Mahirap ipaliwanag ang pakiramdam. Kung minsan lalo akong nabobobo. Yun bang sa halip na madagdagan ang alam ko nababawasan pa. Nahahawa na rin yata ako sa pagka-old type at pagkatrapo nung ibang mga titser dito. Ayoko talaga ng ganito. Gusto ko na ngang layasan ang iskuwelahang ito kaya lang napipigilan lang akong gawin. Syempre iniisip ko rin mahirap nang humanap ng ibang mapapasukan. Kung yun ngang iba ilang taon nang tapos hindi mapasok-pasok kasi walang iskuwelahang tumanggap. Hindi dahil sa tanga o mahinang klase kundi dahil sa walang kilalang makapitan kaya kahit magaling at naka-rank na, nalulundagan lagi ang pangalan. Kasi hindi siya pamangkin ni ganito at ganireng malakas sa Division Office.

Kaya dapat sa mga colleges at universities idagdag sa curriculum ng Education ang subject na witchcraft para kung hindi makuha sa ordinaryong proseso ang pag-aaplay, daanin na lang sa kulam. Ha! Ha! Ha! Ngayon hindi na palakasan sa kakilala ang labanan kundi palakasan na sa taglay na kapangyarihang itim. Kung sino ang may pinakamatulis na karayom at may pinakamabisang chaka doll, tanggap!

Ako, narito na sa public school, permanent pa. Sayang naman yung mga pinagdaanan ko makakuha lang ng item. Nagtanga-tangahan, nagmukhang asong sumusunod sa mga screening test na ginagawa ng mga principal at supervisor. Mapansin lang, matandaan lang ang pangalan nagbibitbit ng kung anu-ano kaya gustung-gusto ko mang layasan ang sa palagay ko ay nakakasikil ng utak na trabahong ito, hindi rin naman ako ganun kagago para sayangin ang mga hirap na naranasan ko.

May asawa na ko pero wala pa namang anak kaya hindi ko pa masyadong nararamdaman ang liit ng kita ng isang titser. May mga pagkakataon pa ngang maluwag na maluwag sa pera. Pagka ganon, gala ako sa bayan, kakaing mag-isa sa Jollibbee o-order ng value meal na masarap-sarap nang kaunti. Maglalakad nang mayabang sa daan kasi may kahit papa’nong pera sa bulsa.

Pag napagod papasok sa Internet café at magbubukas ng mga website na may picture ng artista. Pagka bagong suweldo unlimited ako kung mag-Internet. Pero pagka walang-wala, nagkakasya na lang sa pa-30-30 minutes okey na yon. Makita ko lang ang picture ni Angel Locsin.

Kapagka sawa na ko sa mga artista pinupuntahan ko naman ang website ng pukinginang GSIS. Nagbabasa-basa ng mga implementing policy and regulations. Saka tinitingnan kung ano-ano na ang mga naging pagbabago sa magaling na paseguruhan ng mga empleyado ng gobyerno. Yes! We feel secured! Grabe, Sobra, I feel Shit, pag sinasabing insurance system pala ang GSIS. Para kasing marami sa member hindi aware.

Kung bakit ko yun ginagawa dalawang bagay: una talagang mayroon akong feeling na tungkulin kong buririin ang kaletsehan ng GSIS dahil bihira yata sa iskuwelahan namin ang marunong mag-Internet, pangalawa kapagka may tsikahan tungkol sa GSIS ako ang laging bida ang dami kong nasasabi na alam kong nuon lang nila narinig. Mayabang ang feeling pagka ganon. Ha! Ha! Ha! Thank you GSIS naikakadkad ko kayabangan ko.

Matapos kong libangin ang sarili sa Internet at pagpasok-pasok sa mga kung anu-anong tindahan (pero hindi naman ako bumibili puwera na lang kung maganda sales lady–napipilitan akong bumili kahit halagang singkuwenta) namimili naman ako ng grocery para sa bahay. Hindi naman ako ganon kasama iniisip ko ring may dapat paglaanan yung pera ko. Ha! titser yata ako! Nakakatawa talagang maging titser yung taong paminsan-minsan salbahe.

