“Manong, bayad po, dalawa sa Quiapo.”

Hindi ko maintindihan kung bakit marami sa mga kaibigan ko ang ilap na pumuntang Quiapo. Minsan kasi pag niyayaya ko sila sa lugar na iyon, medyo umaangat ang isa nilang kilay na para bang nagsasabing ‘Bakit mo kami niyayaya roon? Mayroon namang mall ah’ o di kaya’y ‘Ano naming gagawin natin doon? Wala tayong makikita sa Quiapo kung hindi mga damit at anting-anting.’ kung hindi’y ‘Ayaw! Baka mawala pa ang isa sa mga cellphones ko.’ Parati na lamang may dahilan.

Ako? Hindi ako takot sa Quiapo. Sa katunayan, alam na alam ko ang pasikut-sikot ng lugar na iyon at kabisado ko na rin ang galaw ng mga tao, kung mapagkakatiwalaan ba sila o hindi. Bakit? Dahil sa nanay ko.

Marahil para sa inyo, ang Quiapo ay Quiapo lamang. May simbahan, may mosque. Maraming bilihin, maraming manghuhula. Puro nagtitinda, puro namimili. Maingay. Magulo. Pero para sa akin, higit pa diyan ang Quiapo. Kabilang na sa childhood memory ko ang lugar na ito. Hindi kasi masyadong mahilig si Mommy sa mall kaya noong maliliit pa kaming tatlong magkakapatid, mas madalas niya kaming dalhin sa Quiapo. Hindi ko alam ang dahilan. Hindi rin naman ako makatanggi sapagkat siya ang may pera. Siya ang boss, ‘ika nga.

Sa kaunting pag-iisip-isip, natanto ko na ang madalas naming pagpasyal sa Quiapo ay isa sa maaaring dahil kung bakit ako si AKO ngayon. Replika pala ng ating buhay ang mga araw-araw na pangyayari sa Quiapo, ‘yun nga lamang, mas kumplikado ang una. At sa madalas na pagdalaw namin ng aking ina sa Quiapo, may mga aral na pala akong napupulot nang hindi ko namamalayan. Tinuturuan na pala ako ng aking inay tungkol sa buhay-buhay habang nakikipagtawaran sa isang magandang blusa.

Um, ale, pwede po bang magtanong?

Ilap ako sa tao noong bata pa ako. Hindi ako kumportableng makipag-usap sa mga taong hindi ko kakilala. Kaya naman manghang-mangha ako sa kakayanan ng nanay ko na makipag-usap sa ibang tao. Halimbawa na lamang sa Quiapo. Ang isang daan at limampung pisong bagay ay natatawaran niya ng hanggang isang daan na lamang. Hindi ko alam ang taglay niyang mahika sa pakikipagtawaran sa tindera, basta ang alam ko noon, gusto kong maging kagaya niya: walang kahirap-hirap makipag-usap sa tao.

Naisip ko lang, sa buhay pala, lakas ng loob ang kailangan dahil hindi habambuhay, may magsasalita para sa akin. Minsan, mas masarap ang pakiramdam kapag nagagawa kong mag-isa ang mga bagay-bagay nang walang tulong ng ibang tao. At mas masarap ang pakiramdam kapag nakakatawad ka sa mga barat na tindera.

Parating sinasabi ni Mommy na huwag daw akong mahihiyang magtanong sa ibang tao. At talaga naming pinanghawakan ko ang payong iyon. Sa tuwi-tuwinang natatakot akong magtanong, iniisip ko ang Quiapo.

Sige po, babalikan ko nalang, titingin muna ako sa iba

Kung binabalak mong dumalaw sa Quiapo para mamili, tatlong bagay lang ang pinakakailangan mong dalahin: pera, pasensya at disiplina.

Sa Quiapo, tabi-tabi ang mga tindahan. Kung titingnan mo, halos pare-parehas lang din ang mga tinda nila, sa presyo lang nagkakatalo. Dito papasok ang pasensya at disiplina na kailangan mo talaga. Para malamang-lamangan mo ang mga tindera, kailangan kang maghanap ng tindahang magbibigay sayo ng parehas na produkto sa posibleng pinaka-mababang halaga (nagiging tunog negosyante na ako!). Sabi kasi ng Mommy ko, sa ganitong paraan, malaki ang matitipid mo. Ang sampung piso kasi sa Quiapo ay malaking halaga din.

Kapag namimili si Mommy noon sa Quiapo, minsan, inaabot kami ng siyam-siyam bago siya maligayahan sa bibilhin niya. Kasi ba naman, lilibutin talaga namin ang lugar para sa ‘Search for the Bargain’ na trip ng nanay ko. Ilang beses ko nang nasabing ‘Mommy, uwi na tayo… puwede na yan … pagod na ‘ko’ Pero parati rin siyang sumasagot ng ‘Marami pa diyan … sandali na lang … naku, sa susunod, wag ka nang sumama kung madali kang mapagod’ Pero parati naman akong isinasama ulit ng aking ina. At parati pa rin akong nagrereklamo.

