Sa simula pa’y nakaukit na sa mukha ng daigdig ang isang natatanging hiyas sa dakong Silangan.

Pilipinas. Bayan ng aking lahi.

Isang perlas na sa simula pa’y nagniningning na sa kanyang kariktan. Hindi kataka-takang masilaw sa kanyang busilak na liwanag ang mga dayuhan mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Mapalad ang bawat Pilipino sapagkat ang kanyang bayan ay lubos na pinagpala. Isinabog sa Pasipiko ang mahigit pitong libong malalaki at maliliit na isla. Sumisikat ang maaliwalas na araw sa kanyang tatlong bituin. Binabalot ng matatarik na kabundukan na nababalutan naman ng matatayog na puno. Nabibighani sa luntiang kabukiran na tinutubuan ng mga gintong butil. Naririnig ang rumaragasang lagaslas ng agos ng mga talon, ilog, at dagat na umaapaw sa sari-saring mga isda. Sagana sa likas na yaman. Sagana sa kabuhayan.

Sa simula’t simula pa’y umusbong na ang kabihasnan sa lupaing ito. Nakatatak na ang sariling kultura, sariling puso, sariling talino, at sariling kaluluwa. Nakikipagkalakalan na ito sa mga Intsik, Malayo, Hindu, at Arabe. Hanggang sa natanaw ng mga mananakop na Kastila ang anino ng bundok ng Samar na naging simula ng kanilang huwad na pag-angkin.

Ang tagapaghatid sana ng tamang landas ay niligaw ng sariling kapangyarihan at kasakiman. Sa loob ng mahigit tatlong daang taong paghihinagpis, sa huli’y nakalag din ang tanikalang bumigkis sa ating bayan sa pagkaalipin. Nakamit ang kalayaan dulot ng pagmamahal ng mga nagkakaisang anak ng bayan kapwa sa pamamagitan ng pluma at tabak. Sumiklab na ang maraming digmaan subalit nananatiling naninindigan ang matatapang na anak ng bayan sa bagong panahon.

Ang Republika ng Pilipinas ay sinubok ng panahon sa kanyang kasaysayan, subalit sa simula’t simula pa’y laging bumabangon at lumalaban para sa magandang kinabukasan. Isang demokratikong bansa na patuloy sa pakikibaka. Isang bayang may matibay na pananampalataya sa Diyos. Isang lahing taglay ang lupang hinirang upang magbinhi ng Perlas sa Silangan.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.