Pagkatapos ilapag ang maliit na kaha de yero sa mesa, biglang napagtanto ni Jess: si Tonton ang salitang naging laman. Mga kuwento tungkol sa kanya ang binabasa sa klase. Ang buhay ng mga katulad niya, ang mga paghihirap, pagkaapi at pagtatagumpay nila ang dapat pag-ukulan ng tinta at papel para mabasa ng lahat. Dahil, ano nga ba ang sinabi ng guro niyang sinabi raw ng isang dakilang Tsino? Para kanino pa ba ang pagsusulat, kundi para sa mga tulad ni Tonton.

Ilang buwan na ring nagtatrabaho sa JMJ Kitchenette si Tonton, pero ngayon lang ito napansin ni Jess. Ngayon lang niya napagtuunan ng pansin ang disisais anyos na dishwasher: ang makutim na balat, ang makaliskis na siko, ang mga makalyong kamay na may mga punggok na daliri, ang maiikli ngunit mukhang malakas na mga biyas at ang malalapad na paa na nagbubuga ang mga kuko.

At ngayong magkalapit ang mga mukha nila, saka lang napansin ni Jess ang mga nanlalalim na mata, ang malapad bagamat hindi pangong ilong, at ang maputla at nagbabalat na labi ng dishwasher. Maagap na nasapo ni Jess ang dumulas na pinggan sa mga kamay ni Tonton.

“Ano ba, sinabi nang huwag papatay-patay!” bulalas ni Mang Jose. Nagbabalot siya ng lumpia sa mesang katapat ng lababo. “Pasalamat ka nasalo ni Jess yang pinggan na yan, kung hindi aawasin yan sa suweldo mo.”

“Pasensiya na ho,” sagot ng nakatungong si Tonton. Dumampot siya ng panibagong pinggan at itinapat ito sa bukas na gripo.

“Pa, hindi naman niya sinadya yon,” sabi ni Jess.

“Oo na, oo na,” sabad ni Aling Mary. Katabi siya ng kusinerang kasalukuyang nagpiprito ng longganisa. “Pasensiya ka na at nakalimutan kong dalhin yang kaha.”

“Ayos lang yon, Ma.”

Bago siya umalis, nahuli ni Jess ang ipinukol na tingin ng pagpapasalamat ng dishwasher. Palihim siyang gumanti ng ngiti.

Ilang metro lang ang layo ng bahay nila Jess sa kitchenette. Pitong taon pa lang siya nang itayo ito ng Mama at Papa niya. Ngayo’y nasa kolehiyo na siya, pero nandiyan pa rin ang kitchenette.

Parating sinasabi sa kanya ng ama na marapat lang na siya ang maging tagapagmana nito dahil siya ang nag-iisang anak. At laging sinasabi ng kanyang ina, nasa personal na pakikialam ng may-ari ang sikreto ng tagumpay ng kitchenette. Hindi raw dapat ipinauubaya kung kani-kanino ang pagbabalot ng lumpia, ang pagsasangag, ang paglalagay ng utak ng baka sa lugaw o kahit pa ang paglalagay ng vetsin sa menudo. Hindi man siya ang mismong magluto ng pagkain at magsilbi sa mga kostumer, dapat ay alam ng may-ari ang lahat ng ginagawa sa kanyang kainan. Dapat, kilala niya at alam ang kilos ng bawat isang tauhan dahil ang konting paglingat ay pagpapabaya.

Kaya naman umakyat ang dugo sa ulo ng mga magulang ni Jess nang malamang wala siyang balak pamahalaan ang JMJ Kitchenette.

Isang hapon iyon ng Mayo, kadarating lang niya ng bahay pagkatapos mag-enrol. Mula sa pagdating ng sulat galing sa unibersidad hanggang sa mismong araw bago ang enrolment, inilihim niya sa mga magulang ang kursong ipinasa niya. Hindi naman siya inuurirat masyado ng mga ito dahil buo ang tiwala nilang HRM ang kinuha niya. O kung anumang kursong may kinalaman sa pagpapaunlad ng negosyo ng pamilya.

“Paano na lang ang negosyo natin?” tanong ni Aling Mary habang tutop ang dibdib. Tila hihimatayin ito sa pagkadismaya.

“Ma, wala naman akong alam diyan, e.”

“Talagang wala kang alam! Ano ba ang mapapala mo diyan sa kurso mo? Ano, magsusulat ka ng tula, ng kuwento? Makakain mo ba yang mga tula at kuwento mo?” nanggagalaiting tanong ni Mang Jose.