Hindi ko naman buwan-buwang nagagawa yung full time na lakwatsa. May mga pagkakataong nakokonsyensya kong gawin yon. Kasi naiisip ko titser na ko tapos nakikita ng estudyanteng pakalat-kalat pa sa kalsada. Tapos hinahatinggabi sa pag-Iinternet at ang madalas pang binubuksang website pang-artista.

Bakit nga ba ganon? General thinking na ng tao na pagka titser kailangan laging mukhang kagalang-galang, kailangan laging tama ang ginagawa. Panghawakan lagi ang sinasabing highest standard of morality.

Bawal magmura. Bawal umutot sa harap ng ibang tao; kung gagawin man kailangan disimulado–walang tunog.

Parang nung minsan sa department namin, kumakain pa naman kami ng spaghetti kasi may nag-blow-out. Tapos biglang-bigla, sabay-sabay kaming nagtakipan ng ilong. Tahimik bigla, walang kumikibo. Ibig-ibig ko ng sumigaw ng: “Mga buwisit kayo ang baho!” Kaya lang naisip ko baka sila maiskandalo, hindi nga pala sila sanay sa mga taong brutal kung magsalita.

Hanggang sa mawala, walang kumibong may umalingasaw na masamang hangin na galing sa puwit na masama kung tumayming. Nagtayuan lang. Pero alam ko nagpapakiramdaman kaming pare-pareho kung sino sa amin ang nag-almusal ng itlog kaninang umaga sa kantina ni Aling Greta.

Sa ‘kin wala naman sigurong masama na hawakan ang highest standard of morality. Yun e kung kaya mo araw-araw na magpaka-Maria Clara.

At higit pa roon kung Maria Clara ka rin ba sa bahay n’yo? Baka mamaya mo ikaw pa ang nangungunang nagyayaya ng tong-it sa mga kapitbahay. E baka naman gusto mong kilabutan kung sasabihin mo pa ring titser ka at kailangan kang galangin dahil may highest standard of morality ka.

Simple lang ang punto may mga pagkakataong pakiramdam ko kailangan kong maging matapat sa mga estudyante para mapaihatid sa kanila ang tunay na halaga ng edukasyon.

Naniniwala kasi akong hindi lang sa paraan ng pagsasabi ng maganda o tamang halimbawa matuturuan ang bata. Puwede rin namang the other way around. Pasaway o pajologs na version–sabihin mo ang mga pagkakamali mo sa buhay. Sabihin mong paminsan-minsan okey lang maging gago.

Akalain mo minsan naamin ko sa harap ng estudyante na kapagka may namamalimos sa ‘kin sa halip na bigyan ko pinandidirihan ko pa. Inamin ko rin sa kanilang pinakahilig kong trabaho nuong araw ang mangopya ng sagot ng katabi kesa mag-review. Ewan ko, hindi ko rin tantyado kung papa’no o ano naging dating sa kanila ng pagka-honest ko. Pero mula ng gawin ko yun sa kanila parang mas naging magaan para sa kanila ang makipagkomunikasyon sa akin sa labas o sa loob man ng klase yung dating “Good morning, Sir” ay napalitan ng “Hi, Sir” with matching kaway na mala-Sandara Park at ngiting abot hanggang tenga. Ako man nagustuhan ko yung ganung set-up hindi ba yung parang pare-pareho kaming nakatapak sa numero.

Masaya na sana buhay ko sa iskuwelahang ito, kung hindi lang sa ilang mga taong mahilig makialam sa style ng may style. Siguro wala silang style kaya gustong maparis ang iba. Kung makapag-criticize sila ng kapwa, akala mo anong bait. Pagka naman nakakita ng kaunting butas para maberdehan ang utak akala mo kinikiliti ng pitong demonyo. Nakakita lang ng kumakagat ng saging sasabihin pang huwag daw masyadong mangipin baka masaktan. Kita mo lang na kabastusan yon–pasimple pero matindi ang tama.

