–siya ang tambay na nagnakaw ng asawa mo. Pagkakita niya sa ‘yo, minura ka niya. Sukdulang galit ang pumasok sa utak mo. Ikaw na nga ang ninakawan ng kabiyak, ikaw pa ang mumurahin ng walang-hiya. Kaya madali kang bumaba at hinataw ng tubo. Sariwang dugo ang umagos mula sa kanyang bungo. Hahatawin mo pa sana siya nang makaramdam ka ng hambalos sa likod, sabay bagsak. Narinig mong sumigaw si Leonard. Sumigaw siya ng mga artikulo ng Saligang Batas, o Family Code pero hindi mo nagawang tanungin kung ano iyon. Pangalawang hambalos sa likod. Sa tunog pa lang, alam mo nang bali ang likod mo. Sigurado kang magpapahilot ka ulit kay Manang Saning. Nadama mo ang sipa sa tagiliran. Namuo ang sakit, at dama mong hindi na hilot ang kailangan nito. Ibebenta mo na siguro ang dyip at magpapatherapy. Hinawakan mo ng mahigpit ang tubo, handa ka nang gumanti.

Hinintay mo ang susunod na palo o sipa, pero binalot ka ng anino. Nadinig mo ang tatlong sunod-sunod na tunog ng pagkabali ng buto’t pagkalamog ng kalamnan. Napansin mong may bumagsak na libro sa lupa, Calculus. Habang pumapatak ang pinaghalong dugo ninyo ni Leonard sa lupa naisip mong umuwi na lang sa bahay, pangaralan ang mga apo sa kahalagahan ng Calculus.

Nabitawan mo na ang tubong hawak. Umiiyak sa lupa si Leonard habang patuloy pa rin ang pag-usal niya ng mga artikulo sa Saligang Batas o Family Code na hindi mo na nagawang itanong. Kitang-kita mo ang duguang mukha ni Danny, nakangisi habang padami na ang mga tsuper na pumaligid sa ‘yo. Hawak na ni Danny ang tubong pinanghambalos mo sa kanya. Minsan mo nang nakita ang ngising ito nang nanalo siya ng cara-cruz sa kanto. Naisip mong sakla at tong-its na ang bagong gimik ng kawatan ng asawa matapos tangayin ng dalawa ang ipon.

Ipinikit mo na lang ang mata. Naririnig mong umiiyak si Tetet, ubos na ang gatas niya. Nasa labas si Yoyong, naglalaro sa lupa habang walang salawal. Si Julius na iyong anak, nasa upuan kung saan ka madalas magkape. Nakikita mo si Mitch na Bumbay, nakikipagtalo kay Sally, at si Didith nagmamanicure sa makunat na mga kuko ni Melba. Napakasimple ng buhay sabi ng utak mo. Gusto mo nang magretiro, ang pagpahingahin ang tuwalyang Good Morning, at itapon ang mga placard na ginagamit sa bawat pagpasada.

Si Enrique ay isang mistulang naglalaway na lobo kapag napag-uusapan ang tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa sisig, at bold stars. Sa kasalukuyan, abala siya sa pag-iisip ng mga kuwentong maaring maisapelikula at nangangarap na makilala sila Chuck Palahniuk at Don de Lillo habang nag-uubos ng oras bilang isang software engineer. Matutunghayan ang kanyang iba’t-ibang pakikipagsapalaran, mga kuwento at tula sa kanyang blog na http://santongbusabos.blogdrive.com

Join the Conversation

15 Comments

  1. very realistic and very spontaneous…the story is really moving….it makes the reader to follow the next line in the story….is really great….even its tragec and sad, but there’s no other better ending of the story… i’m touched

  2. sana mabasa ng mga kaklase ko ang kuwentong ito…… lam ko magagandahan sila nito.. i will invite them to read this story……

  3. wala ba kayong hal ng maikling kwento. yung may kwentong bayan, katutubong kulay, tauhan, at kababalaghan……………………………….ang P-A-N-G-I-T NITO NON SENSE…………………………

  4. mas nonsense ang mga taong tanga tapos nagkukunwaring maraming alam sa pagkukuwento.

  5. hahaha..mga tao tlga Pilipino naman sana pa-ingles2x pa buti sana kung tama ung grammar nila eh simple use of tenses lang naman mali pa..haaay…yaykz..trying hard..paki-paraphrase naman! or construct first your grammar before writing it down para di naman nakakahiya..xenxa lng ha..

  6. mganda ang storya..naglalarawan ng realidad ng buhay ng mga pilipinong nghihirap s buhay.

  7. ang pangit naman..sabi maikling kwento tapoz.. ang haba….bwahahahaha..niloloko mo ba kami..???utot mo…!!!!..bwahahahaha!!!

  8. Don’t Judge the Story Because you are not the one who typed it. Also it is not your life. But it’s true what others said they said “Maikling Kwento” and the story is too long…… Sana naman yung isang nag comment jan bright… WAHHHHHH FEELING! SANA HINDI MATAMAAN ANG HINDI DAPAT. ANG KASABIHAN ANG GABA DILI MAGSABA. May mga hambog din pala! Kung mabasa niyo to paki comment niyo kung ano address niyo at yung School kung saan kayo nag aaral. Ako ay nag aaral sa

    HOLY CHILD SCHOOL OF DAVAO…………..
    HELLO HAZEL
    Add niyo siya sa Friendster.com Name niya azel
    Ano ang gusto niyo yung lumalapit o yung naghihintay para mahalin

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.