Tinalikuran ni Jess ang ama at dumiretso sa sariling kuwarto.

Ilang linggo rin siyang hindi nakipagkibuan sa mga magulang pagkatapos ng pagtatalong iyon. Pero kahit matagal na silang nagkabati at pinabayaan na lang siya sa gustong kurso, wala pa ring tigil ang indoktrinasyon sa pagiging isang mahusay na may-ari ng isang kainan. Hindi pa rin pinapalampas ng mga magulang niya ang anumang pagkakataon para ipaalala ang nagawa ng negosyo sa kasalukuyang estado ng buhay nila. Ito ang bumubuhay sa kanila, ang tumutustos sa mga luho at pangangailangan nila. Ito rin ang nagpapaaral kay Jess.

Ang artipisyal na malamig na hangin ang sumalubong kay Jess pagbukas niya ng pinto. Dinampot niya ang remote control sa ibabaw ng kamang may kumot na tila pelus at matatambok na unang nadadamitan ng mga pundang burdado ng pangalan niya. Binuksan niya ang 21″ na TV.

Habang nakahiga at nanonood kung paanong sumila ng usa ang isang leon, naisip niyang isang biyaya ang pagkalimot ng Mama niya sa kaha de yero. At kung tutuusin, biyaya rin pala ang pagkakaroon ng negosyong tulad ng kitchenette. May pagkakataon siyang makakilala ng mga tulad ni Tonton. May pagkakataon siyang makatulong.

Kinabukasan, bumalik si Jess sa kitchenette. Pinagtinginan siya ng mga kostumer dahil panay ang bati ng mga serbidora sa kanya. Panay rin ang alok ng pagkain at inumin. Ngiti lang ang sagot niya sa mga pagbati at pag-alok. Dire-diretso siya sa kusina.

Malaki ang kusina ng JMJ Kitchenette. May tatlong lababong magkakatabi sa pader na nakaharap sa pinto. Sa pagitan ng mga lababo at pinto, nakapahalang ang mahabang bahagi ng kahoy na mesang korteng L na balot ng aluminyo ang ibabaw. Sa mesang ito ipinapatong ang mga pagkaing ino-order. Ang mga pagkain ay niluluto sa dalawang kalang de-Shellane at isang kalang de-bomba na nakapatong sa bahagi ng lamesang lumiliko papunta sa lababo. Ang ref at freezer ay nasa dulong kanan ng kusina. Ang likuran naman ng pinto ay may sabitan ng mga apron.

Gawa sa puting tiles ang sahig at pader ng buong kusina, kaya nagmumukha itong malaking banyo. Sa espasyo sa pagitan ng mesang korteng L at ng tatlong lababo palisaw-lisaw sina Aling Mary at Mang Jose. Dito sila nagmamando sa dalawang kusinera, sa mga labas-masok na serbidora at kay Tonton. Madalas ring tumulong sa pagluluto at paghahanda ng mga rekado ang mag-asawa.

Nabungaran ni Jess na nagluluto ng dinuguan si Aling Mary. Si Mang Jose naman ay inaayos ang pila ng mga pagkaing nasa ibabaw ng mesa: pansit luglog, dalawang tapsilog at isang chicken mami. Napatingin sa mga lababo si Jess. Wala si Tonton, pero may mga platong hindi pa nahuhugasan.

“O, napadaan ka.” Si Mang Jose.

“Dito ka ba kakain?” tanong ni Aling Mary. Mukhang mainit ang ulo nito dahil iisa lang ang kusinerang kasama niya.

“Kumain na ako sa bahay, Ma.”

“E anong ginagawa mo rito?” tanong ni Mang Jose.

“Wala akong magawa sa bahay, e.” Kumuha si Jess ng maliit na bote ng Coke sa ref, binuksan ito at uminom. Naupo siya sa monoblock na nasa tabi ng ref.

Biglang pumasok si Tonton. Pawis na pawis ang dishwasher. Agad nitong kinuha at isinuot ang apron na nakasabit sa likod ng pinto.

“Anong sabi sa iyo?” tanong ni Aling Mary.

Nasa tapat na ng lababong nasa kanan si Tonton. “May sakit po yung anak ni Aling Fely. Dadalhin niya raw po sa ospital.” Dinampot nito ang malaking bote ng Joy dishwashing liquid at naglagay ng kaunti sa isang plastic na plangganita. Pagkuwa’y nilagyan ni Tonton ng tubig ang plastic na plangganita at saka ito hinalo gamit ang kamay. Bumula ang tubig na nasa plangganita. Inilapag ito ni Tonton sa isang tabi, dumampot ng ispongha, isinawsaw ang ispongha sa mabulang tubig at saka ipinahid sa isang maruming pinggan.

