Mahalaga ang tanong ni Kelvin Rodolfo sa aklat niyang “The Politics of Lahar”. Ang bulkang Pinatubo ba ay hinayaang tumubo (allowed to grow) o sadyang tumubo (made to grow)? Ilang beses na kasing inulat ng mga Ayta ang kakaibang napapansin nila sa bundok mula nang lumindol noong 1990 at sinimulan ang isang geothermal drilling sa Pinatubo pero hindi pa rin kinilala ang panganib na maaring nitong likhain.

Sumabog ang Pinatubo, bumulwak ang lahar at naging disyerto ang maraming bayan sa Gitnang Luzon. Magiging malaki pa rin kaya ang pinsala kung maagang pinansin ang mga indikasyon na sasabog na ang Pinatubo?

Ngayon ay nagigimbal tayo sa trahedyang sinapit ng mga kababayan natin sa Leyte.

Sabi ng mga environmentalist, maiiwasan sana ang maraming bilang ng mga nasawi kung may plano ang pamahalaan noon kung paano paghahandaan ang pagguho ng lupa sa St. Bernard dahil may gumuho ng lupa sa karatig na bayan nito.

Batid ng pamahalaan na isang posibilidad ang pagguho ng lupa sa St. Bernard lalo na’t ang pagdating ng La NiƱa sa bansa ay nangangahulugan ng malalakas na pagpatak ng ulan. Pero wala pa ring aksiyon o paghahanda. Tuloy ang ilegal na pangangahoy, tuloy ang pagmimina.

Bakit nga naman papansinin ang St. Bernard; ilan lang ba ang botante dito? Noon ay hindi rin pinansin ang silangang bahagi ng Pinatubo dahil ang matataong lugar lamang sa kanluran (sa panig ng Olongapo) ang binigyan ng prayoridad ng mga pulitiko.

Sanay na tayo sa mga kalamidad. Mahigit dalawampung bagyo taun-taon ang dumarating sa bansa at laging may panganib ng lindol o pagsabog ng bulkan. Pero bakit atrasado pa rin ang ating kasanayan at gamit upang paghandaan ang mga sakuna? Bakit daan-daan o libu-libo ang kailangang mamatay sa mga sakunang napakadali namang matukoy kung paano maiiwasan?

Kung tutuusin ay dapat tayong mga Pilipino ang may abanteng kaalaman, pananaliksik at instrumento ukol sa mga lindol, pagsabog ng bulkan at iba pang galaw sa kailaliman ng lupa.

Kaso imposible itong mangyari kung ang pamahalaan ay abala sa pagnanakaw ng pera ng bayan, pagbabayad ng utang sa banyaga at paghuhubog ng mga estudyanteng marunong magsalita ng “yes, ma’am” imbes na buhusan ng salapi ang pag-aaral at paglinang ng agham sa bansa.

Masyado tayong mayabang na nasa atin ang rekord ng pinakamaraming taong naghahalikan, pinakamalaking sisig, pinakamahabang linya ng nilutong bangus o talong at iba pang pakulo ng mga pulitiko samantalang hindi natin pinag-iisipan ang pagpapaunlad ng kasanayan kung paano magliligtas ng maraming buhay.

Oo na, lahi na tayo ng magagaling na boksingero at magagandang dilag pero pwede ba pagtuunan din natin ng pansin ang pagpapakahusay kung paano tayo aangkop sa mga baha, lindol, bagyo, pagguho ng lupa, atbp? Kahiya-hiya na sikat na arkipelago ang Pilipinas pero maraming barkong lumulubog dito. Kahiya-hiya na hinahayaan natin ang mga dayuhan na nakawin ang ating yamang mineral dahil wala tayong alam kung paano gagamitin ang ating likas na yaman sa pag-unlad.

Pwedeng sisihin si Gloria Arroyo kung bakit maraming namamatay sa sunud-sunod na trahedyang dumarating sa bansa. Sa kabila ng nangyari sa Aurora at Quezon noong 2004, tuloy pa rin ang pangangahoy. Sa kabila ng nangyari sa Marinduque at Rapu-Rapu, bukas pa rin ang bansa sa pagmimina.

At tulad ni George W. Bush na nalantad ang pagwaldas ng pera ng Amerika sa gera sa Iraq nang walang sapat na tulong na ibinigay sa mga nasalanta ng ipo-ipong Katrina, malalantad din ang mga hungkag na pulisiya ni Arroyo sa pananalapi, kalikasan at ekonomiya.

Si Mong Palatino ay pwedeng sulatan sa mongpalatino@gmail.com. Bisitahin ang kanyang blog sa www.mongpalatino.motime.com.

Activist, blogger, and political journalist. Visit him at mongpalatino.com or email him at mongpalatino[at]gmail[dot]com.

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.