Sa ilang taon din nang pamimili sa Quiapo kasama ang aking inay, natutunan ko na ang disiplina at pasensya ang maaaring magdala sa akin sa ano man ang nais kong marating o makuha. Hindi ko man ito makamit nang madalian, pero alam ko naman na may kasiguraduhan. Pag nawawalan ako ng disiplina at pasensya, naaalala ko ang Quiapo.

Dito ka na lang bumili sa Quiapo. Mahal sa mall.

May gimik ka sa Sabado kasi kaarawan ng kabarkada mo. Nais mong bumili ng bagong damit kasi limampung beses na nila nakikita ang dilaw mong t-shirt. Mayroon kang isang daang piso. Saan ka pupunta? Mismo. Sa Quiapo.

Nakakatuwa sa Quiapo ang mura nitong bilihin. Mas mababa ang presyo kung ikukumpara mo sa mall. Kung ikaw naman ang tao na mahilig sa may pangalan na damit, o hindi nabubuhay nang walang Bench, Penshoppe o Human, hindi ka nga para sa Quiapo. Pero kung iisiping mabuti, hindi ba’t pareparehas lamang iyang damit?

Ano ang natutunan ko rito? Hindi ang pagiging kuripot. Hindi rin ang pagtitipid. Kung hindi ang pagiging simple at praktikal. Simula pa noong bata kami, sa Quiapo binibili ang mga gamit namin. Sa pagkakataon palang iyon, natututunan ko ang kahalagahan ng pagiging praktikal. Kailangan pala na utakan mo ang mundo paminsan-minsan para hindi kabaliktaran ang mangyari. Sa tuwi-tuwinang naiisip ko ang buhay-buhay, naaalala ko ang Quiapo.

Natural, magulo at maraming tao rito. Quiapo ‘to eh!

Marahil ang pinaka dahilan kung bakit ayaw sumama sa akin ng mga kaibigang niyayaya ko sa Quiapo ay dahil sa talaga naming magulo ang lugar. Magulo sa paraang sobrang daming tao at sala-salabid ang mga kalye. Minsan naiisip ko na paano kaya nakakatagal ang isang ina at tatlong maliliit na bata sa paglilibot sa Quiapo nang isang buong araw. Hindi ko maalala ang eksaktong paraan, pero ang alam ko, ang tatag ng nanay ko.

Sa Quiapo, hindi mo alam ang takbo ng paligid. Puwedeng ang katabi mo pala ay mandurukot, o di kaya’y mamamatay tao. Maaaring sabihin na ang bawat minuto mo pala rito ay ang mga huli ng buhay mo. Maraming hindi inaasahan ang nangyayari. Hindi mo masasabi sa unang tingin kung sino ang kaibigan at kung sino ang nanlilinlang. Hindi ka pwedeng magreklamo kasi tataasan ka lang ng kilay. Ang salitang ‘unfair’ ay hindi uso rito. At hindi mo alam kung makakauwi ka pa sa bahay sa kondisyong gusto mo.

Ang madalas na pagdadala niya sa akin sa Quiapo ay naging tulay para makilala ko ang mundo, sa mas maliit na aplikasyon, sa mas murang pag-iisip. Dahil dito, mas maagang namulat ang noo’y sariwa kong kamalayan sa tunay na ikot ng buhay. Kaagad kong nakilala si Manloloko, si Mandaraya, si Magulo at si Mahirap, at dahil dito, naiiwasan ko sila kaagad o di kaya’y natatagalan. Dahil sa madalas na pagpunta namin sa Quiapo, humigpit ang hawak ko sa Diyos, at naging matatag ako na indibidwal. Kung napansin ito lahat ng nanay ko, hindi ko alam.

Tuwing naasar na ako sa buhay at pakiramdam ko’y hindi patas ang mundo, naaalala ko ang Quiapo.

Manong, bayad po, sa Quiapo. Isa lang po ‘yan. Estudyante.

Hindi na kami madalas pumunta sa Quiapo ngayon nang magkakasama. Minsan na lamang kasi pumupunta si Mommy sa Quiapo dahil may pinagkakaabalahan na siyang tindahan.ngayon. Marami na talaga ang nagbago. Hindi na ako ang anak na akay-akay ng ina at sabik na sabik mamasyal. Nakakapanghinayang na tapos na ang mga inosenteng parte ng buhay ko. Pero kapag pinag-isipan palang mabuti, hindi ako dapat malungkot. Katulad ng halos lahat ng pelikula, palaging may natututunang aral ang bida. Hindi nga lamang ito diretsahang sinasabi sa kanya. Kailangan munang gumawa siya ng sanaysay para mamulat ang kaisipan niya sa kwentong nasa likod ng Quiapo na ikinuwento sa kanya ng kanyang ina.

Ako? Madalas pa rin naman akong dumalaw sa Quiapo. Pero, isa na lamang ang ibinabayad ko sa jeep.

Sa tuwi-tuwinang nakakaramdam ako ng kahit anong klaseng kahinaan, naaalala ko ang aking ina at ang aming pakikipagsapalaran.

Naiisip ko ang Quiapo.

Ang sanaysay na ito ay nagwagi ng ikalawang gantimpala sa kabataan sanaysay category ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 2005.

Join the Conversation

3 Comments

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.