“Ang sabihin mo sa kanya, wala siyang ipampapagamot sa anak niya kung a-absent siya rito. Wala bang ibang makakapagdala sa ospital?” sabi ni Aling Mary. Habang nagsasalita, naiwasiwas niya ang sandok na katatapos lang ipanghalo sa dinuguan. Napatakan tuloy ng itim na sabaw ang sahig. “Punasan mo nga ito,” utos ni Aling Mary sa katabing kusinera. Agad namang lumuhod ang babae at pinunasan ang sahig malapit sa paanan ni Aling Mary.

Muling napako ang tingin ni Jess kay Tonton. Mukhang ilang araw nang hindi nalalabhan ang suot nitong kamiseta at shorts. Basa ng pawis ang likod ng kamiseta at halata ang pagtututong ng ibang bahagi, partikular sa dulo ng mga manggas. Ang shorts ay kupas na kupas na maong. Ang buhok naman ng dishwasher ay matigas na matigas at nakasuklay lahat paitaas, halata ang epekto ng mumurahing gel.

Hindi napigil ni Jess ang pag-apaw ng awa sa dibdib. Isang pulubi. Isang pulubi ang dishwasher ng JMJ Kitchenette. Gustong yakapin ni Jess ang dishwasher. Gusto niya itong kaibiganin. Gusto niya itong bigyan ng mga damit at sapatos. Gusto niya itong bilhan ng mamahaling gel. At sabon, lotion, deodorant, toothpaste, dental floss, cotton buds, pati nail cutter. Gusto niyang ampunin at kalingain ang kahabag-habag na nilalang.

Nilapitan ni Jess si Tonton habang inilalagay nito ang mga bagong hugas na pinggan sa paminggalan.

“Ano po yon, ser?” marahang tanong ng dishwasher.

Nagulat si Jess. Wala siyang naisip isagot kundi, “Kumain ka na ba?”

Si Tonton naman ang mukhang nagulat. “Ah, opo. Kanina lang.”

“Uh, anong oras ba tayo magsasara?”

“Alas-diyes po ng gabi.”

“Wala ka bang–”

“Hoy Tonton, ibili mo nga ako ng sigarilyo,” utos ni Mang Jose.

Dali-daling lumapit si Tonton, kinuha ang barya mula sa nag-utos at lumabas ng kusina.

Naiwan si Jess sa tabi ng paminggalan.

Halos hindi pinatulog si Jess ng imahen ni Tonton na nasa harap ng lababo at naghuhugas ng maruruming mga plato. Naaalala niya ang tila pagod at malungkot na mga mata ng dishwasher, ang katawan nitong batak sa trabaho, ang nanggigitata at mumurahin nitong mga damit. Halos maluha si Jess sa habag kay Tonton.

Kinaumagahan, bumalik siya sa kitchenette. Muli, dumiretso siya sa kusina at naupo sa monoblock sa tabi ng ref. Nasa kaliwang lababo at naghuhugas ng bigas ang kusinerang wala kahapon, si Aling Fely. Nasa harap ulit ng kanang lababo si Tonton. Kaldero ang hinuhugasan niya ngayon.

“Ano na naman ang ginagawa mo dito? Wala ka bang pasok?” tanong ni Mang Jose. Pinapanood nitong maghiwa ng tokwa ang isa pang kusinera.

“Pa, nung isang linggo pa natapos ang klase.”

“Ah, ganon ba. O sige, tumulong ka na lang dito. Kuwentahin mo ito.” Itinuro ni Mang Jose ang mga magkakapatong na resibong nakaipit sa isang notebook.

“Ako na lang ang gagawa niyan,” sabi ni Aling Mary. “Pakitingnan mo nga yang tapa kung malambot na.”

Lumapit si Jess sa kalderong pinagpapakuluan ng tapa. Iniangat nang bahagya ang takip, kumuha ng tinidor at tinusok ang karneng nakababad sa bahagyang umuusok na tubig. “Medyo matigas pa, Ma.” Pagkuwa’y pumunta siya sa panggitnang lababo.

“Akin na po,” inaabot ng dishwasher ang tinidor.

“Hindi, ako na lang. Pahiram ng Joy.”

Nang mahugasan ni Jess ang tinidor, kinuha niya ang ilang pinggang hindi pa nahuhugasan ni Tonton.

