Lagi na lamang akong nanonood ng mga pagdinig ng jueteng at wiretapping sa Kongreso at sa Senado. Para bang isang malaking telenovela ito na lagi ko na lamang inaabangan. Maraming mga pagbabago, maraming nadaragdag, mga taong nasasangkot at kung anu-ano pa. Tila isang malaking reality show na walang nananalo, puros talo–lalo na ang mga mamamayang Pilipino.

Andiyan na ang mga paglabas ng kung sinu-sinong mga testigo na hindi naman natin talaga malalaman kung may kredibilidad. Meron na ngang mga bumaligtad na mga testigo na panay ikot ng tumbong. Kumbaga kung magbigay ng testimonya na animo’y fishball na kinain, ngunit nung malaman niya na mas masarap pala ang squidball ay bigla na lamang iniluwa ang laman ng kanyang bibig.

Mayroon pa ngang mga mambabatas na puro sablay ang mga tanong at tila wala namang kinalaman sa konteksto ng usapan. Nariyan nang tinanong pati ang kinain sa hotel, kung merienda raw ba ito, kahit na sinabi na nga ng testigo na
hapunan ang kanilang kinain. Mayroon pa ngang pansit na violet na para sa akin ay napaka-absurd. Pati ba naman ‘yon ay kinakailangan pang isama?

Sabi ng aking kapatid noong tinanong ko siya kung anong gusto niyang maging paglaki niya, ang sagot nya sa akin ay gusto niyang maging presidente ng Pilipinas. Tinanong ko naman kung bakit, at ang sagot niya ay, “Gusto ko rin ng maraming kotse at umalis ng bansa buwan-buwan.Gusto ko maging sing yaman ni Gloria.”

Tuloy, ako ay napaisip ng husto. Sabagay, kung wala naman talagang malaking pera ang isang tao, malayo ang kanyang tsansang manalo sa isang eleksyon, Hindi ka makikilala ng mga taong boboto sa iyo kung hindi mo popondohan ang iyong kampanya. Paano maisusulat ang iyong pangalan sa balota kung walang nakakakilala? Malaking pera nga talaga ang ibinubuhos ng mga politiko sa kanilang kampanya. Pero siguro, sa isip nila, “Hindi bale na, pag nanalo ako, mababawi ko ang lahat ng aking ginastos noong nakaraang kampanya.” Kung tutuusin, tubong lugaw talaga. Sa dami ng ibinayad sa kaban ng bayan na puwedeng kulimbatin, sobra ang “return on investment” nila.

Baluktot na nga ba talaga ang pananaw ng mga kabataan ngayon at hindi na ang pagtulong sa bayan ang kanilang iniisip kundi ang magpayaman na lamang sa pamamagitan ng pagiging isang pulitiko?

Nakakatawa. Pero mas nakakaiyak.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.