Ang Pinakamahabang Pasko

Naalala ko ang maagang pangangaroling ng mga bata. Oktubre, paisa-isa, ngunit paglampas ng Undas, hayan! Walang linggong lilipas na salat sa mga nambubulabog. Minsan pinagbibigyan, kadalasan itinataboy sa direksyon ng Disyembre.

Magara ang Maynila noon. Pagkababa sa mga disenyong Halloween, pagkatapos ng takutan sa telebisyon, at pagkatapos maipon maikubli o maihagis ang mga binolang kandila, namumukadkad na ang mga ilaw at belen sa kalsada.

May nagsabi na ang nostalgia ay walang iba kundi ang pag-alala sa nakalipas na hindi naman talaga nangyari. Masyado kasing naromantisa ang nakalipas. Kasinungalingan ng ginintuang nakaraan, kumbaga.Dahil sa distansya nito, mukhang maganda na. Ngunit noon, hindi rin naman talaga matiwasay at katunayan, noon, may iniisip ring mga Paskong nagdaan na mas matingkad, mas maalwan, o mas masaya ang buhay.

Isang Pasko ang hindi ko makalilimutan. Ito ang pinakamahabang Pasko ng Maynila. Naalala ba ninyo ang Paskong iyon? Nagsimula noong Oktubre at nagtapos lagpas Pebrero na? 1995. Nagkataon kasing World Youth Day iyon at hindi na ibinaba ang mga disenyo. Aba, halos patapos na ang Pebrero, hindi pa rin umaalis ang Tatlong Hari! At hindi pa nangangalay ang anghel sa pagtutrumpeta sa Ayala.

Matinding krisis sa enerhiya at pera ang sumunod, para tuloy hagupit ng parusa. Pinakamatindi sa rehiyon ang 1997 na bagsak ng piso at iba pang mga “karatig-salapi” natin sa Timog-Silangang Asya.

Ngayon, 55 na ang piso. Dekada na halos ang lumipas nang huli nating natikman ang trenta. Bago na ang Santo Padre at hindi pa gunaw ang daigdig, sa awa ng May-awa. Kada Pasko, heto ang tono: tigil-putukan, bombahan sa mga estasyon at mall, o pananakot ng pambobomba. Mas matagal na ang coup, dating-dati pa, panahon pa ni Cory. Ngunit ngayon, binubuhay ang multo nito sa panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo sa pangunguna ni Miriam Santiago. Siguradong humahakot ng lakas ang “multo” mula sa mga taong nais itong mangyari o (nais man at hindi) naniniwala sa posibilidad nito. Karagdagan pang media push at magiging kapani-paniwala ito sa antas ng paniniwala nating may papasabugin na namang bomba sa Pasko. Hindi na natin alam kung ano, alam lang natin mayroon. May balitang dapat pagsaluhan sa Noche Buena at Media Noche.

Katulad noong huling Pasko ni Erap, may kahindik-hindik (at matulis!) na tandang pananong ang nakaupo sa Palasyo.

Ngayon, lalagpas na ang sampung taon, masalamangkang numero dahil sa ating mga hindi pa napuputukang daliri, ngunit may kahulugan man o wala sa bilang, ano na ang hitsura ng Paskong parating kumpara sa mga lumipas na Pasko? Magtanong. Sa ganitong espekulatibong ehersisyo, hindi lamang mga estadistikal na pamantayan ang sinusubaybayan natin kundi pati ang kultural na batayan, mga pakiramdam at pahiwatig, mga panaginip at salagimsim na sumisingaw buhat sa pinakamalalalim nating kinakatakutan at hinahangad para sa isang Disyembre at Bagong Taon.

Mabigat na sikolohikal at sosyolohikal na panahon ang kaPaskuhan, panahon ng mga pagtatapos, pagsisimula, buwan ng mga pananalig na kakambal ng bonus at pahinga.

Nagkaroon ng biro dati. Pati raw ang pagdiriwang ng Pasko, itutulak ni GMA, kasukat ng nakakaugalian niyang pagbabalasa ng mga petsa upang maiswak sa mga araw ng pahinga. Katanggap-tanggap na nga siguro sa atin ang maikling Pasko. Iniiwan na lang natin sa interpretasyon at imahinasyon kung tanda ito ng pagiging hinog ng ating kamalayan o pagiging pagod ng ating diwa.

Posisyon ko na makatutulong ang pagbalik-tanaw upang masarbey ang mga puwersa sa isang depinido at madaling maalalang panahon. Sa ganitong paraan, may pag-aaral tayo ng kamalayan natin sa loob ng isang panahon. Varyabol mismo ang panahon sang-ayon sa ating kamalayan. Minsan mas mahaba, minsan mas maigsi. Kapwa sa personal at sa pambansang antas, iba-iba rin ang halaga ng kada Pasko at dagdag-lalim sa identidad natin ang pagsuri ng lumilipas na panahon.

Kung hindi pa tayo sawa (at sana nga hindi pa,
Christmas Wish ko lang), itapon na rin sa hinarap ang pagbasa at pagdedesisyon. Kapag naunahan na tayo ng pagka-umay sa patuloy na kalakaran ng Paskong intriga ang pambansang pagkain, karahasan ang matingkad na ilaw, at materyalismo ang diwa, baka hindi na natin ito magawan ng paraan. Kung wala na ang tulak na gumawa ng paraan, wala na ang “pag-asa” na kaluluwa pa man din ng ganitong mga panahon.

Kalansing ng barya ang himig. Pulbura ang amoy at apoy. Magara ang lahat, kumukutikutitap. Pinabubulaanan ang hungkag na asenso ng sarili at ng bayan. Maging ang pinakamahabang Pasko, asahan at sikaping magtapos sa pagbabago ng taon.

Mamasko sa kolumnistang ito sa mga tekstong bopis. Malugod siyang bumabati mula sa Makati, Rizal, o Los Banos, kung saan man abutan ng Noche Buena.

One Comment

  1. noon isang araw may napansin akong isang babaeng naka tayo sa kapit bahay namin pagkalipas ng gabi lagi akong may nadidinig na hoy! gusto ko sayong makipag laro ang sabi ko ayaw ko dahil isa kang multo sabi nman niya ahooooo! ahooooo! tapos bigla akong nagtatakbo sa amin noon nov.1,2006 maynaririnig nanaman ako sa maynila huwag kayong pupunta sa hauted house o sa mga cementery dahil pag nag palipas kayo ng gabi laging may susunod sa iyo at may tumutulo tulong dugo kaya sabi ng lolo ko huwag kaming magpapalipas ng gabi sa bagiuo diba sa bahay doon nasa likod lng ang seminteryo huwag kayo doong pupunta ahooooo!!!ahooo!!

    pagkalipas ng isang taon

    Lagi akong may nadidinig
    noong nasa bagiuo kami yung tsinelas ko katabi kolang tinignan ko doon biglang lumitaw?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.