“Ser, ako na po ang maghuhugas niyan.”

“Tutulungan na kita. Wala naman akong magawa, e.”

At gayon nga ang itinakbo ng mga araw habang walang pasok si Jess sa unibersidad: maaga siyang gumigising at gabi nang umuuwi para tumulong sa paghuhugas ng pinggan sa JMJ Kitchenette. Magkahalong tuwa at kaunting pagtutol ang naging reaksyon nina Aling Mary at Mang Jose. Natutuwa sila dahil sa wakas ay nagpapakita na ng interes sa negosyo ang nag-iisang anak. Pero anila, si Jess ang susunod na may-ari ng kitchenette, hindi ang susunod na dishwasher. Ang dapat niyang pag-ukulan ng panahon ay ang pamamahala sa loob ng kusina, hindi ang paghuhugas ng mga pinagkainan ng mga kostumer. Napahinuhod lang sila ng nag-iisang anak nang sabihin nitong bahagi ng “immersion” ang paghuhugas ng pinggan. Para sa mas epektibong pamamahala sa hinaharap, kinakailangan niyang gawin ang gayong paglubog sa mga aktuwal na gawain sa kusina.

Dahil maghapong magkasama, hindi naging mahirap para kay Jess na makuha ang tiwala ng dishwasher: nagsimula sa pasundot-sundot na pagtatanong at papatak-patak na pagsagot, nang maglaon ay parang tubig na galing sa bukas na gripo ang naging daloy ng usapan ng dishwasher at ng anak ng mga may-ari ng kitchenette. Para kay Tonton, noon lamang siya nakakita ng taong gustong makinig, kaya hindi na siya nangiming ikuwento ang sariling buhay kay Jess. Ikinuwento niya ang parating pagbabangayan ng mga magulang, ang madalas na pag-uwi ng ama niyang gulapay dahil sa pagkagumon nito sa alak, at nang hindi na nila matiis ang sitwasyon sa sariling tahanan, silang walong magkakapatid ay pilit na nakisukob sa iba�t ibang kamag-anak na may-kaya kahit na halos gawin silang katulong ng mga ito; kung paano siyang nakiusap sa kaibigan ni Aling Mary na si Aling Miling na kapitbahay ng Tiya Patring niya (kung saan nakatira siya ngayon, kasama ng isa pang kapatid) na ipasok siya sa JMJ Kitchenette.

Sa tuwing nakikinig sa dishwasher, hindi mapigil ni Jess ang kanyang emosyon. Makailang beses na nagkunwari siyang naipahid ang brasong may sabon sa mata para lang mapagtakpan ang bigla-biglang pagbalong ng luha. Labis na dinadama ni Jess ang pakikinig sa mga paghihirap na dinanas ni Tonton kaya madalas siyang umuwing mabigat ang loob. Madalas niyang sisihin ang sarili sa pagiging palalo, sa pagiging mapag-aksaya sa mga materyal na biyayang mayroon siya at hindi man lang namamalayang naroon pala, samantalang may mga katulad ni Tonton na kinakailangan pang maghugas ng pinaglawayan at pinagkainan ng iba para lamang makabili ng pagkain sa araw-araw. Naiibsan lamang ang gayong pagsisisi ni Jess sa tuwing binabahaginan niya ang dishwasher ng kung anumang mayroon siya. Naroong bigyan niya ito ng pinaglumaang damit at sapatos. Naroong bigyan niya ito ng lotion para sa kamay. Naroong bigyan niya ito ng gel at facial wash. At nang minsang maamoy niya ito pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, binigyan pa ito ng deodorant.

Isang araw, nagdesisyong hindi pumasok si Jess. Naramdaman na kasi niya ang pagkabuo ng kuwentong ilang araw na ring lumalangoy sa isip niya. Umupo siya sa harap ng computer at nag-umpisang tumipa.

Nasa ikalimang pahina na si Jess nang may marinig siyang pagkatok sa pinto. Napatingin siya sa orasang nasa monitor: tanghali na pala. Binuksan niya ang pinto: si Tonton.

�Ser, ipinapatanong ng mama mo kung papasok ka raw ba ngayon,� nakangiting bungad ng dishwasher.

�Pakisabi, hindi. May ginagawa kamo ako.�

�Ser, may mga naghihintay na plato sa iyo ron.�

�Next time na lang.� Ngumiti si Jess. �Pakisara na yang pinto, sayang ang lamig.�

Marahang isinara ni Tonton ang pinto.