Madalas pinipilit kong i-inject sa bata yung principle ng pagpapakatotoo. Alam ko kasi kailangang ganon ang set-up para mas maging malalim at praktikal silang dumama sa mga nangyayari sa paligid nila.

Marami sa mga kasamahan ko pagdating ng department pagkatapos na magklase, ang dayalog nila sa ‘kin: “Presyunin mo nga ako yung mga buwisit na bata na yun napagalit na naman ako”. Di kaya naman nakatinghas na lahat ang buhok sa sobrang pagkainis sa mga bata. Hindi raw nakikinig, mukhang abnormal daw kung magsalita.

Kung minsan siguro totoo yung mga sumbong nila na mga buwisit talaga yung estudyante dahil ayaw sumunod sa sinasabi nila. Pero kung minsan din naman siguro kaya ayaw sumunod ng bata dahil hindi sukat sa ugali at henerasyon niya ang gawaing inihanda ng titser para sa kanya. Kaya nagpapakaabnormal na lang kasi pakiramdam nya nagmumukha syang tanga kung gagawin nya ang sinasabi ng titser niya.

Hindi ko naman ibig sabihing titser na nga ang dapat sisihin sa mga kabaliwang ito na nangyayari sa mga paaralan.

Ang titser ay parang sundalo. Siya ang laging nasa battle field. Yung mga general kung talo na ang isang kampo, sila ang huling mga napapatay dahil nandun sila sa secured area. Ganun din sa titser sya na nga ang laging nakasalang sa atake ng chalk, goiter at alipunga (lalo na kung bumabaha sa paaralan) tapos yung mga general natin hindi pa tayo mabigyan ng sapat na sandata sa pakikipaglaban. Sino mang sundalong walang baril at kulang sa bala kahit buo pa bayag niya sa digmaan bibistayin lang din ng bala ang katawan niyang walang silbi.

Ang titser kahit ubod at saksakan pa ng galing at sipag pero wala namang malamon ang pamilya wa epek pa rin. Dahil sa halip na magturo ng 100% hindi na lang niya gagawin, siguradong iisipin na lang niyang sumaydlayn sa pagtitinda ng Avon o espasol. Madadagdagan pa nga naman ang ga-tinga niyang suweldo.

Saka na rin niya aatupagin ang mga mukhang abnormal niyang estudyante kasi pag hindi siya kumilos baka mga anak naman niya ang maging abnormal sa gutom. Tutal grumadweyt mang matalino o bobo yung estudyante nya pareho pa rin ang suweldong tatanggapin niya.

Papasok na naman ako, babatiin na naman ng mga estudyanteng pa-cute. Ito lang ang konsuwelo mo talaga sa pagtuturo. Hindi lang bumabango pangalan mo nadadagdagan pa ng limang araw na paligo ang kagwapuhan ko kapag estudyante ang tumitingin. Ha! Ha! Ha! Gusto ko lang daanin sa pagtawa ang lahat ng problema kasi baka makamukha ako ni Miss Tapya pag laging nakasimangot. Kawawa naman ako limot na nga sa budget, papangit pa.

Si Edilberto, 26, ay guro sa Filipino sa isang public high school sa Bulacan. Nakapaglathala na siya ng mga maiikling kuwento sa Liwayway Magazine: Pangalawang Magulang, Biyenan, Ang Matandang Bahay, Dura sa Kalsada, Sa Gabi ng Pagtatapos ni Shamae, at Ang Huling Pasko ni Inang Maria.

Edilberto Larin, Jr.

Si Edel Larin ay isang manunulat at archaeologist na nagtuturo sa Bulacan State University. Kasalukuyang nagsasagawa ng pananaliksik sa kabundukan ng Sierra Madre sa Bulacan

Join the Conversation

54 Comments

  1. sir ito ang istorya na babalikbalikan ko…
    ewan ko ba may sarili naman akong panulat bakit ako naaakit ng panulat mo..ganto lang yan sir grabe iba kna ibang iba napakahalaga ng panulat mo sing halaga ng bawat buhay ng tao miz u na sir..

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.