Makaraan ang ilang araw, bumalik si Jess sa JMJ Kitchenette.
�Aba, nagbalik ang naligaw na tupa,� sabi ni Aling Mary. Naghihiwa siya ng tokwa.

�Malapit na ang pasukan, Ma. Hindi na talaga ako makakatulong dito.�

�Yan ang anak mo, Mary. Masipag talaga,� tuya ni Mang Jose.

Hindi na lang pinansin ni Jess ang biro ng mga magulang. Tiningnan niya si Tonton na nasa kanang lababo. Nangiti siya nang makitang suot nito ang mga bigay niya. Naka-dilaw itong poloshirt, cargo shorts na kulay khaki at balat na sandalyas. Ang buhok nito ay maayos na nakapartida sa kanan, mukhang basa at medyo malambot kaysa dati.

Nang makita ng dishwasher na palapit si Jess, naglagay siya ng mga maruming baso sa panggitnang lababo.

�Kanina ka pa hinihintay ng mga yan, ser.�

�May sorpresa ako sa iyo.�

�Ano po, ser?�

�Dumaan ka sa bahay mamaya, ibibigay ko sa iyo.�

Mukhang hindi siya sanay sa aircon, isip ni Jess. Halata na agad ang pagbabara ng ilong ng dishwasher kahit na ilang sandali pa lang ang inilalagi niya sa malamig na kuwarto. Hawak na niya ang sorpresa: isang maikling kuwentong isinulat ni Jess. Tungkol raw sa kanya at sa mga katulad niya ang kuwento.

�O sige, sa inyo mo na lang basahin yan. Baka maiyak ka pa rito. Tingnan mo, nagbabara na ang ilong mo,� biro ni Jess.

Nang lumabas ng kuwarto si Tonton, naramdaman niya ang bigla at mahigpit na pagyakap ng alinsangan sa kanyang katawan. Matagal na niyang kilala ang hangin na ito; ibang-iba ang hangin sa loob ng kuwarto ni Jess.

�O ano, nabasa mo na? Nagustuhan mo ba?� sabik na tanong ni Jess kinabukasan.

Hindi makasagot si Tonton. Nagpatuloy lang siya sa paghuhugas ng pinggan.
Kinalabit siya ni Jess. �Huy, ano? Nabasa mo ba? Napangitan ka siguro? Ayos lang, sabihin mo. Hindi naman ako magagalit.�

Hindi masabi ni Tonton na kahit maghapon at magdamag niyang titigan ang mga papel na ibinigay ni Jess ay hindi niya maiintindihan ang mga nakalagay doon. Ni hindi nga niya maisulat ang sariling pangalan. Nakalimutan niya yatang sabihin yon kay Jess.
�Ang ganda, ser. Maraming salamat. Nagustuhan ko yung kuwento,� nakayukong sabi ni Tonton.

Nang marinig ang sinabi ng dishwasher, muntik nang humiyaw sa tuwa si Jess, mabuti na lang at napigilan niya ang sarili.

�Ser?�

�Hmm?�

�Pwede nyo ba akong tulungan? Kahit ngayon lang? Gusto ko kasing maagang umalis, bibisita sina Tatay kila Tiya Patring. Kailangan ko lang maghanda.�

�Naku Ton, pasensiya ka na. May gagawin pa ako, e. Next time na lang, bawi ako sa iyo, ha?�

�Ah�o sige po. Salamat na lang.�

Gustong sumabog ng dibdib ni Jess nang lumabas siya ng JMJ Kitchenette. Ito pala ang pakiramdam ng tunay na pakikisangkot, isip niya. Nagmamadali siyang umuwi, kinikilig sa paghabol sa biglang pagsulpot ng mga bagong ideya para isulat.

—————-
Si Chuckberry J. Pascual ay madalas nananaginip na tumutugtog ng bosendorfer. Anak siya ng lola niya.

Join the Conversation

8 Comments

  1. gnda sna kea lng bt prng bitin?nu bng knuhng course n jess?nmana b nia ung kitchenette??

  2. what we are looking for are maikling kwento. this is a long story, this is not short.

  3. something to ponder on… a short story is defined not entirely by its lenght nor the number of sentences… a short story is a short story because it only has a single plot…

  4. this is so inspiring! napakaganda ng pagkakagawa.. sana nga mas mahaba pa rito kac nakakabitin hehe.. keep up the good work!

  5. ahm..maganda ang kwento pero dahil “short story” siya medyo nabitin ako…marami pang pwedeng idagdag…gawin mo nalang kayang nobela yan tapos ipost mo..gawa ka ng sarili mong blog…

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.